Thursday, January 10, 2013

ANG NAGLILINIS NG KASALANAN


Si Juan ay nangaral ng mga katuwiran ng Dios sa ilang. Ang marami sa nangakarinig ng salita ay napagkilala ang mga nagawa nilang paghihimagsik sa kalooban ng kaisaisang Dios. Sapat upang sila’y taos pusong magsipagsisi ng kanilang mga kasalanan. Dahil dito ay iginawad ni Juan sa kanila ang simbulo ng pagsisising iyon, na dili iba kundi ang saglit na paglulubog ng kanilang buong katawan at ulo sa tubig ng ilog Jordan.

Tubig ang elemento na naglilinis sa dungis ng mga nilalang sa mumunting bahaging ito ng demensiyong materiya. Ano pa’t ang masigla at may galak sa pusong pagtalima sa natatanging kalooban ng Dios (kautusan) ang siyang naglilinis ng mga kasalanan. Ang tubig pagdating sa kasalanan ay isang simbulo lamang at katotohanan na hindi ito ang lumilinis sa dungis ninoman, kundi ang pakikipag-isa sa mga salita (kautusan) ng kaisaisa nating Ama na nasa langit.

Tinawag ni Juan na bautismo sa pagsisisi ng kasalanan ang gawaing nabanggit sa kapanahunan niyang iyon. Bagaman ang buong katawan at ulo ang inilubog sa tubig ay hindi nito nilinis ang kasalanan, bagkus ay ang labas ng katawan lamang. Gayon man, ito’y nagpakita ng isang napakatibay na tanda, na ang kasalanan sa pamamagitan ng pagsisisi ay nahugasan at nalinis ng mga salita ng Dios na tumimo sa puso at tumatak sa kaisipan ninoman. Bakit? Sapagka’t pinatatawad ng ating Ama ang sinoman na taos sa puso ang pagsisisi sa kaniyang kasalanan.

EZE 14 :
6  Kaya't sabihin mo sa sangbahayan ni Israel, Ganito ang sabi ng Dios na si YEHOVAH, MANGAGBALIK-LOOB kayo, at kayo'y magsitalikod sa inyong mga DIOSDIOSAN; at ihiwalay ninyo ang inyong mga mukha sa lahat ninyong kasuklamsuklam.

EZE 18 :
21  Nguni’t kung ang MASAMA ay humiwalay sa kaniyang lahat na kasalanan na kaniyang nagawa, at ingatan ang lahat na aking mga PALATUNTUNAN, at gumawa ng TAPAT at MATUWID, siya’y hindi mamamatay.

22  WALA SA KANIYANG MGA PAGSALANGSANG NA NAGAWA NIYA NA AALALAHANIN LABAN SA KANIYA: sa kaniyang KATUWIRAN na kaniyang ginawa ay mabubuhay siya.

Ang katawan ay nililinis ng tubig, datapuwa’t ang kaluluwa ay nililinis ng mga salita ng Dios. Kung ang sinoman nga’y tinamo sa kaniyang sarili ang pagsisisi, dahil sa pagbibigay niya ng kabuluhan at pagpapahalaga sa mga salita ng Dios – siya nga ay hindi lumalayo sa dako ng kabanalan.

Sa gayo’y ano nga ba ang mga salita ng Dios, na kung ipapangaral ng mga tunay na banal upang sundin ay siyang nagsisilbing mitsa sa pagiging banal ng sinoman? Hinggil dito ay mariing winika ng Ama nating nasa langit ang ilang bagay pangkabanalan (katotohanan) na kailan ma’y hindi maikakaila ninoman, na sinasabi,

DEU 6 :
5  AT IYONG IIBIGIN ANG PANGINOON MONG DIOS NG IYONG BUONG PUSO, AT NG IYONG BUONG KALULUWA, AT NG IYONG BUONG LAKAS. (Mat 32:36-38)

LEV 19 :
18  Huwag kayong manghihiganti o magtatanim laban sa mga anak ng inyong bayan, kungdi IIBIGIN NINYO ANG INYONG KAPUWA NA GAYA NG SA INYONG SARILI: AKO ANG PANGINOON. (Mat 22:39-40)

Gayon nga ring mula sa sariling bibig ng panginoon nating si Jesucristo ay nangagsilabas ang mga pangungusap na inyong nabasa sa itaas, na ang wika ay gaya ng nasusulat,

MATEO 22 :
36  Guro, alin baga ang DAKILANG UTOS sa KAUTUSAN?

