Huwebes, Hulyo 4, 2013

ANG CRISTONG HARI AT ANG CORDERO



Jesus of Nazaret
Ang usapin na may ganap na kinalaman sa Cristong Hari at sa Cordero ay isang panoorin na kailan man ay hindi naging malinaw sa kaalaman at pang-unawa ng marami mula pa sa malayong kapanahunan. Hanggang sa henerasyon nating ito ay nananatili pa rin na iyan ay isang tanawin na nalalambungan ng isang lubhang maitim na kadiliman. Dahil ang ilan sa nakaraan ay ginamit ang pisikal nilang kapangyarihan sa sapilitang pagtuturo ng mga doktrinang pangrelihiyon (Evangelio ng di pagtutuli), na kailan man ay hindi sinang-ayunan ng mga sagradong katuruan (Evangelio ng kaharian) na ipinangaral ng mga tunay na banal ng Dios.

Dahil diyan ay nakakalungkot na isiping marami sa ngayon ang matibay na tinitindigan ang ilang aral pangrelihiyon na sumasalungat at hayagang naghihimagsik sa natatanging kalooban ng kaisaisang Dios, na may katapangang ipinangral ng mga propeta ng Tanakh. Gayon man, sa udyok ng katuwiran na inaaring lubos ng katotohanan ay tatanglawan namin ng hustong liwanag sa artikulong ito ang mga tanawing pangkabanalan, na kay laon ng ikinukubli ng mga tampalasan sa pusikit na kadiliman.

Martes, Hunyo 18, 2013

PAANO NAUUWI SA IDOLATRIYA ANG PAGSAMBA SA DIOS


Mula sa salansan ng mga banal na kasulatan(Tanakh) ay mahigpit na ipinagbabawal ng kaisaisang Dios ang pagsamba sa larawan at rebulto ng mga diosdiosan na ginawa ng mga kamay. Gayon ma’y mistulang mga bulag at bingi ang marami sa kabawalang iyan ng Bibliya. Ito’y dahil sa tila hindi nila alintana ang tuwirang salita ng Dios (evangelio ng kaharian) na sumasaway sa gayong kasuklamsuklam na gawain ng mga tao. Bunga nito’y sumisiklab ang galit ng ating Ama sa marami na tanging kadahilanan, upang sa kanila na mga anak ng pagsuway ay ipataw ang kaukulang kaparusahan.

Kung ang isa sa mga kabawalan (kautusan) ay madiing tinutukoy ang pagsamba sa mga rebulto (imahe) ng mga diosdiosan - ang matuwid diyan ay ang masigla at malugod na pagsunod. Dangan nga lamang ay kinurap ng mga pilipit na doktrinang pangrelihiyon ang isipan at damdamin ng marami. Kaya naman kailan ma’y hindi naging malinaw sa kanila ang usaping iyan na may ganap na kinalaman sa karumaldumal na idolatriya.

Ano nga ba ang tunay na kahulugan nito? Paano nauuwi sa ganyang di makatotohanan at nakamumuhing kaugalian ang pagsamba ng mga tao sa kinikilala nilang Dios?

Lunes, Hunyo 3, 2013

KAUTUSAN NG DIOS IBINASURA NI LUCAS AT PABLO

Ang mga kautusan ayon sa hindi kakaunting balumbon ng mga banal ng kasulatan (Tanakh) ay mahigpit na pinaiiral ng Ama nating nasa langit. Bagay na una sa lahat ay karapatdapat pag-ukulan ng hustong pansin, upang ang mga iyon ay matutunang sundin at masiglang isabuhay ng sinoman sa kalupaan. Gayon ma’y pilit itong itinatakuwil at niwawalang kabuluhan ng marami mula pa nang ito’y simulang isulat ng kaisaisang Dios sa tapyas ng mga bato sa taluktok ng bundok Sinai.

Sa paglipas ng lubhang malayong kapanahunan ay hindi kailan man naging makatuwiran ang mga nabanggit na kautusan sa unawa ng marami. Bagkus ay natutunan nilang tangkilikin ng buong puso ang mga di-makatotohanang likhang doktrinang pangrelihiyon ng tao, na malabis ang paghihimagsik sa buong katuwiran ng Dios. Dahilan upang sila’y maging matutol at malabagin sa Kaniyang kalooban. Sila’y tila bulag na nagsiyapos sa kahangalan at mga nilubidlubid na kabulaanan ng mga taong ang tanging layunin ay kaladkarin sa tiyak na kapahamakan ang kaawa-awang kaluluwa ng kanilang kapuwa.

Lalo na ngang sa marami ay nagtumibay ang gayong kasuklamsuklam na kaugalian, nang ituro ni Saulo ng Tarsus (Pablo) na ang kautusan ng Ama ay inutil sa layuning maghatid ng kaluluwa sa kaluwalhatian ng langit. Ano pa’t sa kakulangan ng higit na nakakarami ng hustong kamalayan sa larangan ng tunay na kabanalan – ang kahinaan nilang iyon ay sinamantala ng taong nabanggit at ang lubhang marami ay napaniwala niya sa mga likhang taong doktrinang pangrelihiyon (evangelio ng di pagtutuli) at pinilipit na aral pangkabanalan.

