Tuesday, May 1, 2012

AMBAGAN SA MGA BANAL


Narito, at ayon sa panig ng mga Gentil ay mahigpit na pinaiiral ang ambagan sa mga banal. Gayon ma'y nagtutumibay ang katiwatiwalang katunayang biblikal, na nagbibigay diin sa pagsasabuhay nitong ikapu (10 %). Ito'y hindi isang kaugalian lamang, o nag-ugat mula sa sali't saling sabi ng mga tao. Bagkus ay isa sa palatuntunan na nabibilang sa mga minor na kautusan ng Dios, na sinasabi,  

MAL 3 :
8  NANANAKAWAN BAGA NG TAO ANG DIOS? Gayon ma’y ninanakawan ninyo ako. Nguni’t inyong sinasabi, Sa ano ka namin ninakawan? Sa mga IKASAMPUNG BAHAGI at sa mga handog.

9  Kayo’y nangagsumpa ng sumpa sapagka’t inyo akong ninakawan, sa makatuwid baga’y nitong boong bansa.

10  Dalhin ninyo ang boong IKASAMPUNG BAHAGI sa kamalig, upang magkaroon ng pagkain sa aking bahay, at subukin ninyo ako ngayon sa bagay na ito, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, kung hindi ko bubuksan sa inyo ang mga dungawan sa langit, at ihuhulog ko sa inyo ang ISANG PAGPAPALA, na walang sapat na silid na kalalagyan.

Datapuwa’t ang pinairal na paraan nitong si Pablo ay taliwas sa itinadhana ng Dios sa kaniyang mga anak sa kalupaan. Ang ikapu ay nagtatalaga ng ikasampung bahagi (10 %) sa anomang tinatangkilik ng sinoman na ipagkaloob sa mga hinirang niyang manggagawa. Mula sa katuwiran ng Dios ay nalalaman niyang may kasapatan ito upang tugunan ang lahat ng maaaring maging pangangailangan nila na mga lingkod niya. 
Ano pa’t ang siyamnapung bahagi (90 %) ay maluwag namang matutugunan ang maraming pangangailangan ng sinoman sa kalupaan. Na kung uunawaing mabuti ang usaping ito’y napakaliwanag na ito’y paraang ibinigay ng Dios sa mga tao sa ikagaganap ng walang patid na kasagaaan ng buhay dito sa kalupaan, gaya nga ng nasusulat sa mga talatang nasa itaas.

Ano nga ang inyong sasabihin sa mga tao na ang ginawa ay ang hidwang paraan sa partikular na kautusang ito na tumutukoy sa uri ng pamumuhay na umaayon sa kalooban ng Dios? Hindi baga maituturing na sila’y mga pusakal na tulisan, na palagiang ninanakawan ng mga bagay ang kanilang Ama? 

Ang paraan nga nila sa karumaldumal na gawaing ito’y malumanay, dahil mula sa puso na tila baga may hatid na kabanalan. Datapuwa’t ang pagnanakaw, sa malumanay man o maging sa marahas na paraan ay magkatulad na katampalasanan sa Dios.

1 COR 16 :
1  Ngayon, tungkol sa AMBAGAN SA MGA BANAL, ay gawin din naman ninyong gaya ng iniutos ko sa mga iglesia ng Galacia.
2 Tuwing unang araw ng sanglinggo ang bawa’t isa sa inyo ay magbukod na magsimpan, ayon sa kaniyang iginiginhawa, upang huwag nang gumawa ng mga ambagan sa pagpariyan ko.

2 COR 9 :
7  MAGBIGAY ANG BAWA’T ISA AYON SA IPINASIYA NG KANIYANG PUSO: huwag mabigat sa loob, o dahil sa kailangan: sapagka’t iniibig ng Dios ang nagbibigay na masaya. (JER 17:9-10).