37  At sinabi sa kaniya, IIBIGIN MO ANG PANGINOON MONG DIOS NG BOONG PUSO MO, AT NG BOONG KALULUWA MO, AT NG BOONG PAGIISIP MO. (Deut 6:5)
38  Ito ang DAKILA AT PANGUNANG UTOS.

39  At ang PANGALAWANG KATULAD ay ito, IIBIGIN MO ANG IYONG KAPUWA NA GAYA NG IYONG SARILI. (Lev 19:18, Mat19:19)

40  SA DALAWANG UTOS NA ITO’Y NAUUWI ANG BOONG KAUTUSAN, AT ANG MGA PROPETA.

MAT 19 :
19  Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina; at, IIBIGIN MO ANG IYONG KAPUWA NA GAYA NG IYONG SARILI.

Napakaliwanag kung gayon, na ang katuruan nitong tinatawag na Lumang Tipan ng Bibliya – pagdating sa usapin ng kautusan ay masiglang itinataguyod at ipinagtatanggol nitong si Jesus. Ito’y maipasisiyang isang nagtutumibay na katotohanan, palibhasa ang mga iyon ay maigting na sinalita ng sarili niyang bibig. Ayon pa rin sa mga salita (evangelio ng kaharian) na masaganang dumaloy mula sa kaniyang bibig – ang pagtalima sa kautusan ay katumbas ng buhay na walang hanggan, gaya ng nasusulat,

MATEO 5 :
17  HUWAG NINYONG ISIPING AKO’Y NAPARITO UPANG SIRAIN ANG KAUTUSAN O ANG MGA PROPETA: ako’y naparito hindi upang sirain, kundi upang GANAPIN.

MATEO 19 :
17  At sinabi niya sa kaniya, Bakit mo itinatanong sa akin ang tungkol sa mabuti? May isa, na siyang mabuti: datapuwa’t KUNG IBIG MONG PUMASOK SA BUHAY, ingatan mo ang mga UTOS.

JUAN 12 :
50  At nalalaman ko na ANG KANIYANG UTOS AY BUHAY NA WALANG HANGGAN; ang mga bagay nga na sinasalita ko, ay ayon sa sinabi sa akin ng AMA, GAYON KO SINASALITA.

JUAN 14 :
31  Datapuwa’t upang maalaman ng sanglibutan na ako’y umiibig sa Ama, at ayon sa KAUTUSANG IBINIGAY SA AKIN NG AMA, AY GAYON DIN ANG AKING GINAGAWA. Magsitindig kayo, magsialis tayo rito.

Ang kautusan, kapag napag-unawa ng sinomang kinauukulan ang tunay na kahalagahan sa kaniyang kaluluwa – siya’y makadarama ng mataimtim na kababaang loob, at taos pusong muling pagpapasakop sa natatanging kalooban ng Ama niyang nasa langit. Kasunod nito’y ang masigla at malugod sa puso niyang tutuparin at isasabuhay ang kautusan. Ito’y sapat upang siya’y kusang mapabilang sa sambayanan na tumatahan sa dako ng tunay na kabanalan.

Katotohanan na salita ng Dios ang lumilinis sa duming nakabahid sa kabuoan ng sinoman sa kalupaan. Ano pa’t ang nagpapaging banal sa kaniya ay ang pagtalima sa kautusan, na sinasalita ng Dios sa iba’t ibang kapanahunan sa pamamagitan ng kaniyang mga lingkod na propeta.

