Saturday, May 11, 2013

HIDWANG PANINIWALA (Heresy)


The Scrolls of Tanakh
Ang Tanakh ay katawagan na ginagamit ng Judaismo ukol sa batas kanonico (canon) ng Bibliyang Hebreo (Hebrew Bible). Kilala din ito sa taguring Masoretic Text, o Miqra. May tatlong (3) pinagkaugaliang dibisyon ang kasulatang nabanggit. Ang Torah (“Katuruan,” na kilala din sa tawag na Limang Aklat ni Moses), ang Nevi’im (“Mga Propeta”), at ang Ketuvim (“Katuruan”). Sa balumbon ng mga kasulatang iyan ay ipinakilala ang kaisaisang Dios at ang natatangi Niyang mga Kautusan, Palatuntunan, at Kahatulan. Diyan ay masigla at malugod na ipinahayag ng mga hari at ng mga propeta ang katuruang Cristo (Messianic Teachings).

Sa kasulatan ding iyan ay mababasa na nilikha ng nagpakilalang Kaisaisang Dios (Yohvah) ang dimensiyon ng Materiya at Dimensiyon ng Espiritu, at ang lahat ng mga nangaroon (Gen 1:1). Gayon din naman Niyang binigyang diin, na siya ang nagmamay-ari sa lahat ng kaluluwa ng sangkatauhan (Eze 18:4). Dahil sa matibay na kadahilanang iyan - ang lahat ng tao sa buong kalupaan, o sa apat (4) na direksiyon ng ating mundo ay may tungkulin na tumupad ng kaniyang kalooban.

Ang natatanging katuruang pangkabanalan na nilalaman ng Tanakh sa makatuwid ay ganap na tinutukoy ang sangkatauhan. Ang lahat kung gayo’y nararapat mamuhay sa kalupaan lakip sa kaniyang kalooban at kabuoan ang takot sa Dios.  Ang ganap na kaalaman at pagka-unawa sa mga kaayunan at kabawalan na nilalaman nito ang tumatayong matibay na gabay ng mga tao. Sukat upang ang sinoman sa kalupaan ay matutong harapin ang uri ng buhay na may ganap na pakikibahagi sa nag-iisang larangan ng tunay na kabanalan.
Maituturing na ang pagganap sa bagay na iyan ay sinasang-ayunan ng katotohanan, at maipasisiya na sinoman ang masiglang nagpapahalaga at may galak sa puso na tumutupad sa mandato ng nabanggit na kasulatan ay natitindig ng matibay sa tunay na paniniwala. Dahil sa Dios na mismo sa kaniyang sarili ang Siyang nagpapatotoo sa kaniyang mga salita.

Ano mang doktrina, o kasanayang pangrelihiyon sa makatuwid na kasusumpungan ng pagsalungat sa uri ng kabanalan na binibigyang diin ng mga banal na nakasulatan (Tanakh) ay dumadako sa kategoriya ng hidwang paniniwala (heresy).  Iyon ay tinatawag na likhang taong tradisyon (human tradition), o kaya nama’y doktrina na gawa lamang ng mga tao (doctrines of men).

Kung palawakin man namin sa artikulong ito ang tungkol sa hindi kakaunting hidwang paniniwala, o hidwang pananampalataya ng mga tao sa kasalukuyan – ito’y hindi nangangahulugan na ang layunin namin ay atakihin, sirain, o gibain man ang matibay na paniniwalang pangrelihiyon ng sinoman. Hindi rin namin ninais kailan man na iluklok sa kahiyahiyang kalagayan ang aming kapuwa. Bagkus, ang pagnanais namin ay ilahad lamang ang ilang mahahalagang bagay ng kasaysayan (history) na sinadyang ikubli ng mga taong ang layunin ay kaladkarin sa kalawakan ng kamangmangan at kahangalan ang sangkatauhan. Sa saliw ng mga katiwatiwalang katunayang biblikal, at ng pandaigdigang kasaysayan ay ilalahad namin ang ilan sa hindi kakauting hidwang paniniwala ng ilang kalipunan na nagpapakilalang Cristiano.

