Linggo, Disyembre 1, 2013

HINDI ANG BAWA'T NAGSASABI SA AKIN. PANGINOON, PANGINOON, AY PAPASOK SA KAHARIAN NG LANGIT.

LORD God Jesus?
Mula sa umiiral na kinaugaliang doktrinang pangrelihiyon ng mga kapanalig at tagasunod ni Saulo (Pablo) ng Tarsus ay patuloy ang pagkilala kay Jesus bilang isang Panginoon, na lumalapat ng ganap sa kalagayan ng isang Dios na totoo.  Gayon ma'y nagtutumibay ang mga katiwatiwalang katunayang biblikal, na madiing pinatototohanan ang likas niyang kalagayan bilang isang tunay na tao. Ang katunayan hinggil diyan ay napakaliwanag na mismo ay sinalita ng sarili niyang bibig. Sapat, upang bigyang halaga at tanggapin bilang isang nagtutumibay na katotohanan ang pagpapatunay niya sa kalagayang materiya na umiiral sa buo niyang pagkatao.

Hindi nga niya tinatanggap na siya ay tawagin ng sinoman bilang "Panginoon," sapagka't nalalaman niya ng lubos na ang katawagang iyon ay walang ibang tinututukoy, kundi ang kaisaisang Dios, o kaya naman ay ang dakilang Espiritu (Espiritu Santo) nito na isinugo sa buong kalupaan.

Narito, at sa Mateo 7:21 ay sinabi,

“Hindi ang bawa’t nagsasabi sa akin. Panginoon, Panginoon, ay papasok sa kaharian ng langit: kundi ang gumaganap ng kalooban (kautusan) ng aking Ama na nasa langit.”

Sa gayo’y sino ang nagsalita, ito bagang si Jesus sa kaniyang sarili, o yaong Espiritu ng Dios na namamahay at naghahari sa kaniyang kalooban sa kapanahunang iyon? Tungkol nga sa usaping ito’y binigyang diin ng sariling tinig ni Jesus ang mga sumusunod na katuwiran hinggil sa likas niyang kalagayan.

Biyernes, Nobyembre 15, 2013

LAYUNIN NG PAGKASUGO KAY JESUS

Mula sa tradisyong pangrelihiyon partikular ang lubhang malaking kalipunan ng ng mga Cristiano ni Pablo ay hayag na kaalaman ang umano’y dahilan ng pagkasugo kay Jesus sa kalupaan. Ito'y sa layuning tubusin ang buong sala ng sangkatauhan. Ang dakilang hangaring iyan ay tuwirang naglagay kay Jesus sa hindi mapapantayang katanyagan. Dahilan upang ang marami ay magtumibay sa kani-kanilang kalooban ang pagtanggap sa kaniya bilang Dios, na kaisaisang tagapagligtas ng sanglibutan at manunubos ng sala ninoman.

Hindi lamang iyan, dahil sa siya ay pinaniniwalaan din ng marami na may ganap na kakayanan at kapamahalaan sa pagpapatawad ng mga kasalanan. Kaya nga ang lubhang malaking bilang ng mga tao sa mundo ay nailagak sa pangalan niya ang lubos nilang pagtitiwala. Dahil doon ay sinamba nila siya bilang isang Dios na totoo at sila’y nagsimulang maghandog ng mga panalangin – hindi lamang sa katubusan ng sala at kaligtasan ng kaluluwa, kundi na rin sa maraming pangangailangang pangmateriyal na minimithing makamit ng sinoman sa kalupaan.

Gayon man, higit sa lahat ay ang mga balumbon ng mga banal na kasulatan (Tanakh) kabilang ang tinaguriang Bagong Tipan (NT) ng Bibliya ang siyang may higit na hurisdiksiyon sa pagpapahayag ng matuwid na sinasang-ayunan ng katotohanan kung ang tungkol diyan ang pag-uusapan. Sa madaling salita ay nasasalalay sa mga nabanggit na kasulatan ang pagpapahayag ng walang alinlangang katotohanan hinggil sa usaping iyan.

Dahil diyan ay papalaot tayo sa kalawakan ng kasaysayang nasusulat at masusi  nating sisiyasatin ang mga bagay na may higit na kinalaman sa isyung ito. Upang sa wakas ay bigyang linaw ang pag-aalinlangan ng marami sa awtentisidad ng lumalaganap na kaalamang pangkabanalan na tumutukoy dito.