JER 17 :

9  Ang puso ay MAGDARAYA NG HIGIT KAY SA LAHAT NA BAGAY, at TOTOONG MASAMA: sinong makaaalam?



Tungkol sa usaping ito’y hindi maikakaila ng lahat na ang kaisipan ay ginawa ng Dios na lalong mataas kay sa puso ng sinoman. Ano pa’t ang katuwiran ng Dios ay namamalagi sa kaisipan, na idinidikta nito sa lahat ng mga bahagi na nakakababa sa kaniya. Palibhasa’y siya ang panginoon sa kabuoan ng katawan na nagsasabi ng matuwid at makabubuti sa kaniyang sarili.

Sa gayo’y walang taglay na sariling kaisipan ang puso, upang masabi niyang mabuti o masama ang mga nadarama niya sa kaniyang sarili. Kaya’t sa kawalang katuwiran ng kaisipan ay nagiging masama at totoong naging magdaraya ang puso ng sinoman. 

Dahil dito ay kahangalan at kahibangang maituturing, kung ang pagpapasiya sa mga bagay ay isasalalay sa nadarama ng masamang puso. Sa madaling salita ay matatalastas na taglay ng sinoman ang kamangmangan ng kaisipan, kung sa kaniyang kabuoan ay may pangyayari ang mga bagay na dumaan sa pagpapasiya ng damdamin.

Kaya nga isa kang taong matalino sa paningin ng iyong Ama na nasa langit, kung sa kabuoan mo’y umiiral ang kaniyang katuwiran, at hindi ang nadarama ng iyong puso. Datapuwa’t mangmang ka at hangal sa kaniyang paningin, kung hahayan mong pilipitin ng iyong damdamin ang katuwiran ng kaisaisang Dios na iyong Ama.

Gaya ng pagpapairal ng ikapu na katuwiran ng Ama at kautusan na nararapat isabuhay ng lahat niyang mga anak sa kalupaan. Na pinilipit nitong ambagan ng mga hangal, na ang pamantayan sa pagbibigay ng abuloy ay alinsunod sa ipinasiya ng masama at magdarayang puso. Sa gayo’y pinalabas ng mga hangal na naghihikahos sa lahat ng mga bagay ang mga manggagawa ng Dios, kaya’t nangangailangan sila ng abuloy na mula sa ipinasiya ng masama at magdarayang puso ng mga tao.

Datapuwa’t sa paraan ng ikapu ay hindi kailangang humingi ng ambag sa sinoman ang mangagawa ng Dios, sapagka’t sa paraang yaon ay nalalaman ng ating Ama na yao’y sasapat sa lahat nilang pangangailangan. 

Ano pa’t ang kaukulang abuloy sa mga dukha at sa mga balo ay nagmumula sa kanila, at hindi sa lukbutan ng mga tao. Sa gayo’y hindi pulubi ang mga mangagawa ng Dios upang magsihingi ng abuloy, at lalo ng sila’y hindi patay gutom upang ang kaunting halaga na hawak ng mga dukha ay agawin pa nila sa kanilang mga palad.

Sa gayo’y hindi nga kailan man naging ambagan ng mga banal ang katuruang isinulong ni Pablo sa mga Gentil, kundi ambagan ng mga hangal. Sapagka’t ang pamantayan sa gawaing yaon ay alinsunod sa masama at magdarayang puso, na dinaig ang kaisipang ayaw tumanggap sa katuwiran ng Ama niyang nasa langit.

Kaugnay nito, sa kabanata 8 ng pangalawang (2) sulat ni Pablo sa mga taga Corinto (2 Cor 8) ay tampok ang usaping may ganap na kinalaman sa tinatawag niyang ambagan ng mga banal. Bagay na kailan ma’y hindi sinangayunan nitong katuwiran ng ating Ama na nasa langit.

Sa ibang dako, ang kabanatang nabanggit ay labis na kinagigiliwang basahin ng mga mangangaral na nabibilang sa iba’t ibang denominasyon ng Cristianismo ni Pablo. Nasasaad dito ang pagpapakababang loob at paggamit ng mga salita ng Dios, upang ang lahat ay mahikayat na mag-abuloy para sa ikalalawak at ikasasagana ng nabanggit na iglesia.