Ang katotohanan ay mahalagang mapag-unawa ng lahat, sapagka’t iyan lamang ang sa sinoman ay makapagpapalaya mula sa bigkis ng tanikala nitong pagka-alipin ng masama. Gaya ng maliwanag na nasusulat,

JUAN 8 :
32  At inyong makikilala ang katotohanan, at ang katotohana'y magpapalaya sa inyo. (And you shall know the truth, and the truth shall make you free.)

Ang katuruan na nagpapahayag ng katotohanan ay makikitang sinasang-ayunang lubos ng mga katuwiran na nilalaman nitong balumbon ng mga banal na kasulatan (Tanakh). Ang wika ni propeta Isaias ay ayon sa mga sumusunod,

Isa 8 :
20  Sa KAUTUSAN at sa PATOTOO! kung hindi sila magsalita ng ayon sa salitang ito, tunay na walang liwanag sa kanila. 
(To the LAW and to the TESTIMONY! If they do not speak according to this Word, it is because no light is in them.)

A modern, printed Tanakh
Narito, at kung sinoman ang maglalahad ng mga aral na hindi sasang-ayunan ng kautusan at ng mga patotoo ng Dios – ang tao ngang iyon ay sinasaklaw ng lubhang maitim na kadiliman.  Siya’y isang bulaan na totoo sa paningin ng Ama nating nasa langit. Wala nga sa kaniya ang ilaw na naglalahad ng mga nakukubling bagay sa madidilim na dako ng kaalaman.

Napatunayan ng mga dalubhasa sa kasulatan na ang mga sumusunod na hidwang paniniwala (heresies) ay madiing itinatatuwa at pinawawalang kabuluhan ng mga sagradong aral na masusumpungan sa balumbon ng mga banal na kasulatan (Tanakh/NT). Dahil sa ang lahat ng iyan ay malabis ang pagsalungat at paghihimagsik sa katuwiran ng Dios.

Ang talaan sa ibaba ay resulta ng maingat na pagsisiyasat sa kasaysayang mundial ng mga masisipag na mananaliksik ng nakaraan at ng kasalukuyang panahon. Marami sa mga sumusunod na hidwang pananampalataya ang umiiral na, bago pa matala ang petsa na makikita sa ibaba. Ang mga iyon ay opisyal na pinagtibay nitong konseho ng simbahan at inihayag ng Papa bilang aral, o katuruan ng pananampalataya (dogma of faith). Iyan ay itinanghal na mga doktrinang pangrelihiyon na di umano ay pinaka-epektibong paraan sa pagbubuklod ng mga Katoliko.


PETSA                          HIDWANG PANINIWALA (Heresies)

310     Ang panalangin ukol sa mga patay (prayers for the dead) at pag-aantanda (sign of the Cross). Iyan ang maituturing na pinakamatanda sa lahat ng hidwang paniniwala na itinuro ng kaparian nitong simbahang Katoliko.

320      Ang paggamit ng kandila (wax candles).

375      Ang pagsamba sa mga anghel at sa mga namatay na santo ng simbahang Katoliko (Veneraton of angels and dead saints).

394      Ang Misa (Mass), bilang pang-araw-araw na pagdiriwang.

431      Ang pagsamba kay Maria, bilang Ina ni Jesus at ang paggamit sa mga katagang, “Ina ng Dios.” Ang konseho ng Ephesus ang siyang umimbento nito at nagpatibay.

500      Ang pagbabago sa pananamit ng mga pari, na sa ngayon ay makikita sa kanilang bihis.

593     Ang doktrina ng Purgatoryo ay pinagtibay ni Gregory the Great. Ang tungkol dito ay hindi sinasang-ayunan ng Tanakh, palibhasa’y wala anomang aral, ni pahiwatig man doon na tumatalakay o tumutukoy sa salitang, “Purgatoryo.”

600      Ang wikang Latin ay ideneklara ni Pope Gregory I, bilang lenguwahe ng panalangin at pagsamba ng mga Katoliko sa buong mundo.

600      Sa taon ding iyan ay itinataya na ang direktang panalangin kay Maria, o sa mga patay na santo ng simbahang katoliko ay nagsimula. Ang turo ng biblia ay sa Ama lamang ang lahat ay tatawag at mananalangin.