Inyo ngang pakatandaan, ayon sa katotohanang binibigyang diin ng kasulatan. Ito ngang si Jesus na Cristong ating panginoon ay hindi kailan man naging laban sa kautusan. Bagkus, gaya ng mga nanga-una sa kaniyang mga tunay na propeta ng Dios – siya’y maliwanag na tagapagtaguyod at tagapagtanggol nitong mga kautusan ng kaisaisang Dios (Yohvah), na siyang Ama ng lahat ng kaluluwa sa kalupaan at sa kalangitan.

Ang lahat nga’y lulunsad sa sukdulan at kawakasan ng mga bagay – sa ayaw o sa ibig man natin ay kailangan nating suklian ang pag-ibig ng Dios na iniukol niya sa atin ng pag-ibig din. Iyan ang paglilinis sa pamamagitan ng pagtalima sa kaniyang mga kautusan.

EXO 20 :
At pinagpapakitaan ko ng KAAWAAN ang libolibong UMIIBIG SA AKIN at TUMUTUPAD NG AKING MGA UTOS.

May awa ang Ama at Dios nating nasa langit sa sinomang nagpapakalinis sa pamamagitan ng pagsisisi mula sa mga nangagawang kasalanan, at binibihisan ang kaniyang sarili nitong matibay na pananampalataya sa Ama, na may malugod at masiglang gawa ng Kaniyang mga kautusan.

Saan man at kailan man, ang kasalanan ng sanglibutan ay hindi maaaring matubos, o mabura man ng pagkapako sa krus ng isang matapat na lingkod ng Dios. Ang paglilinis ay katotohanang gawain at tungkulin ng bawa’t isa sa kaniyang sarili. Walang sinomang maaaring gumawa nito para sa iyo, kundi ang sarili mo lamang. Ang tao ang gumagawa ng kaniyang ikabubuti at ikasasama. Ginagawa niya sa kaniyang kabuoan ang paglilinis at sariling kaligtasan - sa pamamagitan ng lubusang pagpapasakop at pagtalima sa natatanging kalooban (kautusan) ng kaisaisa niyang Dios at Ama (Yohvah) na nasa langit.

Tila nga laban sa kaliwanagang ito ay may mariing ipinahayag si Jesus, na sinasabi,

MATEO 26 :
28  Sapagka’t ito (katas ng ubas)  ang aking dugo ng tipan, na NABUBUHOS DAHIL SA MARAMI (tupa), SA IKAPAGPAPATAWAD NG MGA KASALANAN (Mat 15:24, Juan 10:15).

Nariyan nga at maliwanag na sinasabi ni Jesus na ang katas ng ubas ay ibinigay niyang isang simbulo, na dugo ng kaniyang tipan sa labingdalawang (12) apostol. Kung liliwanagin ay ang mga salita ng Dios na masagana at makapangyarihang dumaloy mula sa kaniyang bibig na nahahayag sa marami (hindi ang sanglibutan) sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan. Sapagka’t ukol dito ay winika ng sarili niyang bibig,

JUAN 17 :
Ipinahayag ko ang iyong pangalan sa mga TAO (tupa) na ibinigay mo sa akin mula sa sanglibutan: (Mat 18:20) sila’y iyo, at sila’y ibinigay mo sa akin; at TINUPAD NILA ANG IYONG SALITA. (Mat 15:24)

JUAN 17 :
9  Idinadalangin ko sila: HINDI ANG SANGLIBUTAN ANG IDINADALANGIN KO, kundi yaong mga SA AKIN AY IBINIGAY MO; sapagka’t sila’y iyo; (Mat 15:24)

Sino nga ba ang sinasabi niyang “marami,” na ayon pa ay ibinigay ng ating Ama sa kaniya? Ang napakaliwanag na sagot hinggil dito ay gaya nga ng sumusunod na pahayag,

MATEO 15 :
24  Datapuwa’t siya’y sumagot at sinabi, HINDI AKO SINUGO KUNDI SA MGA TUPANG NANGALIGAW SA BAHAY NI ISRAEL.

