Friday, May 3, 2013

KAILANGANG PAG-ARALAN ANG BIBLIYA


Batid nyo ba na sa Biblia ay nasusulat ang pinaghalong salita ng Dios at sariling pakiwari ng tao? Sa paglalahok ng dalawang iyan ay lubhang marami ang nailigaw sa katotohanan. Sapagka't nauuwi sa wala ang salita ng Dios, nang dahil sa minamatuwid na hidwang paniniwala ng ilang nagsulat ng Bagong Tipan. Dahil sa anomalyang iyan ay dapat mag-aral ng Biblia (Tanakh), upang matutunan natin kung papaano mapapaghiwalay ang sariling palapalagay ng tao na nagpapawalang kabuluhan sa mga salita ng Dios.

Pangalawa'y dapat maliwanagan ng lahat, na sa bagong tipan ay masusumpungan ang mga daya ng kasinungalingan na idinagdag at ibinawas sa mga teksto ng Lumang Tipan. Ang mga iyan ay napatunayang ginawang patibayang aral ni Pablo sa lahat niyang mga sulat. Gayon din ang walang pakundangang pagsasalarawan ng gayong karumaldumal sa sulat na pinamagatang, "SA MGA HEBREO."

Ito ang pangunahing dahilan kung bakit kailangan natin ang bible study. Nang sa gayo'y makatiyak tayo na ang mga ginagamit nating patibayang aral ay walang halong mapanlinlang na kasinungalingan ng ilang karakter ng Bagong Tipan. Kaugnay nito ay hindi katotohanan na ang lahat ng nagsulat sa Biblia ay inspirado ng Espiritu Santo, kundi ang ilan sa kanila'y inspirado ng diyablo. Sapagka't taglay ng kanilang salita ang kasuklamsuklam na kasinungalingan na lumalayon sa karumaldumal na pandaraya. Akala tuloy ng marami ay katotohanan ang mga katunayang biblikal na kanilang ipinakikipaglaban - yun pala'y pinaglubidlubid lamang na kasinungalingan, na ang layunin ay pilipitin ang katotohanan at kaladkarin sa tiyak na kapahamakan ang kaluluwa ng kanilang kapuwa. 

Paano nga kung gayon makakamit ng sinoman ang kaligtasan ng laman (katawan) at ng kaluluwa, kung ang aral na kaniyang tinitindigan ay hindi kailan man sinang-ayunan ng katotohanan. Ang sinoma'y dumadako sa larangan ng tunay na kabanalan, kapag ang tema ng araling nabanggit sa itaas ang inuna niyang pagtuunan ng masusing pag-aaral. Sapagka't sa pagka-alam ng tama (katotohanan ng Dios), ay maliwanag na makikita ang mali (daya ng kasinungalingan),  at ito'y sukat upang ang pagtalima sa mga kautusan, palatuntunan, at kahatulan ng kaisaisang Dios ay maluwalhating maisabuhay ng sinoman sa kalupaan.

Sa pag-aaral ng Bibliya ay matuwid na isaalang-alang ninoman ang katuwiran na mismo ay sinalita (evangelio ng kaharian) ng sariling bibig ng panginoong Jesucristo. Bago nga natin paniwalaan ang pangsariling opinyon ng ilang karakter ng bagong tipan ay tiyakin nga muna natin na iyon ay may pagsang-ayon sa sagradong turo na iniaral ng kaniyang bibig. Maituturing ngang huwad na katuruang pangkabanalan ang anomang aral na masusumpungang may pagsalungat o paghihimagsik sa evangelio ng kaharian.

Ano nga ba ang evangelio ng kaharian?

