Sabado, Hulyo 2, 2016

KATURUANG CRISTO: ANYO NG KATOTOHANAN

AYON SA ABOT-SABI NG BANAL NA ESPIRITU.

Mula pa sa panahon ng lubhang malayong nakaraan at hanggang sa kasalukuyan nating henerayon ay isa pa ring napakalaking usapin sa maraming tao ng sanglibutan ang eksaktong biblikal na kahulugan ng salitang,
“katotohanan.” Gayon man, kung ang mga sinulat ng mga tunay na apostol ng Cristo ang siyang bibigyan ng kaukulang higit na pag-susuri at pag-aaral, ay hindi mahirap mapag-unawa ng may kaganapan ang tila baga walang katapusan na paksang iyan.

Hinggil diyan, ang marami ay may kani-kaniyang pagpapahayag ng mga opinyon, na ayon lamang sa minamabuti at hinahaka nilang tama. Ang mga iyon ay batay lamang sa iba’t ibang antas ng karunungan na naabot ng sinoman sa kalupaang ito. Subali’t ang mga iyon ay hindi kailan man sinang-ayunan ng katuwirang sumasa Dios, na direktang ipinangaral ng mga tunay na banal (apostol) sa iba’t ibang nangagsilipas na kapanahunan, ni malayo man o malapit. Hanggang sa ngayon nga sa panahon nating ito ay tila walang ipinagbago ang napakababaw na unawa at pakahulugan ng marami sa nabanggit na salita (katotohanan).

Bunsod niyan ay masiglang pasiya ng katuwiran na tanglawan ng kaukulang ilaw ang usaping iyan, upang mula sa hustong liwanag nito ay masaksihan ng may ganap na linaw ang dako, na kung saan ay masusumpungan ang payak na kahulugang biblikal ng salitang iyan.

Mula sa evangelio ng ating mga saksing totoo sa buhay nitong Cristo ng Nazaret, ay itutuon natin ang mga rayos ng liwanag sa mga bahagi ng usapin na nakakanlungan ng malalabong unawa, na siyang nagpapanatili ng pilipit na pangangatuwiran ng higit na nakakarami.

Hinggil sa katotohanan, gaya ng napakaliwanag na nasusulat ay madiing winika nitong banal na Espiritu mula sa sariling bibig ng Cristo.

Biyernes, Hunyo 17, 2016

KAWAN NG DIOS

Mula sa madamong salansan ng mga burol sa kaparangan, gayon din sa kapatagan ng pastulan ay karaniwan ng masusumpungan ang pulutong ng iba’t ibang uri ng domestikado at maiilap na hayop. Kadalasan ang mga tupa, kambing, baka at iba pa ay ginagabayan ng tagapag-alaga, na kung tawagin ay pastol. Kawan ang tawag niya sa kabuoang bilang ng kaniyang mga alagang hayop at sila’y kaniyang binabantayan at inaaruga araw at gabi.

Ang pastol ay ginugugol ang buo niyang panahon sa pag-aalaga at pagtataguyod ng kaniyang kawan. Nakikita ng matatalas niyang mga mata ang anomang akma, o banta ng kapahamakan sa tinatangkilik niyang kawan. Kaagad ay naitataboy niya ang mga umaali-aligid na mga maninila at mula sa pagkatakot ay madali niyang nailalagay sa kapanatagan ng kalooban ang buo niyang kawan. Nalalaman nila na mula sa pag-aaruga ng kanilang pastol, saan man at kailan man ay hindi sila maaagaw ng sinoman at ng anoman sa kaniyang mga kamay.

Lubos ang pagkakakilala ng kawan sa kaniyang pastol at sa gayo’y masigla at may galak na sila’y tumatalima sa bahagyang kumpas ng kaniyang mga kamay at nauunawaan nila ang piling salita at ilang sipol ng kaniyang bibig.  Sa madaling salita ay tumatayong ulo ang pastol, na siyang pinagmumulan ng anomang galaw ng kaniyang katawan (kawan).

Linggo, Mayo 1, 2016

ANG UNA AT PANGALAWANG KAMATAYAN

Likas sa kaugalian ng tao ang pananaliksik sa layuning maka-alam ng hindi kakaunting bagay na makapagpapa-unlad ng kaniyang kasarinlan. Dulot nito ay ang pagsibol ng masiglang kamalayan sa iba’t ibang anggulo ng buhay. Gaya halimbawa ng pagnanais na maka unawa ng katuwirang sumasa Dios, na mula sa sari-saring usapin na may kinalaman sa banal na kasulatan.

Kaugnay niyan, ang simula ng ating buhay sa munting bahaging ito ng dimensiyong materiya ay dumadaan sa dakila at presisyong proseso ng kapanganakan. Tatamasahin ng sinoman ang masaganang daloy ng buhay na nagpapaigting sa taglay niyang entidad bilang kaluluwa na sumasa katawan. Ang kasaganaan nito sa kalaunan ay nawawala sa kahustuhan at unti-unti ay napaparam, hanggang sa lisanin nito ng tuluyan ang katawang pisikal. Iyan ay tinatawag natin na kamatayan.  Ang katumbas na katawagan nito sa balumbon ng mga banal na kasulatan ay "Unang kamatayan."

