Martes, Marso 26, 2013

MGA SUSI NG LANGIT


Batay sa tradisyong pangrelihiyon ay itong si Pedro na kabilang sa labingdalawang (12) apostol ang siyang naging mapalad na nakapagtamo mula kay Jesucristo nitong susi ng kaharian ng langit. Iyan ang tradisyong katuruang pangkabanalan na sa ngayon ay matibay na pinaninidiganan ng iba't ibang denominasyon ng relihiyong Romano at Cristiano ni Pablo. Gayon ma'y tila ang mga katiwatiwalang katunayang biblikal ay may ibig na ipahiwatig na naiiba sa tinitindigang aral na iyan ng marami.

Hindi pinasisinungalingang si Pedro ang tumanggap nito, kundi may ipinahihiwatig na isang malalim na kahulugan ang tinatawag na "susi ng langit"  Mula sa mga salita na lumabas mula sa bibig ni Jesus - kung pag-uukulan ng lalo't higit na malayong tanaw ay mababanaag ang isang dako, na kung saa'y kasusumpungan ng isa pang mahalagang anyo nitong susi ng langitKung saan nauukol at lumalapat ang bagay na iyan sa ikababanal ng sinoman ay siya naming sa inyo ngayon ay lalapatan ng kaukulang tanglaw.

Biyernes, Pebrero 22, 2013

ANG BABALA (Kapahamakan ng kaluluwa)



Sa kasalukuyang panahon ay higit ng naging maingat ang karamihan sa pangsarili nilang kapakanan. Una-una ay sa kalusugan, kabuhayang pang materiyal at Ispirituwal, relasyong pampamilya, pagmamalasakit sa kapuwa at marami pang iba. Sa usaping ito ay tatalakayin natin ang ilang tanawin na may kinalaman sa pagmamalasakit sa kapuwa. Dahil maituturing na kabutihan ang gawaing, pagbibigay halaga sa kapakanan ng mga tao, hindi nga lamang sa kanila na malalapit sa ating puso at damdamin.

Tungkol sa usapin ng kapakanan at proteksiyon ay likas sa lahat na unahin ang kanikaniyang sarili sa mga gawain na nabanggit sa itaas. Gayon man ay isa pa ring kalugodlugod na gawaing pangkabanalan na paalalahanan ang ating kapuwa, kung sa tingin natin ay nalilihis ang kanilang sarili sa umiiral na batas at palatuntunan tungo sa matuwid na landas ng buhay.

Dahil dito ay hindi naging tamad at makupad ang marami para bigyang katuparan  ang kahalagahan ng bagay na ito. Sa mga pabalat (label) ng pangunahing bilihin ay makikita ang mga paalala at babala na nagsasabing makasasama ang mga produktong iyon sa kalusugan ng mga tao, at nagdudulot ng pagkakasakit at sa dulo ay kamatayan.

Linggo, Pebrero 17, 2013

MGA TUNAY NA LINGKOD NG DIOS


Mula sa lubhang malayong kapanahunan hanggang sa kasalukuyang henerasyon na ating kinabibilangan, ay laganap ang mga tao na nagsasabing sila’y kasama sa munting kalipunan ng mga tunay na lingkod ng Dios. Gayon ma’y malabis ang pag-aangkin ng bawa’t isa sa banal na kalagayang iyon. Dahil diyan ay hindi nila maiwasang maging gaya  ng mga mababangis na hayop sa ilang, na sa araw at gabi ay nagsasakmalan sa isa’t isa. Yan ay tanda na tila hindi nila nauunawaan ang totoong kahulugan ng kalagayang malabis nilang inaangkin, pinag-aagawan, at pinag-aawayan sa lahat ng oras.

Ano nga ba ang malinaw na kahulugan ng mga salitang, “Lingkod ng Dios?”

Ang ibig sabihin ng katagang, “Lingkod” ay utusan, o maninilbihan, at sa higit na malinaw na pananaw ay “tagasunod.” Kung lalapatan ng husto at angkop na paliwanag ay isang indibiduwal o kalipunan iyan na nakatalagang tumanggap at tumupad ng utos. Yan lamang ang kaisaisang layunin at tungkulin ng isang "lingkod."

Sa mundong ito ay isang nilalang, tao man o hayop na tagapaglingkod sa kaniyang panginoon ang tinutumbok na kahulugan niyan. Kung umiiral ang tagapaglingkod ay maliwanag din namang kaagapay niya ang kaniyang amo o panginoon na isang taga-utos. Sa mundo kung gayon ay dalawa ang kategoriya ng tao – ang una ay ang nag-uutos, at ang pangalawa ay ang inuutusan. Dahil nga diyan ay masiglang umiinog ang mundo ng bawa’t tao sa kalupaang ito, at sapat upang maunawaan ng bawa’t isa ang ginagampanang layunin sa kani-kaniyang itinataguyod na buhay.