Biyernes, Nobyembre 1, 2013

DAGDAG-BAWAS SA KAUTUSAN

Ang pagpalaot sa larangan ng tunay na kabanalan ay may mahigpit na pangangailangan ng matapat at masiglang pagtalima sa mga natatanging kalooban ng Ama nating nasa langit. Layon nito na ilagay sa kahustuhan ang kamalayang pangkabanalan ng sinoman sa kalupaan. Bagay na sa kanino man ay nagpapaging ganap sa banal na kalagayan at nagpapatibay sa pagkilala bilang isang totoong kopa ng kabanalan (Holy grail).

Sa usapin na may kinalaman sa mga bagay na ikinalulugod ng Dios ay napakahalaga ang pagsunod na walang labis at walang kulang sa Kaniyang mga kautusan. Sapagka’t nais Niya’y kung ano ang utos ay gayon din ang nararapat na gawing pagsunod ng kaniyang mga anak. Halimbawa’y nang iutos niyang ang kaniyang mga salita ay huwag dagdagan, ni bawasan man. Ibig sabihin nito'y nais ng ating Ama na manatili sa orihinal na kalagayan ang Kaniyang mga salita, at sa gayo'y napakaliwanag na paglabag sa kaniyang kalooban na magdagdag at magbawas ni kudlit man sa mga iyon.

Dahil diyan ay lalabas na isang napakalaking kasiraan sa sinoman, kung ang mga salita ng Ama niyang nasa langit ay lalakipan niya ng mga pangsariling pilipit na dagdag na pagmamatuwid, at babawasan niya upang ang kahustuhan ng katuwiran nito ay magkulang.

Gaya nga ng katuwirang nagtutumibay hinggil sa usaping ito ay mariing sinabi,

KAW 30 :
6  HUWAG KANG MAGDADAGDAG SA KANIYANG MGA SALITA, Baka kaniyang sawayin ka, at masunduan kang SINUNGALING.

DEUT 12 :
32  Kung anong bagay ang iniuutos ko sa iyo, ay siya mong ISASAGAWA: HUWAG MONG DADAGDAGAN, NI BABAWASAN.

JER 26 :
2  ... ang lahat na SALITA na inutos ko sa iyo upang SALITAIN SA KANILA; HUWAG KANG MAGBABAWAS NG KAHIT ISANG SALITA.

Gayon ngang napakahigpit ang tagubilin o kautusan hinggil sa salita ng kaisaisang Dios,  na ang mga iyon ay huwag na huwag dadagdagan, ni babawasan man. Sapagka’t may ganap na kahustuhan ang katuwiran ng Dios na nararapat mapag-unawa ng lahat. Ano pa’t kung ang salita Niya’y madadagdagan, o mabawasan man ay hindi na nga magiging husto, o sapat ang makakarating na kaalamang pangkabanalan sa mga kinauukulan. Hindi kakaunti sa ating mga kapatid ang nakakaladkad ng ganitong uri ng katampalasanan sa tiyak na kapahamakan ng kanilang kaluluwa.

Miyerkules, Oktubre 2, 2013

KAUTUSAN LABAN SA PAGANISMO (Idolatriya at iba pa)


Mga paunang salita:
Matuwid na layunin naming ilahad lamang sa mga kinauukulan ang mga salita (evangelio ng kaharian) na ipinangaral ng sariling bibig ng mga tunay na banal. Mga katiwatiwalang katunayang biblikal (Tanakh) lamang ang tangi naming pinagbatayan sa pagbabalangkas at pagbuo ng akdang ito. Hindi namin kailan man hinangad, o ninais na atakihin, ni husgahan man ang mga doktrinang pangrelihiyon na tinitindigang matibay ng marami. 

Anomang pahayag mula sa amin na mababasa sa artikulong ito ay may lubhang matibay at kongkretong batayang biblikal. Dahil diyan ay maliwanag na ang aral pangkabanalan na ipinangaral ng mga banal ng Dios ang siyang humuhusga sa pilipit na pagka-unawa ng marami sa salitang “ matuwid, at katotohanan.” Hindi namin kailan man hingangad na ilagay sa kahiyahiya at abang kalagayan ang aming kapuwa. Kundi sa pagnanais na maghayag lamang ng mga salita ng Dios na nauukol ng lubos sa sangkatauhan.


