Monday, October 1, 2012

MGA CRISTO AT CRISTIANO NG LUMANG TIPAN


Ang salitang Ingles na “Messianic" ay nagmula sa titulong “Messiah” na tumutukoy sa mga tagasunod nitong “Mashiyach (מָשִׁיחַ)” ng Israel. Sila ay sumasamba kay YHVH (YEHOVAH) bilang kaisaisang Dios at Ama ng lahat ng kaluluwa, at namamalagi sa Kaniyang salita - ang Torah.

Ang katagang "Notzrim" ay makabagong salitang Hebreo na siyang tawag sa mga tagasunod ng Cristo, nguni't ito'y hindi tumutukoy sa mga Mashiyach (pinahiran) ng Torah, kundi sa Mashiyach lamang na si Jesus ng Bagong Tipan. Ang Cristianismo na ipinakilala ni Pablo sa aklat na iyan ay naging bias, o may malabis na pagkiling sa iisang Cristo lamang na si Jesus.

Alam nyo ba na noon pa mang unang panahon - libong taon pa bago isilang ang panginoong Jesucristo ay masigla ng umiiral ang kalipunan ng mga Cristiano sa kalakhang Israel at sa mga karatig na bansa nito?
Hindi nga lamang sa eksaktong katawagang gaya niyan, gayon ma’y nakalakip sa puso at isipan nila ang masiglang pagsasabuhay ng katuruang Cristo (messianic teaching). Ito’y dahil sa ang bibig ng sinomang naging Cristong Hari, at Propetang Cristo ay dinadaluyan ng mga salita ng Dios (evangelio ng kaharian). Ang sinomang sa katuwiran ng kanilang mga salita ay tumalima at magsabuhay – ang tao ngang iyon ay walang alinlangan na nabibilang sa banal na kalipunan ng mga tunay at lehitimong  Masyano ng Dios (Cristiano ng Dios).

Sa balumbon ng mga banal na kasulatan ay Bagong Tipan ng Bibliya lamang ang paulit-ulit na bumanggit ng salitang Griego na “Cristo.” Ang kahulugan nito ay “pinahiran,” na kung lilinawin ay isang tao na kinilalang lubos ng Dios sa larangan ng tunay na kabanalan. Sa aklat ding iyan, sa kalakhang bahagi ng Lumang Tipan ay nauna ng tinawag na “pinahiran” ang marami na lumapat sa ganyang kasagradong kalagayan. Gayon ngang hindi maikakaila, na sa kabuoan ng aklat ay hindi kakaunti ang nagkaroon ng mabuting palad na mapahiran nitong langis ng kabanalan.

Sa lahat ng mga panahong pinagdaanan ng mga Hebreo sa sarili nilang kasaysayan ay tinawag nilang Mashiyach (מָשִׁיחַ) ang mga piling tao na hinirang ng Dios, na dumaan sa gayong kahalagang rituwal pangkabanalan. Gaya ng ilan na sinasabi,



SAUL (propeta Samuel)
1SA 10 :
1  Nang magkagayo'y KINUHA NI SAMUEL ANG SISIDLAN NG LANGIS, AT IBINUHOS SA ULO NIYA, at hinagkan niya siya, at sinabi, Hindi ba ang Panginoon ang nagpahid sa iyo ng langis upang maging prinsipe ka sa kaniyang mana?






DAVID (propeta Samuel)
1SA 16 :
13  Nang magkagayo'y KINUHA NI SAMUEL ANG SUNGAY NG LANGIS, at PINAHIRAN siya sa gitna ng kaniyang mga kapatid: at ANG ESPIRITU NG PANGINOON AY MAKAPANGYARIHANG SUMA KAY DAVID MULA SA ARAW NA YAON HANGGANG SA HAHARAPIN. Gayon bumangon si Samuel at napasa Rama.





SOLOMON (propeta Nathan at saserdoteng si Sadoc)
1KI 1 :
34  At PAHIRAN siya ng langis doon ni Sadoc na saserdote at ni Nathan na propeta na maging hari sa Israel: at kayo'y magsihihip ng pakakak, at magsipagsabi, Mabuhay ang haring si Salomon.

ROBOAM na anak ni Solomon ay naghari sa Juda (Jerusalem). (propeta Ahias)
1KI 11 :
43  At natulog si Salomon na kasama ng kaniyang mga magulang, at nalibing sa bayan ni David na kaniyang ama: at si Roboam, na kaniyang anak ay NAGHARI na kahalili niya,

JEROBOAM na naghari sa sampung (10) lipi bilang hari ng Israel. (propeta Ahias)
1KI 11 :
37  At kukunin kita, at ikaw ay MAGHAHARI ayon sa buong ninanasa ng iyong kaluluwa, at magiging hari ka sa Israel.