Literal nilang tiningnan ang kahulugan ng salitang dukha at mapagkailangan. Kaya’t sa pagpapasiya ng puso ay kinakailangan silang tulungan sa ikatatawid gutom ng kanilang katawan, sa pamamagitan ng abuloy na mula sa pagpapasiya ng puso.

Nang isugo nitong Espiritu ng Dios na nasa kalooban ni Jesus ang labingdalawa (12) apostol ay hindi kailan man iniutos sa kanila na magdala ng ginto at pilak sa kani-kanilang mga supot, ni hindi sila binilinan na ipahiwatig kanino man ang mga bagay na tumutukoy sa abuluyan. 

Sapagka’t ito’y labag sa layunin ng pagkasugo sa kanila, at kung kaya sila’y isinugo ay may malawakang nagaganap na pagkagutom sa mga kaluluwa ng sangbahayan ni Israel. At ng dahil sa taglay na ng mga tunay na apostol ang makakain at ikabubuhay ng kaluluwa, ay inutusan silang pakainin ang mga tupang nangaliligaw sa mga lugaring pinaparoonan sa kanila nitong Espiritu ng Dios na namamahay sa kalooban ni Jesus. 

Nalalaman ng mga tunay na apostol ang kanilang layunin, kung kaya sila’y walang alinlangan na nangagsisunod sa utos na walang labis at walang kulang. Kaya’t ayon sa salita’y pinakain nila ang mga kaluluwang nangangailangan ng ikabubuhay sa pamamagitan ng mga salita ng Dios (evangelio ng kaharian) na sa kalooban nila ay namamahay.

Ang tulong pinansiyal sa mga dukha ayon sa matuwid ng tao ay kailangang-kailangan, subali’t sa matuwid ng Dios ay hindi, kung sila naman ay hindi nagsisihingi ng tulong. Kung kaya nga sinabi na ang tumutuktok ay pinagbubuksan at ang humihingi ay binibigyan. 

Dukha man kung hindi hihingi ng tulong sa Dios ay hindi kailan man tutulungan ng Dios. Gayon pa man, kung ang isang dukha ay sa larawang inanyuan (rebulto) ng mga kamay humihingi ay hindi rin kakamtin ang tulong, sapagka’t ang dinadalanginan nila ay hindi tunay na Dios, kundi larawan lamang  na may anyo nitong kahangalan at kahibangan ng mga mangmang.

Silang mga lingkod ng Dios ayon sa kasulatan ng mga banal ay nagpapakain ng mga nangagugutom na kaluluwa na siyang kaaliwan sa kanila. Sapagka’t sa mga nangagugutom na kaluluwa’y sumasa kanilang buhay ang pighati at hapis. 

Ano pa’t sa pagdating ng mga isinugo ng Dios ay pinapahiran ang luha sa kanilang mga mata, at sila’y inaaliw sa pamamagitan ng mga dalisay at sakdal na mga salita ng Dios na nagsisilabas sa kanikanilang bibig.

Ito nga ay isang padron o tularan na mapapagkilanlan ng isang tunay na lingkod o mangangaral ng Dios. Ang daladala niya ay pawang mga salita ng Dios at siya’y hindi nanghihingi ng anoman sa mga nagsisikain ng kaniyang salita, sapagka’t ang isang manggagawa ng Dios ay karapatdapat sa kaniyang makakain sa pamamagitan ng Dios, at hindi sa pamamagitan ng abuluyan sa mga hangal.

Ang layunin ng isang sugo ng Dios at ang buod nito’y hindi nauunawaan ng mga bulaang mangangaral. Bagkus ay ayon lamang sa sarili nilang nadarama ang sinusunod ng kanikanilang isipan. Tulad ito ni Pablo na nabubuhay at nagpapasasa sa pinagpawisan ng iba, na bunga ng pagsasangkalan o paggamit sa mga salita ng Dios na nangagsilabas mula sa bibig ng mga tunay na banal.

