Huwebes, Disyembre 27, 2012

ANG LIMANG (5) AKLAT NI MOSES

Paunang salita

Hindi namin layunin na gibain ang paninindigan ng marami, ni ilagay man sa kahiyahiyang kalagayan ang ang aming kapuwa. Bagkus ay maglahad lamang ng mga bagay na sinasang-ayunang lubos ng mga katiwatiwalang katunayang biblikal. Hindi namin hinangad na husgahan ang sinoman, palibhasa'y ang mga salita ng Dios na isinatinig ng mga banal ang siyang humuhusga sa mga karumaldumal ng marami. Nawa'y maunawaan ng lahat na kami'y alingawngaw lamang ng mga katotohanang isinigaw at isinatitik nilang mga totoong banal na nabuhay sa malayo at malapit na kapanahunan.


Mula sa balumbon ng mga banal na kasulatan (Tanakh or Miqra) na ipinagkatiwala ng kaisaisang Dios sa mga anak ni Israel ay masusumpungan ang mga dalisay na aral pangkabanalan. Lakip nito ang mga sagradong katuruang pangkaluluwa na naglalahad ng mga pamamaraan at ilang alituntunin sa ikapagtatamo ng kaligtasan. 

Ang Miqra (Tanakh) ay binubuo ng tatlong (3) dibisyon, ang Torah na Limang [5] Aklat ni Moses, Nevi'im (prophets), at Ketuvin (writings). Ayon na rin sa kasaysayang lakip ng Torah ay talaan iyan ng personal niyang karanasan sa pakikipag-ugnayang sa Espiritu ng Dios. 


Tampok sa mga nabanggit na aklat (Tanakh) ang masiglang pagpapakilala ng lumikha sa kalagayan ng kaisaisang Dios at Ama ng lahat ng kaluluwa. Gayon din ang tungkol sa pagsasabuhay ng kaniyang mga kautusan, palatuntunan, at kahatulan. Ang lahat ng kaluluwa na sumasa katawan (tao) sa makatuwid ay may tungkulin na tumupad, o gumanap sa natatangi niyang kalooban na binabanggit dito. Madiin ang pagkawika na ang ganting-pala sa sinomang maluwalhating magtatagumpay na makaganap ay ang pagtatamo ng buhay na walang hanggan ng sariling niyang kaluluwa. Sa Limang (5) Aklat ni Moses ay iyan ang mga itinalagang pangunahing gampanin na nararapat isabuhay ng sinoman sa kalupaan.

May mga gawang ikabubuhay ng kaluluwa, at iyan ang pagtalima sa nabanggit na kalooban ng Dios. Maliwanag kung gayon, na ang pagsalungat sa mga iyan ay nangangahulugan ng pagkapahamak, o kamatayan ng kaluluwa ninoman. Hindi lamang sa mga aklat ni Moses na iyan binibigyang halaga at diin ang tungkol sa mga gawaing nabanggit, kundi pati na rin sa hindi kakaunting banal na kasulatan (Ketuvim), gayon din sa mga isinatitik na pahayag (Nevi'im) ng mga totoong banal (propeta) ng Dios.

Kaugnay nito, ang kaisaisang layuning ng mga nabanggit na kasulatang pangkabanalan ay ituro lamang sa mga tao ang husto at wastong pagtalima sa mga natatanging kalooban ng Dios (kautusan, palatuntunan, at kahatulan) Gayon nga lamang kapayak (kasimple) ang ninanais ng ating Ama sa langit na gawin ng kaniyang mga anak sa kalupaan. Sa pagsunod sa kalooban (kautusan) niya ay may ilang bagay lamang na nararapat iwaksi ang bawa’t isa. Iyan ang kasinungalingan, dilim ng kaisipan, galit at panibugho, kahinaan, katamaran, kamangmangan, na naglulunsad sa kanino mang kaluluwa sa tiyak at masaklap na kamatayan.