(Naghari si Roboam na anak ni Solomon sa lipi lamang ng Juda, Samantalang si Jeroboam na lingkod ni Solomon ay naghari sa sampung (10) lipi ng Israel. Ang dalawang hari ay magkasabay na naghari sa iisang yugto ng panahon.)

Sila Abijah, Asa, Jehoshaphat, Jehoram, Ahaziah, Athaliah, Joash, Amaziah, Azariah, Jotham, Ahaz, at Hezekiah ang sa kasaysayan ay mga nangagsisunod na mga hari ng Israel.

Kahi man ang mga sumunod na hari ng Juda at Israel ay hindi na binanggit pa, na bago maging hari ay pinahiran ng langis. Gayon ma’y binibigyang diin ng kasaysayan, na sa iba’t ibang panahon - ang Dios ay nagsalita at gumawa sa pamamagitan ng mga hinirang niyang propeta. Ang pagpapahid ng langis na rituwal pangkabanalan ng Dios, kung gayo’y walang alinlangang tinamo rin ng mga hari na nangagsisunod kay Saul, David, at Solomon.

Silang lahat ay hinirang ng Dios bilang Mashiyach (מָשִׁיחַ), na ang kahulugan ay Mesias, at kung lilinawin pa ay Cristo sa makabagong katawagan. Sa makatuwid - ang lahat ng mga naging hari ng Juda at Israel ay kinilala ng labingdalawang (12) lipi nito sa gayong kabanal na kalagayan.

Gayon din itong si Ciro (Cyrus) na hari ng Persia ay “pinahiran ng Dios” , at gaya ng nasusulat ay mariin niyang sinabi,

ISA 45 :
1  Ganito ang sabi ng Panginoon sa kaniyang PINAHIRAN NG LANGIS, kay CIRO, na ang kanang kamay ay aking hinawakan, upang magpasuko ng mga bansa sa harap niya; at aking kakalagan ang mga balakang ng mga hari; upang magbukas ng mga pintuan sa unahan niya, at ang mga pintuang-bayan ay hindi masasarhan;

Ito ngang si Ciro (Cyrus) - ang hari na kahi man hindi kabilang sa labingdalawang (12) lipi ng Israel ay naging tagapagligtas ng mga Judio. Siya sa kapanahunang iyon ang “pinahiran,” - Mesias, o Cristo ng Dios na kinasangkapan ng Ama sa layunin ng pagliligtas at pagpapalaya sa buong sangbahayan ni Israel mula sa pagka-alipin ng Babilonia. Ito ngang si Ciro ay ang Cristo (Mesias) na nagligtas ng buong sangbahayan ni Israel sa kapanahunan niyang iyon.

Ang Mesias, Cristo ng Dios na hari, kung lalapatan ng pinakatugmang katawagan ay hindi na nga lalayo pa sa “CRISTONG HARI.” Maliwanag nga kung gayon, na ang lahat ng mga naging hari ng Juda at ng Israel, sa nakaraan lubhang malayong kapanahunan ay tinatawag ng gayon.

Sa kabilang dako, ang mga lalake ng Dios (propeta ng Dios) ay pinatotohanan din ng kasaysayan na “pinahiran.” Sila din naman ay mga hinirang na kasangkapan ng Ama, sa layunin nitong paratingin sa mga anak ng pagsunod (tupa) ang Kaniyang mga salita (evangelio ng kaharian) at ang makapangyarihan Niyang mga gawa – sa hangaring sila’y ganap na mangakaiwas at makatakas sa karumaldumal ng sanglibutan.

Ang ilan sa kanila ay gaya ng nasusulat, na sinasabi,

Si propeta Isaias ay pinahiran ng Dios,

ISA 61 :
1  ANG ESPIRITU NG PANGINOONG DIOS AY SUMASA AKIN; SAPAGKA'T PINAHIRAN AKO NG PANGINOON upang ipangaral ang mabubuting balita sa mga maamo; kaniyang sinugo ako upang magpagaling ng mga bagbag na puso, upang magtanyag ng kalayaan sa mga bihag, at magbukas ng bilangguan sa nangabibilanggo;

Kay Moses ay sinabi ng Panginoong Dios,

EXO 4 :
12  Ngayon nga’y yumaon ka, at AKO’Y SASAIYONG BIBIG, AT ITUTURO KO SA IYO KUNG ANO ANG IYONG SASALITAIN.

Kay propeta Jeremias, ay sinalita ng Panginoong Dios,

JER 1 :
9  Nang magkagayo’y iniunat ng Panginoon ang kaniyang kamay, at hinipo ang aking bibig; at sinabi sa akin ng Panginoon, Narito, INILALAGAY KO ANG AKING MGA SALITA SA IYONG BIBIG.