Ang taong may pangamba sa darating na bukas at may pagsasaalang-alang sa kaniyang makakain at matutulugan ay hindi kumikilala sa Dios na sa kaniya’y umanyo at lumikha. Datapuwa’t ang mga anak at lingkod ng Dios ay walang gayong pangamba at pagsasaalang-alang, sapagka’t nalalaman nilang sila’y pawang mga alipin ng Dios na karapatdapat sa kanilang makakain, pananamit at matutulugan. 

Gayon din naman nilang nalalaman kung sila’y hihingi ng tinapay ay hindi ahas ang sa kanila ay ibibigay  ng kanilang Panginoong Dios. Sila’y hindi nangabubuhay at bumubuhay ng kanilang kapuwa sa pamamagitan ng abuloy, kundi sa mga salita ng Dios na lalo at higit sa lahat ay pagkain na kailangan ng bawa’t kaluluwa sa kalupaan.

Sa simula ng 2 Cor 8:1-3 ay ginawang halimbawa ni Pablo sa mga taga Corinto ang umano’y pakikiisa ng mga taga Macedonia sa gawain ng pagaabuloy sa mga banal. Ano pa’t sa malabis na karukhaan sa buhay ay nagawa pa nilang pasaganain sa kanilang sarili ang kagandahang loob, na nagtulak sa kanila upang magabuloy ng higit sa kanilang makakaya.

Hinggil sa usaping ito’y nalalaman natin na ang bawa’t sentimo ay lubhang mahalaga sa kalagayan ng isang totoong nagdarahop sa kaniyang buhay. Kaya’t hindi maikakaila na sa kanila’y kapos ang lahat ng mga bagay at ang mga yao’y hindi kailan man lumabis. Sa gayo’y wala silang anomang kayang iabuloy, palibhasa’y hindi sapat maging ang pagkain na iniuukol nila sa kanilang sikmura.

Gayon ma’y sinabi, na silang malabis sa kahirapan ay nagbigay ng higit sa kaniyang makakaya. O baka naman sila na malabis sa karukhaan ay nahikayat ng iglesia ni Pablo na ibigay maging ang isusubong makakain sa kanilang bibig. Bagay na hindi kailan man dinanas ng mga anak na nagsisitalima (anak ng pagsunod) sa tanging kalooban ng sarili nilang Ama na nasa langit.

Gaya nga ng nauna na naming paglilinaw sa usapin ng pagaabuloy ay hindi kailan man naging dukha o pulubi sa paningin ng Dios ang kaniyang mga mangagawa, upang tapunan ng abuloy ng mga tao. Bagkus ang lahat ay may tungkuling ibigay sa kanila ang ikapu (10%) sa lahat ng kanilang tinatangkilik. 

Ano pa’t sa paraang ito ng Dios ay gumiginhawa ang lahat, samantalang sa paraan ng abuluyan ng mga hangal ay dumadami ang mga dukha at pulubi, sa gayo’y naguumapaw na lagi ang kabang yaman ng simbahang Gentil (iba’t ibang denominasyon ng iglesia ni Pablo).

Ano pa’t sa 2 Cor 8:4-5 ay ipinamanhikan umano sa pangkat ni Pablo ng mga taga Macedonia, na sila ang mangasiwa sa pangangalap at pamamahagi ng abuloy sa mga banal. Sapagka’t naibigay na anila kay Jesucristo at sa pangkat ni Pablo ang kanilang sarili, at yaon ayon sa kanila’y sa pamamagitan ng Dios.

Sa makatuwid kung gayo’y maliwanag na ipinahihiwatig ng taong ito, na ang mga taga Macedonia ay tuluyan na niyang napaniwala sa buong nilalaman ng likha niyang evangelio ng di pagtutuli. Sapagka’t imbis na paraan ng ikapu (10%) ang kaniyang isulong ay abuluyan ng mga hangal ang katuruan na binigyan niya ng diin sa kanila.