Sa hindi lubhang kalaunan ay lumabas ang di umano ay ika-6 hanggang ika-10 aklat ni Moises, subali’t ang maliwanag na inilahad ng mga di kilalang kasulatang iyan ay ang hayagang pagsalungat sa kalooban ng Dios na masiglang ipinakilala ng Limang (5) Aklat ni Moses.

Wika ng mga tumatangkilik sa nabanggit na limang (5) serye ng mga aklat ay karugtong lamang ng mga naunang limang (5) aklat ni Moses ang nilalaman ng mga iyon. Gayon ma’y walang anomang aral na mababasa sa Tanakh, na pinapayagan ng Dios ang anomang gawang may kinalaman sa karumaldumal na Okultismo. Ano pa’t kung katotohanan ang pagmamatuwid ay bakit ang hinggil dito ay mahigpit na ibinawal ng kaisaisang Dios na Lumalang sa hanay ng unang limang (5) aklat na nabanggit. Dagdag pa, sa mga iyon ay walang anomang utos, ni pahiwatig man na yapusin at isabuhay ng sinoman ang kabawalang iyan ng Ama nating nasa langit.

Ang tinatawag na ika-6 hanggang ika-10 aklat ni Moses, kung bubusisiin, o sisiyasating mabuti ay naglalaman ng mga kabaligtarang aral sa katuruan ng nabanggit na Torah  (limang (5) aklat ni Moses.)

1.      Sa una (5 Book of Moses) ay ipinahahayag ang kaisahan nitong persona ng Dios, at ang kaisahan ng kaniyang entidad bilang Dios (monotheism).  Samantalang sa pangalawa (6th to 10th Book of Moses) ay ipinakikilala ang maraming persona ng kalagayang Dios (polytheism).
2.      Sa una ay mahigpit na ibinabawal ng Dios ang anomang gawa na may kinalaman sa Okultismo (Deut 18:10-13). Samantalang sa pangalawa ay itinuturo na gawin ng mga tao ang gayon.
3.      Ang sa una ay may katiyakan na sinasakop nitong KAMALAYANG MESSIANIC o, yung tinatawag na THEORETICAL KABBALAH samantalang ang pangalawa ay hindi gayon, kundi nabibilang sa kategoriya nitong PRACTICAL KABBALAH, na isang lubhang malaking banta ng tiyak na kapahamakan sa kaluluwa ninoman.  

Ang lahat ng mga katuruang makalangit (Espirituwal) na iniluwal ng sariling bibig ng Mashach (Mesias, Cristo[anointed,pinahiran]) sa kabuoan ng Luma at Bagong Tipan ng Bibliya ay mga dalisay na aral na tagapaglunsad ng kaluluwa ninoman sa buhay na walang hanggan. Sakop nito ang higit na malalim na kahulugan ng buhay, na nagsasaad ng mga tanawing mahirap maaninag ng sinomang dumadako sa mababang antas ng kamalayang pangkabanalan. Messianic (Theoretical) Kabbalah, o, Messianic Teachings ang nagsisilbing ilawan na tumatanglaw sa malalabo at madidilim na bahagi nitong kaibuturang dako ng kamalayan ninoman. Iyan ang pumapaloob na eksaktong katuruang pangkabanalan sa limang (5) aklat ni Moses (Genesis, Exodus, Leviticus, Numbers, Deuteronomy).

Pseudepigraphic, Apocripha
Ang Practical Kabbalah (6th to 10th Book of Moses) laban sa Theoretical Kabbalah (1st to 5th book of Moses) ay isang uri ng katuruan na may kinalaman sa paggamit ng mahika (magic). Ito umano ay may ganap na kaugnayan sa paggamit at pamamaraan sa panawagan na umaantig at tumatawag sa pansin nitong kapangyarihang supernatural. Tumutukoy din iyan sa mga banal na pangalan, incantations (conjurations of spell), amulets (anting-anting), talisman, palmistry, astrology at iba pang kabawalan na kauri nito.