Martes, Abril 19, 2016

ANG PAGKABUHAY NA MAGULI NG MGA PATAY (resurrection)

Tungkol sa usaping ito, sa 1 Cor 15:24-44 ay gayon ani Pablo sa pagkabuhay na maguli ay itinatanim (inililibing) na may kasiraan, at binubuhay na walang kasiraan. Na kung lilinawin ay namatay at inilibing na makasalanan, datapuwa't sa pagkabuhay na maguli ng mga patay sa mga huling araw (paghuhuykom) ay mabubuhay na taglay ang kabanalan.

Kung gayon sa minamatuwid ng taong ito’y maliwanag niyang sinabi, na si Jesucristo bilang isang halimbawa at padron ng katotohanan, ay namatay na makasalanan (may kasiraan), at binuhay ng Dios na puspos ng kabanalan (walang kasiraan).

Ang tao nga rin aniya’y namamatay at inililibing na may kasiphayuan, at binubuhay na may kaluwalhatian. Gayon nga ring inililibing na may kahinaan, at binubuhay na may kapangyarihan. Datapuwa’t itong si Jesus na siya nating halimbawa sa pagkabuhay mula sa mga patay ay namatay na may kasiphayuan at nabuhay na may kaluwalhatian.


Linggo, Abril 17, 2016

KATURUANG KARDEC AT KATURUANG CRISTO Part 1 of 2

PAALALA:

Layunin namin na maglahad lamang ng mga aral pangkabanalan na masaganang dumaloy mula sa bibig ng panginoong Jesucristo at ng mga tulad niyang banal ng Dios. Kailan ma’y hindi namin hinangad na atakihin, siraan, ni gibain man ang pinaninindiganang kaalaman ng sinoman. 

Gayon din namang nais naming liwanagin na wala kaming anomang laban o paghihimagsik man sa mga panulat nitong si Allan Kardec.  

Kung siya man ang hayagang sentro ng usapin sa artikulong ito ay tanda lamang iyon, na ang ilan sa mga itinuro niyang aral ay may pangangailangan ng pagtutuwid mula sa mga dalisay at dakilang aral ng Katuruang Cristo. Hinihingi namin sa pagkakataong ito ang lawak ng inyong unawa.

Hindi maikakala sa panahong ito na laganap sa buong kapuluan at sa ibayong dagat ang mga tao na tumatangkilik, naninindigan, nagtatanggol, at tumatalima sa Katuruang Kardec na may kinalaman sa espiritistmo. Ang bilang nila ay masasabing higit na marami sa ating inaakala.

Sa pagpapatuloy ng pambungad na mga salita ay unahin nga muna nating bigyan ng katanggaptanggap na depinisyon ang pangunahing salita, na kung saan ay pagtutuonan natin ngayon ng kaukulang paglilinaw. Ito ay ang salitang “Espiritismo.” Palibhasa’y Katuruang Kardec ang talakayin sa akdang ito ay bayaan nating siya sa sarili niyang pananalita ay lapatan ng inaakala niyang husto at wastong kahulugan ang salitan iyan.

KATURUANG KARDEC AT KATURUANG CRISTO Part 2 of 2


Sa pangalawang bahagi ng artikulo ay narito pa ang isang kawiliwiling usapin at iyan ay hinggil sa,



REINKARNASYON, o ang Muli at Muling Pagkakatawang-tao.

"To be born, to die, to be reborn again and constantly progress, that is the law." (Upang ipanganak, upang mamatay, upang maipanganak na muli at magpatuloy sa pagsulong, iyan ang batas) - Allan Kardec

Ang mabuhay, mamatay, at magkatawang-taong ng paulit-ulit. at patuloy na sumulong ay katotohanan nga kayang iyon ang batas? O ito’y bunga lamang ng pilosopiyang Kardec, na may malabis na paghihimagsik at pagpapawalang kabuluhan sa Katuruang Cristo, na siyang naghahayag ng katotohanan hinggil sa dalawang kapanganakan (tubig at Espiritu) lamang?

Linawin nga natin ang makontrobersiyal na usapin, na tumutukoy sa di umano ay muli at muling pagkakatawang-tao sa kalupaan, sa makatuwid ay ang reinkarnasyon. Sinasang-ayun nga ba ito ng Katuruang Cristo, o hindi? 

Alamin nga natin.

Linggo, Abril 3, 2016

SI JESUS NGA BA ANG AMA?

Jesus is praying to our father in heaven
May isang kakaibang bagong katuruan sa larangan ng kabanalan na kasalukuyang tinitindigan at isinasabuhay ng marami sa panahon nating ito. Iyan ay ang aral na nagsasabing,

“Si Jesus ang Ama ng langit, at ang Ama ng langit ay si Jesus.”

Giit nila ay tunay na Dios itong si Jesus at hindi lamang sa pagiging Dios siya dapat kilalanin, kundi sa pagiging Dios Ama, na siyang lumikha ng dimensiyon ng materiya at dimensiyon ng Espiritu, at lahat ng mga nangaroroon.

Sa mga sumusunod na bahagi ng akda ay ilalapat namin ang kaukulang kongkretong katunayang biblikal, na may direktang kaugnayan sa makontrobersiyal na usaping ito. Nang sa gayon ay maunawaan natin ng lubos, kung ang bago at kakaibang aral na iyan ay sinasang-ayunan ba ng katotohanan, o hindi. Kung paano nila nabigyang diin ang gayong kakaibang katuruan ay siya naming sa inyo ngayon ay ipaglilingkod.