Gayon din kay propeta Ezekiel ay sinabi,

EZE 2 :
1  At sinabi niya sa akin, ANAK NG TAO, tumayo ka ng iyong mga paa, at ako’y makikipagsalitaan sa iyo.

2 At ANG ESPIRITU AY SUMA AKIN nang siya’y magsalita sa akin, at itinayo ako sa aking mga paa; at aking narinig siya na nagsasalita sa akin.

Ang mga propeta din naman ay natatayo sa kalagayan ng isang Mashiyach (מָשִׁיחַ) - Mesias na ang ibig sabihin sa tuwiran ay Cristo. Sila nga ay mga Mesias ng Dios, o Cristo ng Dios, na sila ay hindi na rin lalayo pa sa katawagang “Cristong Propeta, Propetang Cristo, o Propetang Masyak ”

Iyan ang napakaliwanag na katotohanang binibigyang diin ng mga sina-unang balumbon (Masoretic Texts) ng mga banal na kasulatan, na sa ngayo’y mababasa sa ilang katiwatiwalang salin ng Pentateuch, o Tanakh – mga kasulatan na sa ngayo’y tinatawag na Lumang Tipan ng Bibliya. Ang isang tanyag at katiwatiwalang salin nito ay ang Hebrew concordance ng King Jame’s Version (KJV).

Ang panginoon nating si Jesucristo ay nahahanay sa kalipunan ng mga propetang Cristo, at ang titulong iyan ay lubos na pinatototohanan ng mga matatandang kasulatan (MasoreticTexts). Dahil dito, ang pagkakilala sa kaniya ng marami bilang isang Cristong Hari ay napakaliwanag na hindi kailan man sinang-ayunan ng katotohanan na inihahayag ng kasaysayang nasusulat. Sapagka’t dito ay walang anomang binanggit na ang taong ito ay naghari sa alin mang lipi ng Israel. Nguni’t sa pagiging isang propeta ay malugod nila siyang kinilala, na sinasabi,

MATEO 13 :
54  At pagdating sa kaniyang sariling lupain (Nazaret), ay kaniyang tinuruan sila sa kanilang sinagoga, ano pa’t sila’y nangagtaka, at nangagsabi, Saan kumuha ang TAONG ITO ng ganitong karunungan, at ng ganitong mga makapangyarihang gawa?

57  At SIYA’Y KINATISURAN NILA. Datapuwa’t sinabi sa kanila ni Jesus, Walang PROPETA na di may kapurihan, liban, sa kaniyang sariling lupain, at sa kaniyang sariling bahay.

Mateo 21 :
11  At sinabi ng mga karamihan, Ito’y ang propeta, Jesus, na taga Nazaret ng Galilea.
           
Mateo 21 :
46  At nang sila’y nagsisihanap ng paraang siya’y mahuli, ay nangatakot sila sa karamihan, sapagka’t ipinalalagay nito na siya’y propeta.

Juan 6 :
14  Kaya nang makita ng mga tao ang tandang ginawa niya, ay kanilang sinabi, Totoong ito nga ang propeta na paririto sa sanglibutan.

Juan 7 :
40  Ang ilan nga sa karamihan, nang marinig ang mga salitang ito, ay nangagsabi, Tunay na ito ang propeta.

Maliwanag ngang binibigyang diin ng kasulatan, na itong si Jesus ay hindi lamang sa kalagayan ng isang Cristo (Mesias o Masyak) nararapat kilalanin, kundi sa pagiging isang propeta din naman. Siya ay tanyag sa matuwid na pangangaral ng mga salita (evangelio ng kaharian) ng Dios. Kaya naman sa kaurian ng natatangi niyang layunin ay matuwid na tawagin siyang “propetang Cristo.”  Na kung liliwanagin ng husto ay “propetang pinahiran,” o kaya nama’y “pinahirang propeta, mesias na propeta”

Katotohanan din na matuwid mapag-unawa ng lahat na ang tinatawag na “katuruang Cristo” (mesianic teaching) ay mga siniping aral pangkabanalan na sinalita at isinatitik ng mga propeta ng lumang tipan ng bibliya. Sa aklat na ito ay Masyanismo (Cristianismo) sa makatuwid ang kaisaisang aral pangkabanalan na masusumpungan ng lahat.