Samantala, sa aklat ng Deuteronomio na ika-5 aklat ni Moises ay mahigpit na iniuutos ng kaisaisang Dios ang gaya ng mababasa sa ibaba. Na sinasabi,

PANSININ:
(Inilagay namin sa orihinal na kaanyuan ang mga talata sa ibaba, alinsunod sa kaayusan na inilalahad ng Masoretic Text. Imbis na LORD ay pangalang YOHVAH na isa sa transliterasyon ng YHVH ang siyang pangalang mababasa sa mga sumusunod na talata. Sa orihinal na kaanyuang iyan ay higit na mauunawaan ang wastong nilalaman ng ating teksto.)

DEUT 18 :
9  When you come into the land which the YEHOVAH your God is giving you, you shall not learn to follow the abominations of those nations.

10 "There shall not be found among you [anyone] who MAKES HIS SON OR HIS DAUGHTER PASS THROUGH THE FIRE, [or one] who practices WITCHCRAFT, [or] a SOOTHSAYER, or one who interprets OMENS, or a SORCERER,

11 "or one who CONJURES SPELLS, or a MEDIUM, or a SPIRITIST, or one who CALLS UP THE DEAD.

12 "For all who do these things [are] an ABOMINATION to YEHOVAH, and because of these abominations YEHOVAH your God drives them out from before you.

13  You shall be perfect with YEHOVAH your God.

Narito, at napakaliwanag na sa panahon nitong mga anak ni Israel, na bagong laya pa lamang sa malaong pagka-alipin ng Egipto ay mahigpit na ibinawal ng Dios ang gayong karumaldumal na gawain. Huwag nyo ngang sabihin na ang kautusang iyon ay ukol lamang sa mga anak ni Israel. Iyan ay salita lamang ng mga tao na walang maapuhap na katuwirang sinasang-ayunan ng katotohanang sumasa Dios. Ang kautusang nabanggit sa Deut 18:10-13 ay hindi lamang tumutukoy sa labingdalawang (12) tribo ng Israel, sapagka’t hinggil dito ay madiin Niyang sinabi, gaya ng nasusulat,

EZE 18 :
Narito, LAHAT NG KALULUWA AY AKIN; kung paano ang kaluluwa ng ama, gayon din ang kaluluwa ng anak ay akin: ANG KALULUWA NA NAGKAKASALA AY MAMAMATAY.

ECL 12 :
13 Ito ang wakas ng bagay; lahat ay NARINIG: IKAW AY MATAKOT SA DIOS, at SUNDIN MO ANG KANIYANG MGA UTOS; sapagka’t ITO ANG BOONG KATUNGKULAN NG TAO.

Kung ikamamatay ng kaluluwa ang paglabag sa mga utos ng Dios ay bakit nga hindi sundin ang mga nabanggit na utos upang patuloy na kamtin ang buhay? Kung ang wakas ng mga bagay ay ang pagkatakot sa Dios – matuwid lang sa sinoman na sundin ang iniuutos sa Deut 18:10-13. Sapagka’t ang pagtalima o pagsunod sa kautusan ay nangangahulugan ng tuwirang pagpapakasakdal (perfect) sa paningin ng Dios. Kaya naman kasuklamsuklam ang tingin Niya sa mga tao na niwawalang kabuluhan at parang basahan na niyuyurakan ang kaniyang mga kautusan.

Bakit nga ba mahigpit na ibinabawal ng Dios ang ganyang uri ng mga kasuklamsuklam? Dahil nga hinggil sa payak na usaping ito ay lumabas mula sa bibig ng mga tunay niyang banal ang mga sumusunod.

 DEUT 18 :
18  Aking palilitawin sa kanila ang isang PROPETA sa gitna ng kanilang mga kapatid, na gaya mo; at AKING ILALAGAY ANG AKING MGA SALITA SA BIBIG NIYA, at KANIYANG SASALITAIN SA KANILA ANG LAHAT NG AKING IUUTOS SA KANIYA. (Amos 3:7)

EXO 4 :
12  Ngayon nga’y yumaon ka, at AKO’Y SASAIYONG BIBIG, AT ITUTURO KO SA IYO KUNG ANO ANG IYONG SASALITAIN.