Ang evangelio ng kaharian ay kalipunan ng mga katuruang pangkabanalan na mismo ay sinalita ng sariling bibig ng Cristo. Ito ay lumalayong ihatid ang sinoman sa kaligtasan ng kaluluwa tungo sa buhay na walang hanggan sa kaluwalhatian ng langit. Matatawag na tunay na Cristiano (Masyano) ang sinomang may kasiglahan at may galak sa puso na nagsasabuhay ng mga katuwiran ng Dios na iniaral ng sarili niyang bibig. Datapuwa’t ang sinomang hindi ginaganap ang nabanggit na evangelio ng kaharian, gayon ma’y nagsasabing siya’y Cristiano – ang tao ngang iyon ay hindi nagsasaad ng katotohanan. Sinoman ngang nabibilang sa gayong kasuklamsuklam na kalagayan ay dumadako sa malaking kalipunan ng mga huwad na Cristiano.

Sa pagpapatuloy ay anu-ano nga kaya ang mga sagradong aral na masusumpungan sa evangelio ng kaharian, upang kung maisabuhay ng sinoman ay makilala siyang isang tunay at lehitimong Cristiano? Gaya nga ng nasusulat ay matuwid na ariing katotohanan ng sinoman bilang isang Cristiano ng Dios ang mga sumusunod na katuruang pangkabanalan na itinuro at binigyang diin ng sariling bibig ng Cristo.

Ano nga ba ang itinuro ni Jesus tungkol sa kautusan ng Dios?

MATEO 5 :
17  Huwag ninyong isiping ako’y naparito upang sirain ang kautusan o ang mga propeta: ako’y naparito hindi upang sirain, kundi upang GANAPIN.

18  Sapagka’t katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hanggang sa mangawala ang langit at ang lupa, ang isang TULDOK o isang KUDLIT, sa anomang paraan ay HINDI MAWAWALA SA KAUTUSAN, hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay.

MATEO 19 :
17  At sinabi niya sa kaniya, Bakit mo itinatanong sa akin ang tungkol sa mabuti? May isa, na siyang mabuti: datapuwa’t kung ibig mong pumasok sa buhay, INGATAN MO ANG MGA UTOS.

MATEO 22 :
36  Guro, alin baga ang DAKILANG UTOS sa KAUTUSAN?
37  At sinabi sa kaniya, IIBIGIN MO ANG PANGINOON MONG DIOS NG BOONG PUSO MO, AT NG BOONG KALULUWA MO, AT NG BOONG PAGIISIP MO. (Deut 6:5)
38  Ito ang DAKILA AT PANGUNANG UTOS.
39  At ang PANGALAWANG KATULAD ay ito, IIBIGIN MO ANG IYONG KAPUWA NA GAYA NG IYONG SARILI. (Lev 19:18, Mat19:19)
40  SA DALAWANG UTOS NA ITO’Y NAUUWI ANG BOONG KAUTUSAN, AT ANG MGA PROPETA.

JUAN 12 :
50  At nalalaman ko na ANG KANIYANG UTOS AY BUHAY NA WALANG HANGGAN; ang mga bagay nga na sinasalita ko, ay ayon sa sinabi sa akin ng AMA, GAYON KO SINASALITA.

Narito, at sinasabi mismo ni Jesus na siya’y naparoon sa sangbahayan ni Israel hindi upang sirain, ni pawalang kabuluhan (alisan ng bisa) ang kautusan ng Ama. Bagkus ay maging isang buhay na halimbawa ng maluwalhating pagsunod sa Dios. Ito’y sa pamamagitan ng pagganap sa natatanging kalooban (kautusan) ng Ama nating nasa langit. Ayon na rin sa kaniya’y hindi mawawala sa kautusan ang isang tuldok, ni isang kudlit man hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay. Ang kaganapan nga ng lahat ng mga bagay ay ang makita ng Ama, na sa bawa’t mukha ng tao sa kalupaan ay lumarawan ang natatanging anyo ng Kaniyang katuwiran at kabanalan (na kung lilinawin ay ang anyo at wangis ng katotohanan, ilaw, pag-ibig, lakas, paggawa, karunungang may unawa, at buhay na walang hanggan)