610    Ang Papa ng simbahang Katoliko ay nag-ugat sa paganong kaugalian. Sa Tanakh ay walang anomang katuruan, ni pahiwatig man tungkol sa awtoridad at kapangyarihan ng isang tao na maging pangulo ng isang kalipunan ng mga banal. Sa katotohanan ay ang kaisaisang Dios (Yohvah) ang siyang ulo, o pangulo ng simbahan, na siyang katawan nitong komunidad (bayan) ng Dios. Siya rin ang kaisaisang pastol ng mga tupa (anak ng pagsunod).

709    Ang paghalik sa paa ng Emperador ng Roma ay isang paganong kaugalian. Sa gayo’y isang karumaldumal na gawain sa paningin ng Dios na humalik ang sinomang tao sa paa ng Papa bilang pagpapahayag ng pagsamba. (Rev 19:10, 22:9). Sa Tanakh ay hindi kaugaliang maka-Dios ang paghalik sa paa ng kanino mang tao bilang pagsamba.

750   Ang Papa ay lumilikha ng digmaan. Ang Papa na si Stephen II ay inutusan si Pepin (isang mangangamkam nitong Trono ng Francia) na makidigma sa puwersa ng mga dominanteng Italyano. Natalo ng kaniyang sandatahang lakas ang mga kalaban, at ipinagkaloob niya sa Papa (Stephen II) ang siyudad ng Roma at ang mga nakapalibot na teritoryo dito. Laban si Jesus sa anomang uri ng karahasan, at sa katunayan ay makikita ng maliwanag sa kasaysayang bilikal ang kaamuan niyang taglay, bilang isang masigla at masugid na lingkod ng Dios. Saan man at kailan man ay hindi niya inambisyon ang makamundong paghahari at hindi niya kailan man din sinang-ayunan ang ano mang uri ng pakikidigma (Mat 4:8-9, 20:25-26, Juan 18:38). Natatala sa kasaysayan na ang Papa ng Simbahang Katoliko ay hindi kakaunting ulit na lumikha ng digmaan sa kalakhang Yuropa, Africa, Asia at sa iba pang kontinente ng ating mundo.

788      Pagsamba sa krus, sa larawan (imahen), at sa banal na alaala (relikiya). Iyan ay sa utos ni Empres Irene ng Constantinopol na ina nitong si Constantine VI. Kaya naman ang Papa sa panahong iyon na si Hadrian I ay itinalaga ang Konseho ng simbahan sa pagpapatibay ng doktrinang iyon. Idolatriya ang maliwanag na katawagan sa gawaing nabanggit, at iyan ay mahigpit na ipinagbabawal ng Dios ng Tanakh (Exo20:4, Deut 27:15, Awit 115).

850     Ang Agua Bendita (Holy Water) na binudburan ng asin kalakip ang basbas ng pari ay pinahintulutan nitong pamunuan ng simbahan gamitin alinsunod sa itinalagang layunin.

890      Ang simula ng pagsamba (veneration) kay Jose na asawa ni Maria bilang Santo ng simbahang Katoliko.

965    Ang pagbabautismo sa mga kampana (baptism of bells) ay sinimulan ni Pope John XIV at ipinagpatuloy ng mga obispo at mga pari ng Simbahang Katoliko ang gayong gawain hanggang sa kasalukuyan.

995     Ang Kanonisasyon ng mga Patay na Santo ng Simbahang Katoliko ay sinimulan ni John XIV na siyang Papa sa panahong iyan.

998     Ang pag-aayuno tuwing araw ng Biernes at tuwing Mahal na Araw ay mahigpit na pinatupad ng pamunuan ng Simbahan.

1079    Ang hindi pag-aasawa (celibacy) ng kaparian ay kautusan ni Pope Hildebrand Boniface VII. Sa buong nilalaman ng Tanakh ay hindi kailan man iniutos na huwag mag-asawa ang sinoman sa mga lingkod ng Dios.

1090  Ang Rosaryo (Rosary), o ang tinatawag na, Kuwintas ng Panalangin (Prayer Beads) ay ipinakilala ni Peter the Hermit. Kinopya niya lamang iyon sa mga Hindu at Moslem. Ang paulit-ulit na dasal ay hindi sinasang-ayunan ng sagradong aral na ipinangaral ng sariling bibig ni Jesus (Mat 6:5:13).