JER 1 :
Nang magkagayo’y iniunat ni YOHVAH ang kaniyang kamay, at hinipo ang aking bibig; at sinabi sa akin ni YOHVAH, Narito, INILALAGAY KO ANG AKING MGA SALITA SA IYONG BIBIG.

Eze 2 :
At sinabi niya sa akin, Anak ng tao, tumayo ka ng iyong mga paa, at ako’y makikipagsalitaan sa iyo.

2 At ang Espiritu ay suma akin nang siya’y magsalita sa akin, at itinayo ako sa aking mga paa; at aking narinig siya na nagsasalita sa akin.

Ang nais ng kaisaisang Dios ay anyayahan natin siya sa ating kalooban at kabuoan. Na tayo ay magsigawa ng mga bagay na ikalilinis ng ating kaluluwa at katawan, at iyan ay sukat upang ang banal niyang Espiritu ay mabighani na pamahayan at pagharian ang kabuoan ng sinoman. Ano pa’t ang mga salita na lumabas mismo sa sariling bibig ng Cristong si Jesus ay hindi lumayo sa katuwiran na tinatalakay dito, na sinasabi,

JUAN 5 :
30  HINDI AKO MAKAGAGAWA NG ANOMAN SA AKING SARILI: humahatol ako ayon sa aking narinig: at ang paghatol ko’y matuwid; sapagka’t hindi ko pinaghahanap ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban niyaong nagsugo sa akin. 

31 Kung ako’y nagpapatotoo sa aking sarili. ANG PATOTOO KO AY HINDI KATOTOHANAN.

JUAN 8 :
28  Sinabi nga ni Jesus, Kung maitaas na ninyo ang Anak ng tao, saka ninyo makikilala na ako  ang Cristo, at WALA AKONG GINAGAWA SA AKING SARILI; KUNDI SINASALITA KO ANG MGA BAGAY NA ITO, AYON SA ITINURO SA AKIN NG AMA.

JUAN 14 :
10  Hindi ka baga nananampalataya na ako’y nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin? ANG MGA SALITANG AKING SINASABI SA INYO’Y HINDI KO SINASALITA SA AKING SARILI: kundi ANG AMA NA TUMATAHAN SA AKIN AY GUMAGAWA NG KANIYANG MGA GAWA. (Juan 10:30).

Ayan, at napakaliwanag na Espiritu ng Dios mismo ang sa kalooban ng mga banal ay nananahan at naghahari. 


"Banal ka ngang maituturing, kung ikaw ay masigla at may galak sa puso na tumatalima sa kautusan ng kaisaisang Dios na siyang Ama ng iyong kaluluwa." 

Katotohanan na ang nararapat lamang na hangarin ng tao sa kalupaan ay ang pagkakataon na puspusin ng Espiritu ng Dios ang  sarili niyang kabuoan. Kung magkagayo’y Espiritu na ng Dios ang magsasalita ng kaniyang mga salita at siyang gagawa ng kaniyang mga gawa sa pamamagitan ng pisikal mong katawan - upang ganapin ang mga dakila niyang layunin sa iba't ibang kapanahunan. Walang anomang pangangailangan sa kabawalang nilalaman nitong Deut 18:10-13. Lalo na nga ring hindi kailangan ang walang kabuluhang katuruan at mga gawang kapahapahamak na minamatuwid nitong di umano’y ika-6 hanggang ika-10 aklat ni Moses.

Ang kalakarang iyan ng pagsanib ng Espiritu ng Dios sa sinoman na masunurin sa kautusan ay pinaka-mapapagkatiwalaan at pinakaligtas na paraan ng pagpapakabanal sa kalupaan. Ang gagawin lamang ninoman ay masigla at may galak sa puso na tatalima sa mga kautusan ng kaisaisang Dios na nasa langit. Ano pa’t kung Espiritu na mismo ng Dios ang namamahay at naghahari sa iyong kalooban ay wala na ngang ibang kapangyarihan na maaaring makagapi pa sa iyo. Palibhasa ay nasa iyo na ang Espiritu na pinakamakapangyarihan sa lahat, kaya maging ang entidad ng kasamaan na si Satanas at ang mga kampon niyang diyablo (demonyo) ay nanganginginig na lahat sa takot sa Kaniya.