Biyernes, Enero 25, 2013

ROBIN HOOD SYNDROME


Paunang salita
Hindi namin layunin na gibain ang paninindigan ng marami, ni ilagay man sa kahiyahiyang kalagayan ang aming kapuwa. Bagkus ay maglahad lamang ng mga bagay na sinasang-ayunang lubos ng mga katiwatiwalang katunayang biblikal. Hindi namin kailan man hinangad na husgahan ang sinoman, palibhasa'y ang mga salita ng Dios na isinatinig ng mga banal ang siyang humuhusga sa mga karumaldumal ng marami. Nawa'y maunawaan ng lahat na kami'y alingawngaw lamang ng mga katotohanang isinigaw at isinatitik nilang mga totoong banal na nabuhay sa malayo at malapit na kapanahunan.

Sa alamat ng mga Ingles ng Inglatiera ay may ipinakilalang magaling at mapagkawang-gawang lalake, na umano'y nagkakanlong at naninirahan sa Sherwood Forest ng Nottinghamshire. Ang taong iyon ayon sa kuwento ay tanyag sa pagiging isang mamamana at eskrimador. Nitong unang bahagi ng ika-19 na siglo ay kinilala siya bilang isang “tulisan na dumadambong sa mayayaman at ipinamamahagi sa mahihirap ang mga kinulimbat niyang yaman.” Ito’y sa tulong ng pinamumunuan niyang pangkat ng mga bandido, na sikat sa tawag na Merry Men. Ang pulutong na iyon ay inilalarawan na taglay sa kanilang katawan ang Lincoln green na kasuotan.

Siya ay walang iba, kundi si Robin Hood (Robyn Hode sa mga lumang manuskrito),  na malabis ang pakikidalamhati sa kaawa-awang kalagayan ng mga kapos palad niyang kababayan. Sukat upang siya’y itulak ng damdaming iyon sa isang gawain na kailan ma’y hindi sinang-ayunan ng matuwid. Palibhasa, mula sa sampu (10) ay paglabag iyon sa pangwalong (8) kautusan ng Dios na may kahigpitan Niyang ipinatutupad sa lahat ng tao sa kalupaan.

Huwebes, Enero 10, 2013

ANG NAGLILINIS NG KASALANAN



Si Juan ay nangaral ng mga katuwiran ng Dios sa ilang. Ang marami sa nangakarinig ng salita ay napagkilala ang mga nagawa nilang paghihimagsik sa kalooban ng kaisaisang Dios. Sapat upang sila’y taos pusong magsipagsisi ng kanilang mga kasalanan. Dahil dito ay iginawad ni Juan sa kanila ang simbulo ng pagsisising iyon, na dili iba kundi ang saglit na paglulubog ng kanilang buong katawan at ulo sa tubig ng ilog Jordan.

Tubig ang elemento na naglilinis sa dungis ng mga nilalang sa mumunting bahaging ito ng demensiyong materiya. Ano pa’t ang masigla at may galak sa pusong pagtalima sa natatanging kalooban ng Dios (kautusan) ang siyang naglilinis ng mga kasalanan. Ang tubig pagdating sa kasalanan ay isang simbulo lamang at katotohanan na hindi ito ang lumilinis sa dungis ninoman, kundi ang pakikipag-isa sa mga salita (kautusan) ng kaisaisa nating Ama na nasa langit.

Tinawag ni Juan na bautismo sa pagsisisi ng kasalanan ang gawaing nabanggit sa kapanahunan niyang iyon. Bagaman ang buong katawan at ulo ang inilubog sa tubig ay hindi nito nilinis ang kasalanan, bagkus ay ang labas ng katawan lamang. Gayon man, ito’y nagpakita ng isang napakatibay na tanda, na ang kasalanan sa pamamagitan ng pagsisisi ay nahugasan at nalinis ng mga salita ng Dios na tumimo sa puso at tumatak sa kaisipan ninoman. Bakit? Sapagka’t pinatatawad ng ating Ama ang sinoman na taos sa puso ang pagsisisi sa kaniyang kasalanan.

Huwebes, Disyembre 27, 2012

ANG LIMANG (5) AKLAT NI MOSES

Paunang salita

Hindi namin layunin na gibain ang paninindigan ng marami, ni ilagay man sa kahiyahiyang kalagayan ang aming kapuwa. Bagkus ay maglahad lamang ng mga bagay na sinasang-ayunang lubos ng mga katiwatiwalang katunayang biblikal. Hindi namin hinangad na husgahan ang sinoman, palibhasa'y ang mga salita ng Dios na isinatinig ng mga banal ang siyang humuhusga sa mga karumaldumal ng marami. Nawa'y maunawaan ng lahat na kami'y alingawngaw lamang ng mga katotohanang isinigaw at isinatitik nilang mga totoong banal na nabuhay sa malayo at malapit na kapanahunan.


Mula sa balumbon ng mga banal na kasulatan (Tanakh or Miqra) na ipinagkatiwala ng kaisaisang Dios sa mga anak ni Israel ay masusumpungan ang mga dalisay na aral pangkabanalan. Lakip nito ang mga sagradong katuruang pangkaluluwa na naglalahad ng mga pamamaraan at ilang alituntunin sa ikapagtatamo ng kaligtasan. 