Sabado, Mayo 11, 2013

HIDWANG PANINIWALA (Heresy)


The Scrolls of Tanakh
Ang Tanakh ay katawagan na ginagamit ng Judaismo ukol sa batas kanonico (canon) ng Bibliyang Hebreo (Hebrew Bible). Kilala din ito sa taguring Masoretic Text, o Miqra. May tatlong (3) pinagkaugaliang dibisyon ang kasulatang nabanggit. Ang Torah (“Kautusan,” na kilala din sa tawag na Limang Aklat ni Moses), ang Nevi’im (“Mga Propeta”), at ang Ketuvim (“Katuruan”). Sa balumbon ng mga kasulatang iyan ay ipinakilala ang kaisaisang Dios at ang natatangi Niyang mga Kautusan, Palatuntunan, at Kahatulan. Diyan ay masigla at malugod na ipinahayag ng mga hari at ng mga propeta ang katuruang Cristo (Messianic Teachings).

Sa kasulatan ding iyan ay mababasa na nilikha ng nagpakilalang Kaisaisang Dios (Yohvah) ang dimensiyon ng Materiya at Dimensiyon ng Espiritu, at ang lahat ng mga nangaroon (Gen 1:1). Gayon din naman Niyang binigyang diin, na siya ang nagmamay-ari sa lahat ng kaluluwa ng sangkatauhan (Eze 18:4). Dahil sa matibay na kadahilanang iyan - ang lahat ng tao sa buong kalupaan, o sa apat (4) na direksiyon ng ating mundo ay may tungkulin na tumupad ng kaniyang kalooban.

Ang natatanging katuruang pangkabanalan na nilalaman ng Tanakh sa makatuwid ay ganap na tinutukoy ang sangkatauhan. Ang lahat kung gayo’y nararapat mamuhay sa kalupaan lakip sa kaniyang kalooban at kabuoan ang takot sa Dios.  Ang ganap na kaalaman at pagka-unawa sa mga kaayunan at kabawalan na nilalaman nito ang tumatayong matibay na gabay ng mga tao. Sukat upang ang sinoman sa kalupaan ay matutong harapin ang uri ng buhay na may ganap na pakikibahagi sa nag-iisang larangan ng tunay na kabanalan.

Biyernes, Mayo 3, 2013

KAILANGANG PAG-ARALAN ANG BIBLIYA


Mahalagang Paalala:

Layunin namin na maglahad lamang ng mga aral pangkabanalan na masaganang dumaloy mula sa bibig ng panginoong Jesucristo at ng mga tulad niyang tunay na banal ng Dios

Kailan ma'y hindi namin hinangad na atakihin, siraan, ni gibain man ang pinaninindigan na doktrinang pangrelihiyon ng sinoman.

Gayon din namang nais naming liwanagin lamang na wala kaming anomang laban, ni paghihimagsik man sa mga panulat nitong si Saulo (Pablo) ng Tarsus. Bukod pa doon ay wala na kaming iba pang ninanais na mangyari pa.

Kung siya man ang tila sentro ng usapin sa artikulong ito ay tanda lamang iyon, na ang itinuturo niyang aral ay may hayagang pagsalungat at pagpapawalang kabuluhan sa katuwiran ng Dios na ipinangangaral ni Jesus at ng iba pang tunay na banal

Ang akdang ito ay napakaliwanag na hindi kailan man dumako sa mapanirang panghuhusga ng kapuwa, kundi sa layong tanglawan lamang sa isipan at pang-unawa ng lahat ang hindi kakaunting bagay ng Dios na malaon ng pinipilipit at niwawalang kabuluhan ng marami.

Dahil diyan ay lubha ngang mahalaga sa sinoman na masusing siyasatin at pag-aralan ang nilalaman ng bibliya.

Batid nyo ba na sa Biblia ay nasusulat ang pinaghalong salita ng Dios at sariling pakiwari ng tao? Sa paglalahok ng dalawang iyan ay lubhang marami ang nailigaw sa katotohanan. Sapagka't nauuwi sa wala ang salita ng Dios, nang dahil sa minamatuwid na hidwang paniniwala ng ilang nagsulat ng Bagong Tipan. Dahil sa anomalyang iyan ay dapat mag-aral ng Biblia (Tanakh), upang matutunan natin kung papaano mapapaghiwalay ang sariling palapalagay ng tao na nagpapawalang kabuluhan sa mga salita ng Dios.

Pangalawa'y dapat maliwanagan ng lahat, na sa bagong tipan ay masusumpungan ang mga daya ng kasinungalingan na idinagdag at ibinawas sa mga teksto ng Lumang Tipan. 