Maliban sa magpasawalang hanggang pangalan ng Dios (YHVH) na masiglang ipinakilala ng Torah (5 books of Moses), sa Nivi'im (Prophets), at sa Ketuvim (Writings) ay wala ng iba pang pangalan na nararapat isa-ulo ang sinoman.  Ang tungkol naman sa bagong pangalan ng Dios sa iyong henerasyon ay sinasabing ukol lamang sa mga magtatagumpay na masunod ng maluwalhati ang mga kautusan ng Dios.

Ayaw ba ninyo ang ganyang kapayak na paraan ng pagpapakabanal at pakikipag-isa sa Dios na siyang Ama ng ating kaluluwa? Nakakalungkot isipin na ang marami ay pinili pa ang pagsasabuhay ng mga bagay na laban sa kalooban ng sarili nilang Ama na nasa langit. Hindi pa ba ninyo napag-unawa na kaya ibinabawal ng kaisaisang Dios ang mga gawa na may kinalaman sa okultismo ay nahihikayat at nabibighani ng kasuklamsuklam na gawaing iyan ang mga masasamang espiritu na pamahayan at pagharian ang kalooban ng mga tao. Iyan ay sa kauusal nila ng paulit-ulit nitong mga mapanganib na orasyon sa iba’t ibang di maunawaang wika.

Isang bagay lamang ang nararapat maunawaang lubos ng lahat - ang kabawalan at kaayunan ng Dios kung susundin ninoman ay lakas na aagaw sa kaniyang kaluluwa sa tiyak na kapahamakan at kamatayan. Iyan ang tunay na kapangyarihan na nararapat hangarin at pagsikapang makamit ng tao sa kalupaan. Ang kapangyarihan na maluwalhating makapaghahatid ng kaniyang kaluluwa sa piling ng Ama niyang nasa langit. Sa makatuwid baga'y yaong pagtatamo ng buhay na walang hanggan

Pipiliin pa baga ninyo ang mga palsipikadong kapangyarihang kaloob ng okultismo na hindi kailan man makapaghahatid kaninoman sa kaligtasan ng kaniyang kaluluwa, ni sa buhay man na walang hanggan? Ang lahat ng iyan ay walang anomang kabuluhan sa ikabubuti ng kaluluwa. Palibhasa ay mga gawang malabis na kinasusuklaman ng sarili nating Ama na nasa langit (Deut 18:10-13).

Ang sinasabing ika-6 hanggang ika-10 aklat ni Moses, yamang ang nilalamang katuruan niyan ay nagpapawalang kabuluhan sa katuwiran ng Dios na masusumpungan sa limang (5) aklat ni Moses. Ang mga iyan sa makatuwid ay maipasisiyang mga huwad na aklat pangkabanalan (hindi galing kay Moses, ni sa Dios man). Nandiyan sa mga aklat na nabanggit ang kasuklamsuklam na udyok ng masasamang espiritu at ng mga demonyo. At bakit nga nawika namin ang gayon? Ito’y dahil sa ang itinuturo ng mga aklat na iyan ay ang hayagang paglabag sa mga kautusan ng Dios ng Tanakh.