Ang Miqra (Tanakh) ay binubuo ng tatlong (3) dibisyon, ang Torah na Limang [5] Aklat ni Moses, Nevi'im (prophets), at Ketuvin (writings). Ayon na rin sa kasaysayang lakip ng Torah ay talaan iyan ng personal niyang karanasan sa pakikipag-ugnayang sa Espiritu ng Dios. 


Tampok sa mga nabanggit na aklat (Tanakh) ang masiglang pagpapakilala ng lumikha sa kalagayan ng kaisaisang Dios at Ama ng lahat ng kaluluwa. Gayon din ang tungkol sa pagsasabuhay ng kaniyang mga kautusan, palatuntunan, at kahatulan. Ang lahat ng kaluluwa na sumasa katawan (tao) sa makatuwid ay may tungkulin na tumupad, o gumanap sa natatangi niyang kalooban na binabanggit dito. Madiin ang pagkawika na ang ganting-pala sa sinomang maluwalhating magtatagumpay na makaganap ay ang pagtatamo ng buhay na walang hanggan ng sariling niyang kaluluwa. Sa Limang (5) Aklat ni Moses ay iyan ang mga itinalagang pangunahing gampanin na nararapat isabuhay ng sinoman sa kalupaan.

May mga gawang ikabubuhay ng kaluluwa, at iyan ang pagtalima sa nabanggit na kalooban ng Dios. Maliwanag kung gayon, na ang pagsalungat sa mga iyan ay nangangahulugan ng pagkapahamak, o kamatayan ng kaluluwa ninoman. Hindi lamang sa mga aklat ni Moses na iyan binibigyang halaga at diin ang tungkol sa mga gawaing nabanggit, kundi pati na rin sa hindi kakaunting banal na kasulatan (Ketuvim), gayon din sa mga isinatitik na pahayag (Nevi'im) ng mga totoong banal (propeta) ng Dios.

Kaugnay nito, ang kaisaisang layuning ng mga nabanggit na kasulatang pangkabanalan ay ituro lamang sa mga tao ang husto at wastong pagtalima sa mga natatanging kalooban ng Dios (kautusan, palatuntunan, at kahatulan) Gayon nga lamang kapayak (kasimple) ang ninanais ng ating Ama sa langit na gawin ng kaniyang mga anak sa kalupaan. Sa pagsunod sa kalooban (kautusan) niya ay may ilang bagay lamang na nararapat iwaksi ang bawa’t isa. Iyan ang kasinungalingan, dilim ng kaisipan, galit at panibugho, kahinaan, katamaran, kamangmangan, na naglulunsad sa kanino mang kaluluwa sa tiyak at masaklap na kamatayan.

Sa hindi lubhang kalaunan ay lumabas ang di umano ay ika-6 hanggang ika-10 aklat ni Moises, subali’t ang maliwanag na inilahad ng mga di kilalang kasulatang iyan ay ang hayagang pagsalungat sa kalooban ng Dios na masiglang ipinakilala ng Limang (5) Aklat ni Moses.

Lunes, Disyembre 3, 2012

BIRHENG MARIA



Paunang salita
Hindi namin layunin na gibain ang paninindigan ng marami, ni ilagay man sa kahiyahiyang kalagayan ang aming kapuwa. Bagkus ay maglahad lamang ng mga bagay na sinasang-ayunang lubos ng mga katiwatiwalang katunayang biblikal. Hindi namin hinangad na husgahan ang sinoman, palibhasa'y ang mga salita ng Dios na isinatinig ng mga banal ang siyang humuhusga sa mga karumaldumal ng marami. Nawa'y maunawaan ng lahat na kami'y alingawngaw lamang ng mga katotohanang isinigaw at isinatitik nilang mga totoong banal na nabuhay sa malayo at malapit na kapanahunan.

Ang isa sa pangunahing layunin ng kababaihan ay dalhin sa kanilang sinapupunan ang binhi ng buhay alinsunod sa kalooban ng Dios. Ito’y maluwalhating kinakalinga at pinagpapala ng kaniyang kabuoan sa loob ng siyam (9) na buwan – hanggang sa ang punlang iyon ay lumaki at isilang sa maliwanag. Ang babae sa gayong kapamaraanan ng lumikha ay nagiging ganap na “ina” at ang isinilang niyang sanggol – lalake man o babae ay kikilalanin at tatawagin niyang “anak.”

Bilang babae, gaya nga rin ng birheng Maria, ayon sa kalooban ng Dios ay dinala ng kaniyang sinapupunan ang sanggol na pinangalanang Jesus. Ang batang nabanggit ay gumanap bilang isa sa pinakamahalagang tauhan ng lumipas na lubhang malayong kapanahunan. Siya ay kinilala ng marami bilang isang matapat na lingkod ng Dios (propeta). Ang iba naman ay higit pa kay sa roon ang ginawang pagkilala at pagtanggap sa kaniya, dahil sa siya’y inari nilang bugtong na anak ng Dios (Dios Anak) at Dios na totoo.