1148    Ang madugong inkwisisyon (inquisition) sa mga itinuturing ng Simbahan na mga heretiko (heretics) ay mahigpit na iniutos ng Council of Verona. Hindi kailan man sinangayunan at itinuro ni Jesus ang sapilitan at madugong paraan sa pagpapalaganap ng mga salita ng Dios (evangelio ng kaharian).

1190    Ang pagbebenta ng mga indulhensiya (sale of indulgences), karaniwang ipinalalagay na pagbili ng kapatawaran (purchase of forgiveness), o kaya nama’y kapahintulutan ng pagpapasasa sa kasalanan (permit to indulge in sins). Saan man at kailan man ay walang natatalang aral sa Tanakh na may kinalaman sa pagbili ng kapatawaran at kapahintulutan sa pagpapasasa ng mga kasalanan.

1215    Mula sa kapasiyahan ni Pope Innocent III, ang Transubstantiation ay iniutos niya na maging dogma ng Catholic Faith. Ang kaparian ay nagkukunwari na gumagawa ng mirakulo tuwing nagmimisa. Ang vino at ostiya sa pagkukunwari ay ginagawa ng kaparian na literal na dugo at laman ni Jesus. Kasunod nito, sa harap ng mga parokyano ay kinakain ng mga pari ang buhay na laman ni Jesus at iniinom ang kaniyang dugo.

          Ang nasusulat sa banal na kalsulatan ay ang huling hapunan, hindi ang misa ng Simbahang Katoliko. Ang sinasang-ayunan ng kasulatan na siyang katotohanan ay ang taunang pagdiriwang ng Paskua (Passover). Sa gabi ng Paskua ay katotohanang naganap ang huling hapunan, at dahil diyan ay nararapat ang lahat na ipagdiwang ang taunang paskua, at yao’y bilang paggunita (pag-aala-ala) na rin sa huling hapunan ni Jesus kapiling ang labingdalawang (12) apostol.
           Ang misa ng Simbahang Katoliko sa makatuwid ay likha o imbentong doktrina lamang ng mga paganong Romano. Kailan man at saan man, ang imbentong rituwal nilang iyan ay hindi maituturing na katotohanan.

1215    Ang pangungumpisal ng kasalanan sa pari ay iniutos ni Pope Innocent III sa Lateral Council.
        Mahigpit na iniuutos ng Tanakh na ang lahat ay sa kaisaisang Dios lamang mangungumpisal ng mga kasalanan na nangagawa. (Awit 51:1-10). Gayon nga rin sa bibig ni Jesus ay lumabas ang turo na direktang manalangin sa Ama ang lahat. (Mat 6:9-13).

1220   Ang pagsamba sa ostia ay ideneklara bilang utos ni Pope Honorius. Dahil diyan ay maipasisiyang sumasamba ang mga Katoliko sa banal na tinapay, na gawa lamang ng mga kamay ng tao. Iyan ay maliwanag na Idolatriya na mahigpit na tinututulan ng Tanakh. (Eze 20:16, Juan 4:24).

1229    Ipinagbawal na basahin ng mga karaniwang tao ang bibliya. Ang kabawalang iyan ay itinala ng Council of Vanlencia sa talatuntunan (index) ng mga ipinagbabawal na aklat. Samantalang itong si Jesus ay ipinamanhikan sa lahat na ang mga banal na kasulatan ay nararapat saliksikin. (Juan 5:39).

1287   Ang Scapular ay naimbento ng santo ng Simbahang Katoliko na si Simon Stock na isang mongheng Ingles. Ito ay binubuo ng dalawang rectangular na piraso ng tela, o wool na may larawan ni Maria at ni Jesus. Ang dalawang kanto nito ay may nakabuhol na tali at naka-konekta sa dalawang kanto ng isa pang piraso ng tela. |Sa pamamagitan ng dalawang tali, ang isang tela ay nakasabit sa dibdib, at ang isang tela ay nakabitin naman sa likod ng may suot nito.

Hanggang sa ngayon ay pinaniniwalaan pa ng mga Carmelites at ng mga deboto ni Maria at Jesus na iyan ay nagtataglay ng supernatural na lakas, upang makapagligtas ng sinoman sa kapahamakan. Anting-anting (talisman) sa madaling salita ang layunin ng Scapular.
            Kabilang ang bagay na iyan sa mahigpit na ipinagbabawal ng kaisaisang Dios (Deut 18:10-13).