Ang mga iyan ay napatunayang ginawang patibayang aral ni Pablo sa lahat niyang mga sulat. Gayon din ang walang pakundangang pagsasalarawan ng gayong karumaldumal sa sulat na pinamagatang, "SA MGA HEBREO."

Ito ang pangunahing dahilan kung bakit kailangan natin ang tumpak at batay sa katibayan biblikal na pag-aaral ng bibliya (precise and evidence-based bible study).

Nang sa gayo'y makatiyak tayo na ang mga ginagamit nating patibayang aral ay walang halong mapanlinlang na kasinungalingan ng ilang karakter ng Bagong Tipan. 

Kaugnay nito ay hindi katotohanan na ang lahat ng nagsulat sa Bibliya ay inspirado ng Espiritu Santo, kundi ang ilan sa kanila'y inspirado ng diyablo. Sapagka't taglay ng kanilang salita ang kasuklamsuklam na kasinungalingan na lumalayon sa karumaldumal na pandaraya. 

Akala tuloy ng marami ay katotohanan ang mga katunayang biblikal na kanilang ipinakikipaglaban - yun pala'y pinaglubidlubid lamang na kasinungalingan, na ang layunin ay pilipitin ang katotohanan at kaladkarin sa tiyak na kapahamakan ang kaluluwa ng kanilang kapuwa. 

Sabado, Abril 27, 2013

WALA NA BANG KABULUHAN ANG LUMANG TIPAN?


Mga paunang salita:
Matuwid na layunin naming ilahad lamang sa mga kinauukulan ang mga salita (evangelio ng kaharian) na ipinangaral ng sariling bibig ni Jesus. Mga katiwatiwalang katunayang biblikal lamang ang tangi naming pinagbatayan sa pagbabalangkas at pagbuo ng akdang ito. Hindi namin kailan man hinangad, o ninais man na atakihin, ni husgahan man ang alin mang doktrinang pangrelihiyon na tinitindigang matibay ng sinoman. Anomang komento mula sa amin na mababasa sa artikulong ito ay may lubhang matibay at kongkretong batayan. Dahil diyan ay maliwanag na ang aral pangkabanalan na ipinangaral ng Cristo (Mashiach) ang siyang humuhusga sa pilipit na pagka-unawa ng marami sa salitang “ matuwid, at katotohanan.” Hindi namin kailan man hingangad na husgahan, ni ilagay man sa kahiyahiya at abang kalagayan ang aming kapuwa. Kundi sa pagnanais na maghayag lamang ng mga sagradong aralin na sinasang-ayunang lubos ng katuruang Cristo (Messianic teachings).

Sa larangan ng Cristianismo ni Pablo ay nalalahad ang doktrinang pangrelihiyon (evangelio ng di pagtutuli) na umano’y nagpapawalang kabuluhan sa mga katuruan na ipinangaral ng mga propeta (mashiyach) nitong lumang tipan ng Bibliya (Tanakh). Partikular sa mga iyon ay ang sampung (10) kautusan na tinanggap ni Moses sa taluktok ng bundok Sinai. Sa kinalap naman na iba’t ibang istoriya nitong si Lucas (Luk 1:1-3) ay sinasasabi na ang pag-iral ng kautusan at ng mga propeta ng sangbahayan ni Israel ay nanatili hanggang kay Juan Bautista lamang.

Linggo, Abril 14, 2013

ANG TAO AY MAY KALULUWA


Sa panahon nating ito'y maituturing na higit ang bilang ng mga tao na hindi pa nauunawaan ng lubusan ang pinakamahahalagang bahagi na bumubuo sa kaniyang pagkatao. Madalas ay napapagkamalian ng marami na ang kaluluwa at Espiritu ay iisa lamang at walang anumang pagkakaiba sa kalikasan ng isa't isa. Ang ilan nga ay nagsasabi na sila ay physical body lang dahil sa hindi naman daw nila nakikita at nadarama ang pagkakaroon nila ng kaluluwa (soul) at espiritu (spirit.) Kaya naman mahalaga sa sinoman na higit sa lahat ay magkaroon ng sapat na pagkakilala sa mga prinsipal na bahagi ng kaniyang sarili bilang isang tao. Iyan ang sa ngayon ay lalapatan namin ng kaukulang tanglaw ayon sa matuwid ng mga katiwatiwalang katunayang biblikal.

Nasusulat, na ang kalagayang tao ay isang kabuoan na sinasangkapan ng tatlong (3) bahagi – ang katawang lupa (physical body), ang kaluluwa (soul), at ang Espiritu ng buhay (spirit of life). Ang kaluluwa sa kabuoang ito ay buhay (living), palibhasa’y taglay niya ang Espiritu ng buhay. Sila ay hindi magkakatulad sa likas nilang kalagayan, gayon ma’y nabibilang sa isang napakahalagang layunin ng nabanggit na kabuoan.