Dito ay maliwanag na ipina-uunawa ng Cristo sa lahat, na ang gawang inaari ng mabuti ay ang pagtalima at pag-iingat ng kautusan. Ano pa’t ang una ay ang kautusan ng pag-ibig sa Dios (1-5), at ang pangalawa ay ang kautusan ng pag-ibig sa kapuwa (6-10). Sa simula nga’y dalawa (Mat 22:36:40) lamang, datapuwa’t nang lumaon ay lalong pinalinaw ng Ama sa ikagagaan ng pagsunod ng kaniyang mga anak. Kaya ang dalawa (2) ay hinimay at pinadami sa sampu (10), na siyang sa ngayon ay mga mayor na kautusan ng Dios.

Ano man ngang katuruan na lilihis, o lalabag sa katuwiran ng mga salitang iniluwal ng sariling bibig ni Jesus na tinalakay natin sa itaas ay hindi na nga sinasakop ng katuruang Cristo (Messianic teaching). Hindi na nga lalapat pa sa kamalayang Cristianismo (Masyanismo) ang aral pangrelihiyon (Evangelio ng di-pagtutuli) na nagpapawalang kabuluhan sa mga kautusan ng kaisa-isang Dios na nasa langit.

Matapos ang usapin ng kautusan ay ano naman kaya ang itinuturo ng bibig ni Jesuctisto tungkol sa pananampalataya? Hinggil nga sa usaping ito ay sinalita ng sarili niyang bibig ang mga sumusunod,


Ang Pananampalataya

MATEO 23 :
23  At inyong pinababayaang di ginagawa ang LALONG MAHAHALAGANG BAGAY NG KAUTUSAN, Na dili iba’t  ang Katarungan, at ang Pagkahabag, at ang PANANAMPALATAYA: datapuwa’t dapat sana ninyong gawin ang mga ito, at huwag pinababayaang di ginagawa yaong iba.

JUAN 5 :
24  Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo,  Ang DUMIRINIG NG AKING SALITA, at SUMASAMPALATAYA SA KANIYA NA NAGSUGO SA AKIN, ay may buhay na walang hanggan, at HINDI PAPASOK SA PAGHATOL, KUNDI LUMIPAT NA SA KABUHAYAN MULA SA KAMATAYAN.

Ang pananampalataya sa makatuwid ay isa lamang sa lalong mahahalagang bagay ng kautusan. Na ang ibig pang ipakahulugan ng mga talata sa itaas ay isa itong kabuoan, at ang pananampalataya, katarungan, at pagkahabag ay mga mahahalagang bagay lamang na pumapaloob dito. Dahil diyan ay walang anomang matuwid, o balidong kadahilanan, upang ang isa man sa kabuoang iyan ay ihiwalay ninoman. Sapagka’t, kung magkukulang sa kaniyang kahustuhan ang kabuoang iyan ay tiyak na mawawalan ng lakas na ganapin ang natatangi nitong layunin.

Maliwanag namang binibigyang diin sa Juan 5:24, na ang pananampalataya (lubos na tiwala) ay sa kaisaisang Dios lamang nararapat na iukol ng sinoman sa kalupaan. Ang mga salita (evangelio ng kaharian) lamang na nangagsilabas mula sa bibig ng Cristo ang nararapat na panghawakang matibay ng lahat. Dahil diyan ay matuwid lamang na dinggin at isabuhay natin ang mga aral pangkabanalan na itinuro ng sarili niyang bibig. Bukod pa sa roon ay hindi na papasok pa sa anomang masaklap na kahatulan ng Dios ang sinoman. Ayon pa, mula sa dako ng kamatayan - siya’y ililipat ng ating Ama sa kabuhayan na walang hangganan. Ang pananampalataya sa makatuwid ay tanging sa ating Ama na kaisaisang Dios lamang matuwid na iukol ng lahat. 

Kailangan din namang sampalatayanan, na ang Espiritu ng Dios ay namahay at naghari sa kalooban ni Jesus na Cristo at mga apostol. Gayon din sa mga propeta ng Torah na kinilala at itinanghal ng ating Ama sa larangan ng tunay na kabanalan. 