Kaugnay nito ay nalalaman natin na ang mga propeta ay “pinahiran” ng langis ng kabanalan at kasunod nito’y suma kanilang kalooban at kabuoan ang Espiritu ng Dios. Nang magkagayo’y hindi na nga sila ang nagsasalita at gumagawa, kundi ang nabanggit na Espiritu na nga lamang. Sa makatuwid ay pawang mga salita ng Dios ang nangagsisilabas na mga pangungusap sa kanilang bibig, at mga gawa din ng Dios ang nasaksihan sa kanilang himala at makapangyarihang mga gawa.
Ganiyan din ang eksaktong nakita ng mga tao mula kay Jesus, dahil sa siya rin naman ay gaya ng mga propeta na “pinahiran.” Silang lahat ay napakaliwanag na mga Cristo ng Dios (Masyak ng Dios) sa layunin ng pagiging propeta.

Ang sinomang magsabuhay ng mga katuruang pangkabanalan (messianic teaching) na isinatitik at isinatinig nila propeta Isaias, propeta Jeremias, propeta Ezekiel, propeta Jesus at ang marami pang iba na kagaya nila – siya nga’y isang tunay at lihitimong Cristiano (Masyano). Bakit? Sapagka’t ang sinusunod niyang aral pangkabanalan ay turo mismo ng bibig ng Cristo. Iyan ang sa katotohanan ay dalisay na Cristianismo (Masyanismo) sa orihinal nitong anyo. Gayon man, sa paglipas ng mga panahon ay pinangahasan ng mga Romano (Gentil) na ito’y iwangis sa mga kasuklamsuklam na kaugalian ng mga karumaldumal na pagano. Nakakalungkot lang isipin, na sa ngayo’y lulong at may pagkahumaling ang lubhang malaking bilang ng mga tao sa huwad na Cristianismo (Masyanismo) ng mga paganong Romano.

Ang mga naging Cristo (Masyak) ay totoong marami - kabilang sa kanila itong si Jesus at iyan ang katotohanan na nararapat maunawaan at matuwid na tanggapin ng lahat. Ang dalisay na Cristianismo (Masyanismo) (evangelio ng kaharian) ng mga tunay na propeta ng Dios ay hindi kailan man naka-anyo, ni naging nakawangis man nitong sariling likhang Cristianismo ng taong si Pablo (evangelio ng di pagtutuli). Iyan ay mga paganong aral na may lakip na pamumusong sa Dios, at hayagang pagpapawalang kabuluhan at may deretsahang paghihimagisik sa katuruang Cristo (messianic teaching). Kaya sa tanggapin nyo man o hindi – ang sinomang tumatangkilik at nagsasabuhay ng katuruang pangrelihiyon na nilalaman ng Cristianismo ni Pablo (Paulinian Christianity) ay katotohanan at walang alinlangan na lumalapat sa karumaldumal na kalagayan ng mga huwad na Cristiano ng Dios.

Ang sinomang may masigla at may lugod sa puso na pagsasabuhay ng mga katuruang Cristo (katuruang Mesias [Masyak]) ay totoong lumalapat sa banal na kalagayan ng isang "Cristiano ng Dios (Masyano ng Dios)."

Kahi man hindi katuruang Cristo ang tinatangkilik ng maraming mangangaral sa ngayon ay nangagpapakilala pa rin sila na mga Cristiano. Ang mga taong iyan ay totoong magdaraya at sa katotohana'y sila ang mga huwad na Cristiano. Matatamis at mabubulaklak ang mga salita na nangagsisilabas mula sa kanilang bibig. Ang masusing pag-iingat sa pag-iwas sa kanila ay nasa inyo.

Hanggang sa muli, paalam.

Continue reading: CRISTIANO NG DIOS (Click hee)


2 comments:

  1. Jhe,
    Paumanhin kung hindi namin paunlakang ilathala ang iyong comment. Dahil sa ito'y hindi tumutugon sa mayor na paksa ng artikulo. Gayon ma'y iminumungkahi namin na basahin mo ang content ng mga sumusunod na link :

    http://www.kamalayangyohvshva.blogspot.com/2012/07/jesucristo-dios-ba-o-tao-part-1-of-2.html
    http://kamalayangyohvshva.blogspot.com/2012/07/jesucristo-dios-ba-o-tao-part-2-of-2.html

    Diyan ka mag-comment kung ito nga bang si Jesus ayon sa katunayang biblikal na hawak mo ay tao o Dios.

    Lubos na gumagalang,
    Yohvshva bar Yusuf
    Patunugot
    Rayos ng liwanag

    ReplyDelete
  2. Sa lahat ng mga nagpadala ng anonymous comment. Ang ipina-publish lamang po namin sa ngayon ay yung naglalahad ng kanilang NAME/URL, gayon ma'y pinadadaan pa rin po namin ang lahat ng comment sa moderation process. Paumanhin po.

    Yohvshva bar Yusuf
    Patnugot
    Rayos ng Liwanag

    ReplyDelete