Mula sa lubhang malayong kapanahunan hanggang sa kasalukuyang henerasyon na ating kinabibilangan, ay laganap ang mga tao na
nagsasabing sila’y kasama sa munting kalipunan ng mga tunay na lingkod ng Dios. Gayon ma’y malabis ang pag-aangkin
ng bawa’t isa sa banal na kalagayang iyon. Dahil diyan ay hindi nila maiwasang maging gaya ng mga mababangis na hayop sa ilang, na sa araw at gabi ay nagsasakmalan sa isa’t
isa. Yan ay tanda na tila hindi nila nauunawaan ang totoong kahulugan ng kalagayang malabis nilang inaangkin, pinag-aagawan, at pinag-aawayan sa lahat ng
oras.
Ano nga ba ang malinaw na kahulugan ng
mga salitang, “Lingkod ng Dios?”
Ang ibig sabihin ng katagang, “Lingkod” ay utusan, o maninilbihan,
at sa higit na malinaw na pananaw ay “tagasunod.”
Kung lalapatan ng husto at angkop na paliwanag ay isang indibiduwal o kalipunan iyan na nakatalagang
tumanggap at tumupad ng utos. Yan lamang ang kaisaisang layunin at tungkulin
ng isang "lingkod."
Sa mundong ito ay isang nilalang, tao
man o hayop na tagapaglingkod sa kaniyang panginoon ang tinutumbok na kahulugan
niyan. Kung umiiral ang tagapaglingkod ay maliwanag din namang
kaagapay niya ang kaniyang amo o panginoon na isang taga-utos. Sa mundo kung
gayon ay dalawa ang kategoriya ng tao – ang una ay ang nag-uutos, at ang
pangalawa ay ang inuutusan. Dahil nga diyan ay masiglang umiinog ang mundo ng
bawa’t tao sa kalupaang ito, at sapat upang maunawaan ng bawa’t isa ang
ginagampanang layunin sa kani-kaniyang itinataguyod na buhay.