Na sinasabi,

JUAN 14 :
10  HINDI KA BAGA NANANAMPALATAYA NA AKO’Y NASA AMA, AT ANG AMA AY NASA AKIN? Ang mga salitang aking sinasabi sa inyo’y hindi ko sinasalita sa aking sarili: kundi ang Ama na tumatahan sa akin ay gumagawa ng kaniyang mga gawa.

11  MAGSISAMPALATAYA KAYO SA AKIN NA AKO’Y NASA AMA, AT ANG AMA AY NASA AKIN: o kundi kaya’y MAGSISAMPALATAYA KAYO SA AKIN DAHIL SA MGA GAWA RIN.

12  Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, ANG SA AKIN AY SUMAMPALATAYA, AY GAGAWIN DIN NAMAN NIYA ANG MGA GAWANG AKING GINAGAWA; at LALONG DAKILANG MGA GAWA KAY SA RITO ANG GAGAWIN NIYA, sapagka’t ako’y paroroon sa Ama.

JUAN 12 :
44  At si Jesus ay sumigaw at nagsabi ANG SUMASAMPALATAYA SA AKIN, AY HINDI SA AKIN SUMASAMPALATAYA, KUNDI DOON SA NAGSUGO SA AKIN.


DEUT 18 :
18  Aking palilitawin sa kanila ang isang PROPETA sa gitna ng kanilang mga kapatid, na gaya mo; at AKING ILALAGAY ANG AKING MGA SALITA SA BIBIG NIYA, at KANIYANG SASALITAIN SA KANILA ANG LAHAT NG AKING IUUTOS SA KANIYA. (Amos 3:7) 

Maliwanag ngang mababasa sa itaas, na itong si Jesus ay nararapat sampalatayanan sa kalagayang siya’y sumasa Ama at ang Ama ay sumasa kaniya. Dapat nga ring sampalatayanan na gumagawa ng Kaniyang mga gawa ang Espiritu ng Dios na namamahay at naghahari sa kalooban at kabuoan ng Cristo sa panahon niyang iyon Sa madaling salita ay naisasagawa ng nabanggit na Espiritu ang mga dakila niyang adhikain sa pamamagitan ng kinikilala at itinatanghal niyang mga banal (propeta at hari).

Hindi nga matuwid sa paningin ng kaisaisang Dios na itong si Jesucristo ay kilalanin at sampalatayanan sa kalagayan ng isang Dios. Sapagka’t siya ay nagsaad ng natatanging katotohanan hinggil sa likas niyang kalagayan bilang isang tao na totoo.

Bago nga simulan ang usaping iyan ay atin munang tanglawan ang isang katuwiran na may kinalaman sa mga salita ng bibig  nitong si Jesus, na sinasabi,

JUAN 5 :
24  Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo,  Ang DUMIRINIG NG AKING SALITA, at SUMASAMPALATAYA SA KANIYA NA NAGSUGO SA AKIN, ay may buhay na walang hanggan, at HINDI PAPASOK SA PAGHATOL, KUNDI LUMIPAT NA SA KABUHAYAN MULA SA KAMATAYAN.

JUAN 18 :
37  Sinabi nga sa kaniya ni Pilato, Ikaw nga baga’y hari? Sumagot si Jesus, Ikaw ang nagsasabing ako’y hari. Ako’y ipinanganak dahil dito, dahil dito ako naparito sa sanglibutan, UPANG BIGYANG PATOTOO ANG KATOTOHANAN. (Mat 15:24) ANG BAWA’T ISANG AYON SA KATOTOHANAN AY NAKIKINIG NG AKING TINIG.

MATEO 24 :
35  Ang langit at ang lupa ay lilipas, datapuwa’t ANG AKING MGA SALITA AY HINDI LILIPAS.