1414   Ang Simbahang Katoliko (Council of Constance) ay nagsagawa ng komunyon sa mga karaniwang tao, na hindi pinaiinom ng katas ng ubas (vino). Ostiya lamang ang tinatanggap ng karaniwang tao, at ang vino ay hindi ipinaiinom sa mga karaniwang tao hanggang sa kasalukuyang panahon.

Iniuutos sa atin ng Bibliya na gunitain at ipagdiwang ang huling hapunan na may tinapay na walang halong lebadura at katas ng ubas (Mat 26:27). Maliwanag na ang pamunuan ng simbahang Katoliko ay hindi pinakinggan at ibinasura lamang ang kautusang iyan ng Bibliya.

1439    Ang Simbahang Kanoliko (Council of Florence) ay nagproklama na ang Doktrina ng Purgatoryo ay isa na sa dogma of faith ng mga Katoliko.

            Ulit-ulitin nyo mang basahin ang Tanakh sa simula hanggang sa huli ay walang anomang turo, ni pahiwatig man sa eksistensiya ng Purgatoryo. Iyan ay isang doktrina na saan man at kailan man ay hindi sinang-ayunan ng Bibliya bilang isang katotohanan. 

1439    Ang doktrina ng 7 Sakramento ay pinagtibay ng Simbahang Katoliko.
          Napakaliwanag sa Bibliya na ang Cristo ay itinaguyod lamang ang dalawang sakramento, at iyan ay ang Bautismo at ang Huling Hapunan. Maliban diyan ay wala ng iba pang maaaring idagdag na sakramento. Ang limang (5) sakramento ng simbahang Katoliko sa makatuwid ay mula lamang sa mapangahas na imahinasyon ng mga Romanong pagano.

1508  Ang dasal na Ave Maria, o Hail Mary ay nakumpleto makalipas ang 50 taon at sa wakas ay inaprubahan ni Pope Sixtus V, sa pagtatapos ng ika-16 na siglo.

1545    Ang Simbahang Katoliko (Council of Trent), ay ideneklara na ang Tradisyon (likhang taong
            katuruan) ay may pantay na awtoridad sa katuwiran ng Bibliya. (Isa 29:13, Mat 15:2-9).
         Ang likhang katuruang iyan ng Simbahan ay mahigpit na tinututulan ng Tanakh (Isa 29:13), gayon din nitong si Jesus (Mat 15:2-9). Hangal at mga tinakasan ng hustong katinuan sa sarili lamang ang sasang-ayon sa pilipit na doktrinang pangrelihiyon na iyan ng mga kasuklamsuklam na pagano. Hindi nakapagtataka kung bakit ang tradisyong idolatriya ng mga paganong Romano ay mahigpit na ipinatutupad sa kanilang simbahan. 

1546    Idinagdag ng Simbahang Katoliko (Council of Trent) ang mga apocryphal books sa Biblia. Gayon ma’y hindi kailan man kinilala ng Simbahang Hebreo (Jewish Church) bilang kanonico (canonical) ang mga nabanggit na aklat (Apoc 22:8-9).
           
1560  Ang Creed of Pope Pius IV ay sapilitang ipininag-utos bilang opisyal na kredo ng Simbahang Katoliko. Samantala, ang mga tunay na Cristiano ay tinitindigang matibay ang pagtanggap sa banal na kasulatan (Bibliya) bilang kredo, na 1500 taon ang tanda sa kredong iyan ng mga Katoliko.

1834    Ang kawalang bahid dungis (Immaculate conception) ni Birheng Maria ay ipinroklama ni Pope Pius IX.
       Sinasabi ng Bibliya na lahat ng tao ay naging makasalanan. Kaya nga maging si Jesus, bilang tao ay nagpabautismo kay Juan ng Bautismo sa Pagsisisi ng Kasalanan. Gayon nga rin itong si Maria na tao, kaya lubhang napakalayo sa katotohanan na siya ay hindi nabahiran man lang ng anomang dungis, o kasalanan sa buong buhay niya. (Awit 51:5).