Dito nga ay napakaliwanag na isinasangkalan ni Pablo sa mga tao ang mga tunay na banal ng Dios, upang siya’y makapanghingi ng salapi sa kanila. Ang masakit pa nito ay pinalabas niyang dukha at pulubi ang sinomang natitindig sa kalagayan ng isang totoong banal. Kaya’t gaya ng isang pulubi ay kailangang siya’y tapunan ng abuloy, upang sa pamamagitan nito’y makaganap sa umano’y dakila niyang layunin sa ikabubuti ng maraming kaluluwa.

Subali’t yao’y hindi sinasang-ayunan ng katotohanan, sapagka’t kailan man ay walang gayong katuruan na isinulong si Jesus tungkol sa ambagan o abuluyan ng mga hangal, bagkus ay kaniyang sinabi,

MATEO 19 :
17  At sinabi niya sa kaniya, Bakit mo itinatanong sa akin ang tungkol sa mabuti? May isa, na siyang mabuti: datapuwa’t KUNG IBIG MONG PUMASOK SA BUHAY, ingatan mo ang mga UTOS.

MATEO 22 :
21  ... Kaya’t ibigay ninyo kay Cesar ang sa kay Cesar, at sa Dios ang sa Dios.

Sa gayo’y napakaliwanag na ang kay Cesar o sa pamahalaan ay ang kaukulang buwis ayon sa itinakda ng batas panglupa. Ang materiyang ukol sa mga mangagawa ng Dios ay ang ikapu (10%) na lumalayong sila‘y tustusan niyaon sa pang-araw-araw na pangangailangan. Kaya’t maliwanag na ang bagay na ukol sa pamahalaan ay ang buwis, samantalang ang ikapu (10%) ay materiyang ukol sa mga banal, na sa pamamagitan nila’y gumagawa ng kaniyang mga gawa ang Espsiritu ng Dios. Ang abuluyan sa mga banal na minamatuwid nitong si Pablo ay maipasisiyang hindi kailan man sinang-ayunan ng katotohanan, saan man at kailan man.

Sa pagtatapos ng usaping ito ay narito ang isang tanong. Saan matatagpuan sa panahong ito ang kalipunan ng mga mangagawa ng Dios na karapatdapat pagkalooban ng ikapu? Halos lahat nga'y nagagapos ng tanikala ng likhang doktrinang pangrelihiyon (evangelio ng di pagtutuli) nitong si Pablo, na siyang mahigpit na nagpapatupad ng abuluyan sa mga hangal.

Katotohanan sa kapanahunan nating ito na ang karapatdapat pagkalooban ng ikapu (10%) ay ang kalipunan na masiglang nangangaral at nagsasabuhay ng mga salita (evangelio ng kaharian) na nangagsilabas mula sa bibig ni Jesus. Evangelio ng kaharian kung gayon ang aral pangkabanalan na sinasang-ayunang lubos ng katotohanan at yao'y masusumpungan lamang sa aklat ni Mateo at Juan. Saan man at kailan man, ang katotohanan at katuwiran ng kaisaisang Dios ay hindi nasumpungan sa evangelio ng di pagtutuli.

2 comments:

  1. Para sa aking sariling pananaw ang inyo pong pagkakalathala sa blog na ito ay detalyado with supporting verses .hangad ko po na marami ang makabasa nito lalo napo ang ibat ibang founder ng religion .Lagi ko pong inaabangan ang mga latest ninyung issue.salamat po YOHVSHVA BAR YUSUF.

    ReplyDelete
  2. Sa lahat ng mga nagpadala ng anonymous comment. Ang ipina-publish lamang po namin sa ngayon ay yung naglalahad ng kanilang NAME/URL, gayon ma'y pinadadaan pa rin po namin ang lahat ng comment sa moderation process. Paumanhin po.

    Yohvshva bar Yusuf
    Patnugot
    Rayos ng Liwanag

    ReplyDelete