Katotohanan na hindi kailan man maaaring hindian o pasinungalingan man ng sinoman – na itong si Jesus ay ganap na kinikilala ng Ama at ng marami sa larangan ng tunay na kabanalan. Siya’y isang totoong banal na nanalangin sa Dios sa mabuting kapakanan ng mga tupa (mga anak ng pagsunod) na tanging kadahilanan ng pagkasugo sa kaniya sa buong sangbahayan ni Israel. Ano pa’t tungkol sa panalangin ng mga banal ay mariing sinalita ng Dios, na sinasabi,

  AWIT 35:
15 Ang mga mata ng Panginoon (YHVH) ay nakatitig sa mga matuwid, At ang kaniyang mga pakinig ay nakabukas sa kanilang daing.

Gayon ngang ang panalangin ng isang totoong banal na kagaya ng panginoon nating si Jesucristo ay tunay na dininig ng kaisaisang Dios na Ama nating nasa langit. Datapuwa’t ang panalangin niyang iyon ay hindi maikakaila na nauukol lamang sa mga tupa (mga anak ng pagsunod) sa buong sangbahayan ng Israel at hindi para sa lahat ng tao ng sanglibutan. Lalo na ngang ito (panalangin ni Jesus) ay hindi kailan man tumukoy sa mga kambing (mga anak ng pagsuway), na kung lilinawin ay mga Gentil na ang kaaliwan ay ang walang kapagurang paghihimagsik sa mga kautusan ng kaisaisang Dios at Ama nating nasa langit.

Ang napakaliwanag dito ay ang banal na katuruan (Messianic Teachings) na nilalaman nitong Evangelio ng kaharian ang nag-iisang paraan na tiyakang maaaring maging dahilan sa kaligtasan ng kaluluwa at kapatawaran (katubusan) ng kasalanan. Sinoman sa makatuwid sa kapanahunan nating ito, na masigla at may di-matatawarang lugod sa puso na pagtalima sa kautusan ay katotohanang nililinis ang kabuoan ng kaniyang kaluluwa. Ano pa’t ang taong iyan ay maliwanag na maaaring ibilang sa munting kalipunan (kawan ng mga tupa) na tinutukoy ng banal na si Jesus sa kaniyang panalangin.

Sa pagtatapos ay maituturing na isang kahangalan at kahibangan, na sabihing nilinis sa pamamagitan ng pagkapako ni Jesus sa krus ang sala ng sanglibutan. Taliwas dito ay katotohanan na kani-kaniya ang paglilinis ng bawa’t isa sa kaniyang sarili. Datapuwa’t ang paglilinis ay maaaring matutunan mula sa mga tunay na banal ng Dios, at ang nag-iisang paraan ay ang pagtalima lamang sa mga kautusan ng Ama nating nasa langit.

JUAN 12 :
50  At nalalaman ko na ANG KANIYANG UTOS AY BUHAY NA WALANG HANGGAN; ang mga bagay nga na sinasalita ko, ay ayon sa sinabi sa akin ng AMA, GAYON KO SINASALITA.

ECL 12 :
13  Ito ang wakas ng bagay; lahat ay NARINIG: IKAW AY MATAKOT SA DIOS, at SUNDIN MO ANG KANIYANG MGA UTOS; sapagka’t ITO ANG BOONG KATUNGKULAN NG TAO.

Ang mabuting Anak ay malugod na tumatalima sa kalooban ng sarili niyang Ama. Kaisa ng Ama ang sinisintang Niyang Anak sa katuwiran at kabanalan. Gaya niya ang malinis na kaluluwa. Tularan nga natin ang mga totoong banal sa paraan nilang iyan, na masiglang naglunsad sa busilak na kalinisan ng kanilang kaluluwa. Amen.

1 comment:

  1. Simple lang pala ito. Susunod ka lang sa mga utos ng Diyos at nafulfill mo na ang tungkulin mo sa lupa bilang tao.

    ReplyDelete