Kung uunawaing mabuti ang mga nasasaad na katotohanan sa mga talata sa itaas ay hindi mahirap maunawaan, na kailangang dinggin at isabuhay ng lahat ang mga salita (evangelio ng kaharian) na ipinangaral ng sariling bibig ni Jesus. Dito’y sinasabi na tanging ang mga tao na umaayon lamang sa katotohanan ang nangakikinig at nagsasabuhay nitong evangelio ng kaharian. Ano pa’t ang sinomang nagsasabi na siya’y dumadako sa larangan ng tunay na kabanalan at hindi tumitiwala o nananahan man sa aral ng bibig ng Cristo ay hindi kinalulugdan ng ating Ama. Sa gayo’y hindi kailan man maaaring pamahayan at pagharian ng Espiritu ng Dios ang kalooban at kabuoan ng taong iyon.

Hindi nga maaaring mapaso, ni paglipasan man ng mga kapanahunan ang katuruan (evangelio ng kaharian) na nangagsilabas mula sa sariling bibig ng Cristo, kahi man mawala pa ang langit at ang lupa. Dahil diyan ay magiging isang lubhang malaking kahangalan at kahibangan na sabihing,

HEB 7 :
18  Sapagka’t NAPAPAWI ANG UNANG UTOS dahil sa kaniyang KAHINAAN at KAWALAN NG KAPAKINABANGAN.
19  (Sapagka’t ang KAUTUSAN AY WALANG ANOMANG PINASASAKDAL), at may pagpapasok ng isang pagasang lalong magaling (pananampalataya), na sa pamamagitan nito’y nagsisilapit tayo sa Dios.

ROMA 3 :
20  Sapagka’t sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan ay WALANG LAMAN na aariing-ganap sa paningin niya; sapagka’t sa pamamagitan ng KAUTUSAN AY ANG PAGKILALA NG KASALANAN.

1 COR 15 :
56  Ang tibo ng kamatayan ay ang kasalanan; at ang kapangyarihan ng kasalanan ay ang kautusan.

ROMA 4 :
15  Sapagka’t ang kautusan ay gumagawa ng galit; datapuwa’t KUNG SAAN WALANG KAUTUSAN AY WALA RING PAGSALANGSANG.

ROMA 5 :
13  Sapagka’t ang kasalanan ay nasa sanglibutan hanggang sa dumating ang KAUTUSAN, nguni’t HINDI IBIBILANG ANG KASALANAN KUNG WALANG KAUTUSAN.

ROMA 7 :
21  Kaya nga nasumpungan ko ang isang KAUTUSAN na, kung ibig kong gumawa ng mabuti, ang MASAMA ay nasa akin.

ROMA 3 :
28  Kaya nga MAIPASISIYA NATIN na ang tao ay inaaring-ganap sa PANANAMPALATAYA na HIWALAY SA MGA GAWA NG KAUTUSAN.

Kung paano nga tinatangkilik at ipinagtatanggol ni Jesucristo ang kahalagahan ng kautusan sa bawa’t kaluluwa ng tao sa kalupaan ay gayon namang itinatakuwil, niwawalang kabuluhan, at niyuyurakan ni Pablo ang kautusan ng Dios, na gaya lamang ng basahan na pamunasan ng mga paa.

Hindi nga mahirap makita, na ang Cristo ay masiglang tagaganap, tagapagtaguyod, tagatangkilik, at tagapagtanggol ng kautusan. Samantalang itong si Pablo ay maliwanag na nasumpungang nagtuturo ng pagsuway at pagtatakuwil sa kautusan

Gaya ng nasusulat,



Gawa 21
20  At sila, nang kanilang marinig yaon, ay niluwalhati ang Dios: at sa kaniya’y sinabi nila, Nakikita mo na, kapatid, kung ilang LIBO-LIBO ANG MGA JUDIO NA NAGSISISAMPALATAYA; at silang lahat ay pawang MASISIKAP SA KAUTUSAN.