1870   Idineklara ni Pope Pius IX ang dogma of Papal Infallibility. Na ang ibig sabihin ay hindi maaaring magkamali, ni magkasala man sa Dios ang sinomang maihahalal ng Simbahan bilang Papa.
       Ang doktrinang iyan ni Pope Pius IX ay isang napakaliwanag na kasinungalingan, kahambugan, at kapalalauan, sapagka’t bilang Papa, ang pagpapatupad ng mga hidwang paniniwala (heresies) na mga nabanggit sa itaas at ng mga babanggitin pa sa akdang ito ay napakaliwanag na paglabag sa katuwiran ng Dios. Iyan ay pagpapakita ng isang uri ng karumaldumal at kasuklamsuklam na paghihimagsik sa kalooban ng sarili nating Ama na nasa langit. Paano sa gayon masasabi ng sinoman na siya ay walang bahid munti man ng kasalanan, kung isinasabuhay niya bilang Katoliko ang mga hidwang paniniwala (heresies) na nilalaman ng artikulong ito? (Apoc 17:1-9, 13:5-8, 18). Ang mga iyan ay napakaliwanag na pagkakamali sa paningin ng kaisaisang Dios na nasa langit. 

1907   Kinondena ni Pope Pius X ang lahat ng mga natuklasan ng modernong siyensiya (Modernsim) na walang pahintulot ng Simbahang Katoliko. Gayon din ang eksaktong ginawa ni Pope Pius IX sa Syllabus of 1864.

1930    Kinondena ni Pope Pius XI ang lahat ng publikong paaralan.

1931    Pinagtibay ni Pope Pius XI ang doktrina na si Maria ay “the Mother of God.”
          Ang doktrinang iyan ay nauna ng naimbento ng mga obispo na kabilang sa Council of Ephesus taong 431. Iyan ay napakaliwanag na isang hidwang paniniwala (heresy), kasi nama’y ganap na sumasalungat iyan sa salita na mismo ay lumabas sa sariling bibig ni Maria (Luc 1:46-49, Juan 2:1-5).

1950  Ang huling dogma (Assumption of the Virgin Mary) ay ipinroklama ni Pope Pius XII. Iyan ang paniniwala ng mga katoliko, na ang kaluluwa ni Maria ay humantong sa kaharian ng langit, matapos ang buhay niya sa kalupaan.
          Kung itinuturing ng mga katoliko na isang totoong banal itong si Maria, ay dapat nilang tanggapin na ang kaluluwa lamang niya ang nasa langit. Sa gayo’y may turo ba ang bibliya na manalangin tayo sa kaluluwa ng sinomang taong banal na namatay na? (Deut 18:10-13). Ang sinomang banal ng Dios na nabubuhay pa ay katotohanan na maaaring ipanalangin ang mga hinaing ng mga nabubuhay pa niyang kapuwa, o ng kaniyang bayan na dumaranas ng pighati sa buhay. Gayon ma’y walang anomang turo sa Bibliya na ang kaluluwa ng sinoman ay pinahihintulutan na maging tagapamagitan ng tao at sa Dios.

Ang mga nabanggit na hidwang paniniwala (heresies) ay mga kongkretong katunayan na hindi kailan man maitatanggi, ni mapapasinungalingan man ng kahit sino. Dahil sa ang lahat ng iyan ay katotohanan na naging bahagi ng kasaysayang mundial (world history) ng malayong kapanahunan. Ang isa pang nagtutumibay na bunga ng masusing pananaliksik ay hindi nalingid sa kabatiran ng mga iskolar ng Bibliya, na 75 % sa mga seremonyang pangrelihiyon ng Simbahang Katoliko ay hango sa karumaldumal na paganong tradisyon. (Temples, incense, oil lamps, votive offerings, holy water, holidays and season of devotions, processions, blessing of fields, sacerdotal vestments, the tonsure [of priests, monks, and nuns], images). 

Sa pahina 359 ng aklat (The development of the Christian Religion) ni Cardinal Newman ay inamin niya na ang mga nabanggit na tradisyong pangrelihiyon ng Simbahang Katoliko ay nag-ugat at nagmula sa mga paganong kaugalian. Ang Roma sa makatuwid ay karapatdapat na kilalanin sa panahon nating ito bilang isang bagong Babilonia (Apoc 17:5, 18:1-24).

Hanggang sa muli, paalam.

No comments:

Post a Comment