Ang nais ng Dios ay mamahay at maghari ang sarili niyang Espiritu sa kalooban at kabuoan ng bawa’t tao na nabubuhay sa kalupaan. Ito’y sa pamamagitan ng pagtalima sa kaniyang natatanging kalooban (kautusan). Gayon din naman ang pagnanais ng espiritu ng mga demonyo, kaya sila’y lumikha ng mga aral na ikapapahamak, gaya ng mga aral na nabanggit sa ika-6 hanggang ika-10 aklat. Sa paraang iyan ay malaya nilang mapamamahayan ang kalooban at kabuoan ng sinomang malalaglag sa bitag na iyan ng kamatayan. Ano pa’t kung ang mga gawang tulad niyan ay kasuklamsulam sa paningin ng Dios - sa paulit-ulit na pag-usal ng mga orasyon ay masasamang espiritu ang nagsisidating at nagpapanggap na mga banal na Espiritu, upang linlangin ang mga tao at sila’y walang awang kaladkarin sa tiyak na kapahamakan ng kanilang kaluluwa.

Muli, kung sumasa Dios ang gayong mga bagay ay bakit nga mahigpit na ibinabawal mismo ng Ama na gawin ng mga tao? Patunay na ano mang ibinabawal ng Dios ay masama at yao’y isang kasuklamsuklam na tanawin sa Kaniyang paningin. Sino man nga’y katotohanan na nabibigkis ng lubhang mahigpit sa palatuntunang ito ng Dios. “Ang utos ay utos na nararapat sundin ng lahat.” Sinoman nga’y hindi hihigit sa kautusan, upang ito’y hindi sundin at maipasiyang siya’y walang anomang pananagutang sala sa ating Ama na nasa langit. 

Maliban ngang ang sinoma'y tumalima sa mga kautusan ay hindi matatamo kailan man ang awa ng kaisaisang Dios na nasa langit, gaya ng nasusulat,



EXO 20 :
At pinagpapakitaan ko ng KAAWAAN ang libolibong UMIIBIG SA AKIN at TUMUTUPAD NG AKING MGA UTOS.

Sa pagwawakas ng artikulong ito ay may isang katotohanan na nararapat tanggapin ng lahat. Ang Torah (Pentateuch), o ang limang (5) aklat ni Moses ang siyang naglalahad ng mga kautusan, palatuntunan, at kahatulan ng Ama nating nasa langit. Sa madaling salita na mauunawaan ng lahat ay mga, "AKLAT NG KAUTUSAN." Nariyan ang kabuoan ng mga kautusan ng Dios na higit sa lahat ay buong tungkulin ng sinoman sa kalupaan na sundin at isabuhay (Ecl 12:13).

Ang marami ay hindi maikakaila na nahuhumaling sa pagtatamo ng espirituwal na kapangyarihan, na sa kanila ay sapilitang  naglulunsad sa kasuklamsuklam na dako ng kapalaluan at kahangalan. Dahil dito, pati na ang aklat ng kautusan (5 aklat ni Moses) ay niwalan nila ng anomang katuturan. Sa kanila nga ay gaya lamang iyon ng walang kabuluhang bagay na inihahagis nila sa bunton ng mga basura. Higit pa nilang pinahalagahan at sinampalatayanan ang mga huwad na kasulatan (ika-6 hanggang ika-10 aklat), na walang awang kumakaladkad ng kaluluwa ninoman sa tiyak at mapait na kapahamakan.


Kung ang una (1) hanggang ika-5 aklat ni Moses ang siyang pagkakakilanlan sa mga AKLAT NG KAUTUSAN. Gayon nga ring maliwanag na mapapagkilala ang ika-6 hanggang ika-10 aklat bilang mga AKLAT NG PAGLABAG SA KAUTUSAN. 


Saan man at kailan man - ang mga aklat (6-10th book of Moses) na iyan ay  hindi inari ng mga katuwiran ng Dios na nangagsilabas mula sa sariling bibig ni Moses. Gaya din naman nitong likhang doktrinang pangrelihiyon (evangelio ng di pagtutuli) ni Pablo, na kailan ma'y hindi sinang-ayunan ng mga salita ng Dios (evangelio ng kaharian) na isinatinig at iniaral ng sariling bibig ni Jesucristo.