21  At nabalitaan nila tungkol sa iyo, na ITINUTURO MO SA LAHAT NG MGA JUDIO na nangasa mga Gentil, na MAGSIHIWALAY KAY MOISES, na sinasabi mo sa kanila HUWAG TULIIN ang kanilang mga anak ni mangagsilakad ng ayon sa mga kaugalian (kautusan).

Hindi lamang iyan, kundi pati na ang aral pangkabanalan (evangelio ng kaharian) na sinalita ng bibig ni Jesus ay iniutos niyang tigilan na ng mga tao ang pagsasabuhay. 


Na sinasabi,



HEB 6 :
1  Kaya nga TAYO’Y TUMIGIL NA NG MGA UNANG SIMULAIN NG ARAL NI CRISTO, at tayo’y mangagpatuloy sa kasakdalan; na huwag nating ilagay na muli ang kinasasaligan ng pagsisisi sa mga PATAY NA GAWA (kautusan), at ng pananampalataya sa Dios.

Ang una ay gayon ngang nasumpungan ang taong iyan sa pagtuturo ng paghihimagsik sa kautusan ng Dios (Gawa 21:20-21). Ano pa't ang kasukdulan ng pamumusong na iyon ay nang ipag-utos niya na tigilan na ang pagsasabuhay ng mga salita (evangelio ng kaharian) na mismo ay masiglang ipinangaral ng sariling bibig ni Jesus (Heb 6:1). Sa dalawang talatang iyan ay higit sa sapat upang mahayag sa maliwanag at mapag-unawa ng lubos ang matibay na paninidigan ng taong nabanggit. Siya kung gayon ay isang tao na ang layunin ay pawalang kabuluhan ang kautusan at ipatigil sa mga tao ang pagsasabuhay nitong evangelio ng kaharian.


Kaugnay niyan, ang katuruan na nilalaman nitong Heb 6:1 ay maliwanag na makikitang ganap na pinasisinungalingan nitong si Juan, na ang sinasabi ay gaya ng mga sumusunod,



2 JUAN 1 :
ANG SINOMANG NAGPAPATULOY AT HINDI NANANAHAN SA ARAL NI CRISTO, AY HINDI KINAROROONAN NG DIOS: ang nananahan sa aral, ay kinaroroonan ng Ama at gayon din ng Anak.

Diyan nga sa patotoo mismo nitong si Juan  sa 2 Juan 1:9 ay binibigyan niya ng diin ang pagpapatuloy sa aral na ipinangaral ng sariling bibig ng Cristo. Sapagka't hindi lingid sa kaniyang kaalaman na ang mga gumagawa ng gayon ay kinaroroonan ng Dios. Sa madaling salita ay kinaluluguran at pinagpapala ng Ama nating nasa langit ang sinomang patuloy na isinasabuhay ang mga salita (evangelio ng kaharian) na masigla at may katapangangang ipinangaral ng Cristo

Ang Heb 6:1 ay maliwanag na niwawalang kabuluhan ang lamang katuruan ng 2 Juan 1:9. Gaya rin naman ng evangelio ng di pagtutuli nitong si Pablo na hayagang niwawalang kabuluhan at niyuyurakan na gaya ng isang maruming basahan ang evangelio ng kaharian na ipinangaral ng Cristo


Dumako naman tayo sa larangan ng maluwalhating pananampalataya. Ano naman kaya ang aral na itinuturo nitong si Pablo hinggil sa usaping ito?

GAL 3 :
23 Nguni’t bago dumating ang pananampalataya, ay nabibilanggo tayo sa ilalim ng kautusan, na nakukulong tayo hanggang sa ang pananampalataya ay ipahahayag pagkatapos.

24  Ano pa’t ang KAUTUSAN ay siyang naging TAGAPAGTURO natin upang ihatid tayo kay CRISTO, upang tayo’y ARIING-GANAP SA PAMAMAGITAN NG PANANAMPALATAYA.

25  Datapuwa’t ngayong dumating na ang pananampalataya ay, WALA NA TAYO SA ILALIM NG TAGAPAGTURO.

GAWA 13 :
39  At sa pamamagitan niya ang bawa’t nananampalataya ay inaaring ganap sa lahat ng mga bagay, na sa mga ito’y HINDI KAYO AARIING GANAP SA PAMAMAGITAN NG KAUTUSAN NI MOISES. (1 Hari 2:3-4)

GAL 2 :
16 Bagama’t naaalaman na ang tao ay hindi inaaring ganap sa mga gawang AYON SA KAUTUSAN, maliban na sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo, tayo rin ay nagsisampalataya kay Cristo Jesus, upang tayo’y ariing ganap sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, at HINDI DAHIL SA MGA GAWANG AYON SA KAUTUSAN: sapagka’t sa mga gawang ayon sa kautusan ay HINDI AARIING GANAP ANG SINOMANG LAMAN.

Kung babalikan ang pangalawang bahagi ng akdang ito ay maliwanag na ipinauunawa sa lahat nitong si Jesus, na ang kautusan ay binubuo ng tatlong (3) napakahalagang mga bagay – ang katarungan, ang pagkahabag, at ang pananampalataya. Sa madaling salita ay isang kabuoan ang kautusan na taglay ang tatlong (3) nabanggit na mga bahagi.  Nguni’t kung pag-uukulan ng masusing pag-aanalisa ang mga likhang aral ni Pablo na nalalahad sa itaas ay hindi mahirap makita, na ihinihiwalay niya ang pananampalataya sa kabuoan ng kautusan. Bagay na nagpapakita ng hayagang pagsalungat sa katuwiran ng mga salita ng bibig ni Jesus hinggil sa usaping ito. Sa gayo’y hindi siya maituturing na kapanalig ng matuwid, kundi maliwanag na kalaban ng katuruang Cristo (Messianic teachings) na kinakatawan nitong evangelio ng kaharian.

Gayon ma'y hindi pinayagan ng kapatid nating si Santiago ang kabulaanang iyan ni Pablo, sapagka't tungkol sa usapin ng pananamapalataya ay gaya naman ng nasusulat sa ibaba ang banal na katuruang ipinanupil niya sa kapangahasan ng taong iyon. 


Na sinasabi,



SANT 2:17  Gayon din naman ANG PANANAMPALATAYA NA WALANG MGA GAWA, AY PATAY SA KANIYANG SARILI.

18  Oo, sasabihin ng isang tao, Ikaw ay mayroong pananampalataya, at ako'y mayroong mga gawa: ipakita mo sa akin ang iyong pananampalatayang hiwalay sa mga gawa, at AKO SA PAMAMAGITAN NG AKING MGA GAWA AY IPAKITA SA IYO  ANG AKING PANANAMPALATAYA.


19  Ikaw ay sumasampalataya na ang Dios ay iisa; mabuti ang iyong ginagawa: ang mga demonio man ay nagsisisampalataya, at nagsisipanginig.


20  Datapuwa't ibig mo bagang maalaman, Oh taong walang kabuluhan, na ANG PANANAMPALATAYA NA WALANG MGA GAWA AY BAOG?

21  Hindi baga ang ating amang SI ABRAHAM AY INARING GANAP SA PAMAMAGITAN NG MGA GAWA, dahil sa kaniyang inihain si Isaac na kaniyang anak sa ibabaw ng dambana?

22  Nakikita mo na ang pananampalataya ay gumagawang kalakip ng kaniyang mga gawa, at SA PAMAMAGITAN NG MGA GAWA AY NAGING SAKDAL ANG PANANAMPALATAYA.

23  At natupad ang kasulatan na nagsasabi, At si Abraham ay sumampalataya sa Dios, at yao'y ibinilang na katuwiran sa kaniya; at siya'y tinawag na kaibigan ng Dios.


24  Nakikita ninyo na sa pamamagitan ng mga gawa'y inaaring ganap ang tao, at hindi sa pamamagitan ng pananampalataya lamang.