Sa kaisaisang Dios ay hindi balidong kadahilanan sa sinoman ang kadakilaan ng pangsarili niyang layunin, upang ang Kaniyang mga kautusan ay labagin at hindi sundin.  Dahil dito ay maituturing na isang kamangmangan at kahangalan na sabihing, 



"Bagama't ibinabawal ng Dios ang pagnanakaw ay gagawin pa rin natin, palibhasa'y mabuti at dakila ang ating layunin. Ang mga ninanakaw natin sa mayayaman ay itinutulong naman natin sa mga mahihirap."
"Ang mga kabawalan sa Deut 18:10-13, kung gagamitin sa mabuti ay hindi ipagkakasala ng sinoman sa Dios."
Robin Hood Syndrome ang makabagong tawag sa ganyang uri ng pilipit na pangangatuwiran.  Datapuwa't sa ilang kataga ay binigyang diin nitong mga salita ng Dios na iniluwal ng sariling bibig ng mga totoong banal ang tunay na kahulugan ng salitang "MABUTI," na sinasabi,

MATEI 19 :
17 At sinabi niya sa kaniya, Bakit mo itinatanong sa akin ang tungkol sa MABUTI? May isa, na siyang MABUTI; datapuwa't kung ibig mong pumasok sa buhay, INGATAN MO ANG MGA UTOS.

SANT 2 :

8 Gayon man kung inyong ganapin ang KAUTUSANG HARI (pagibig sa Dios), ayon sa kasulatan. Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng sa iyong sarili, ay nagsisigawa kayo ng MABUTI.

Ang paggawa ng mabuti sa hindi maikakailang katotohanan ay walang iba, kundi ang pagtalima sa kautusan ng kaisaisang Dios. Ang kabawalan ng Dios ay masama at totoong masama at kasuklamsuklam sa Kaniyang paningin.  Iyan ang natatanging pamantayan ng mabuti na nararapat isa-isip at isabuhay ng lahat sa kalupaang ito. 

Nahihibang sa kaniyang sarili (Robin Hood Syndrome) ang sinomang nagsasabi na siya'y gumagawa ng mabuti sa kaniyang kapuwa, gayong hayagang nilalabag at niyuyurakan ang mga kautusan (Deut 18:10-13) ng sarili niyang Ama na nasa langit. Ano pa't katotohanan na nararapat tindigang matibay ng lahat, na ano mang bahagi ng masama (okulstismo), ay hindi kailan man makapaghahatid ng buti sa kaluluwa ninoman sa kalupaan.


Katotohanan kung gayon, na pagsunod lamang sa mga kautusan ng Ama nating nasa langit ang kaisaisang maituturing na gawang mabuti sa Kaniyang paningin. Muli, ang katuruang pangkabanalan na nilalaman ng Tanakh (Torah, Nevi'im, Ketuvim) ang siyang sinasang-ayunang lubos ng katotohanan, na pinaka-epektibo, pinaka-mapapagkatiwalaan, at pinakaligtas na paraan ng pagpapakabanal sa kalupaan.


Hanggang sa muli, paalam.





2 komento:

  1. Basta sa 1st to 5th book of Moses ako. Yun lang ang paniniwalaan ko, kasi turo yun ng mga prophet ng God.

    TumugonBurahin
  2. Ako pa rin po ito Mr. Morales, nauna lang akong nag-comment sa isa. Isa pong matalinong pagpapayo ang inilahad nyo dito pero likas po sa tao ang pagiging mausisa at subukan ang maraming bagay habang nabubuhay. Isa na nga po dito ung pag-aaral ng Kabala. I haven't read it yet & I'm not aiming to read even one of the five books. Sapat na po sa kin ang malaman ang pinanggalingan ng mga oraciones pati mga iba't ibang grupong ngpapraktis nito. Marami na rin hoh akong nabasang blogspot ukol dito. I've checked kung tama mga sinasabi nila at meron ngang mali. Ang nangyari po kasi sa kin eh nauna munang nagkaroon ako ng kaalaman dito bago ko po natutuhan ang history nito. God is great yan na lang po masasabi ko. tnx poh!

    TumugonBurahin