25  At gayon din naman hindi rin baga si RAHAB na patutot ay INARING GANAP SA PAMAMAGITAN NG MGA GAWA. dahil sa tinanggap niya ang mga sugo, at kaniyang pinapagdaan sila sa ibang daan?

26  Sapagka't KUNG PAANONG ANG KATAWAN NA WALANG ESPIRITU AY PATAY, AY GAYON DIN ANG PANANAMPALATAYA NA WALANG MGA GAWA AY PATAY. 

Sa kaliwanagang iyan ng mga pahayag mismo ng kagalanggalang nating kapatid na si Santiago ay makikita ng lubos ang bawa't detalye nitong usapin ng pananampalataya. Na kailan ma'y hindi maaaring ihiwalay ang pananampalataya sa kautusan, ayon sa napakalinaw na pagkakahayag sa katotohanan ng sariling bibig ni Jesucristo (Mat 23:23).

Ilan nga lamang iyan sa hindi kakaunting anomalya ng bagong tipan na nararapat mapag-unawa ng lahat sa pamamagitan ng masusing pag-aaral nito. Nariyan ang dagdag/bawas ng mga salita na pinitas sa lumangtipan (Tanakh), upang gawing patibayang aral sa bagong tipan ng bibliya. Ang salita ng Dios (evangelio ng kaharian) ay nilahukan ng di makatotohanang salita (evangelio ng di pagtutuli) ng tao. Na kung titindigan at isasabuhay ninoman ay lakas na walang awang kakaladkad sa kaniyang kaluluwa sa tiyak na kapahamakan nito.

Unti-unti mula sa banayad na paglalahad ng mga bagay na iyan sa mga susunod na artikulo nitong Rayos ng Liwanag, ay mahahayag ng husto ang mga likhang taong kasiraan (likhang taong doktrinang pangrelihiyon) na inilakip ng mga tampalasan sa Bibliya.

Layunin ng kalipunang ito, na hanguin ang marami sa lambak ng kasinungalingan at kapalaluan ng mga tampalasan, at ito’y sa pamamagitan ng may katapangang paghahayag ng mga katunayang biblikal na naglalahad ng katotohanan at pawang katotohanan lamang.

Kung ang sinoma’y kinikilala si Jesus bilang Cristo ng Dios ay matuwid lamang na ang aral na nagmula mismo sa sarili niyang bibig ang tindigang matibay at isabuhay niya. Taliwas diyan ay maituturing na kalaban ni Jesus (anticristo) siyang minabuti pang paniwalaan ang mga pinaglubidlubid na kasinungalingan ng taong si Pablo.

Paalala:
Layunin namin na maglahad lamang ng mga aral pangkabanalan na masaganang dumaloy mula sa bibig ng panginoong Jesucristo at ng mga tulad niyang tunay na banal ng Dios. Kailan ma’y hindi namin hinangad na atakihin, siraan, ni gibain man ang pinaninindiganang doktrinang pangrelihiyon ng sinoman. Gayon din namang nais naming liwanagin na wala kaming anomang laban o paghihimagsik sa mga panulat nitong si Saulo (Pablo) ng Tarsus. Bukod doon ay wala na kaming iba pang ninanais na mangyari pa. Kung siya man ang tila sentro ng usapin sa artikulong ito ay tanda lamang iyon, na ang itinuturo niyang aral ay may hayagang pagsalungat at pagpapawalang kabuluhan sa katuwiran ng Dios na ipinangaral ni Jesus at ng iba pang tunay na banal. Ang akdang ito ay napakaliwanag na hindi kailan man dumako sa mapanirang panghuhusga ng kapuwa, kundi sa layong tanglawan lamang sa isipan at pang-unawa ng lahat ang hindi kakaunting bagay ng Dios na malaon ng pinipilipit at niwawalang kabuluhan ng mga paganong Romano. Dahil diyan ay lubha ngang mahalaga sa sinoman na masusing siyasatin at pag-aralan ang nilalaman ng bibliya.

Hanggang sa muli, paalam.

No comments:

Post a Comment