Mula sa 613 na Kautusan ni Moses na nasusulat sa kabuoan ng Torah (five books of Moses) ay mababasa sa ibaba ang mga piling kautusan na may ganap na kinalaman sa karumaldumal na Paganismo (idolatriya at iba pa). Diyan nga ay napakaliwanag ang mga salita ng Dios na iniuutos niya sa lahat ng tao sa kalupaan, gaya ng nasusulat sa sumusunod na talata,

Sabado, Setyembre 28, 2013

ANG BAHAGHARI (Rainbow)

Ang perpektong arko ng bahaghari
Sa kahabaan ng maghapon tuwing babagsak ang ulan ay tila himala na nagpapakita sa marami ang bigkis ng iba’t ibang kulay na umaarko ng banayad sa hindi gaanong kalayuan. Gayon din naman sa kaiinitan ng araw ay lumilitaw ang ganyang kahanga-hangang tanawin sa paligid ng mga talon (falls) sa kabundukan. Iyan ay isang hindi pangkaraniwang tanawin na masiglang ipinamamalas ng inang kalikasan sa ating mga mata. Ang ganda nito’y hindi maihahambing sa kahit ano pa mang naggagandahang likas na panoorin sa kalupaan. Hatid nito ang trangkilidad, na nagpapahayag ng di maipaliwanag na kagalakan at kapayapaan sa sinoman.

Bahaghari (rainbow) ang naka-ugaliang itawag ng marami sa phenomenon na iyan. Sa kalaunan, at sa kasagsagan ng mga nakalipas na pagsasalin ng hindi kakaunting lahi ay nakasanayan na ng lahat sa buong kapuluan ang gayong katawagan sa kagilagilalas na panooring nabanggit. Bagay na nagbigay inspirasyon sa marami, upang lumikha ng samo’t saring kuwento (alamat), na naghahayag ng mga hakahaka tungkol sa pinagmulan nito na iniuugnay sa buhay ng mga tao, bagay, at kalikasan.

Sabado, Setyembre 21, 2013

HOMOSEXUALIDAD

May basbas ng Dios
Mga paunang salita:
Bago ang lahat ay ipina-uunawa namin na ang mga katuwiran na laman ng mga banal na kasulatan ang siyang humuhusga ng kamalian sa marami, at kailan man ay hindi naging kami. Ang kasulatan din naman ang madiing nagwiwika, na ang gawang taliwas sa kalooban ng kaisaisang Dios ay kasuklamsuklam at karumaldumal sa Kaniyang paningin. 

Matuwid na layunin naming ilahad lamang sa mga kinauukulan ang mga salita (evangelio ng kaharian) na ipinangaral ng sariling bibig ng mga totoong banal ng Dios. Mga katiwatiwalang katunayang biblikal lamang ang tangi naming pinagbatayan sa pagbabalangkas at pagbuo ng akdang ito. Hindi namin kailan man hinangad, o ninais na atakihin, ni husgahan man ang sinoman sa aming kapuwa. 

Hangad namin ang ibayo ninyong pang-unawa sa paksang usapin na nilalaman ng akdang ito, maraming salamat.

Sa aklat ng Genesis ay madiing winika, na ang lalake ay iiwanan ang kaniyang ama at ina, upang siya ay pumisan at makisama sa babae na kaniyang asawa (Gen2:24). Diyan ay lumalabas na ang nilalang lamang ng Dios sa kalupaan ay ang dalawang kasarian na kumakatawan sa lalake at babae. Bukod doon ay wala ng iba o karagdagang kasarian na inilakip ang lumikha sa nauna na niyang ipinahayag at ipinakilalang dalawang (2) uri ng tao sa kalupaan.

Nakikilala ang bawa’t isa mula sa taglay nilang kalikasang maskulino at femenine na pinagtitibay ng kanikaniyang kaariang seksuwal. Ito ay isang perpektong tambalan na masiglang umiiral noon pa mang unang kapanahunan. Taglay ng bawa’t isa ang banal na basbas (Gen5:2) ng sa kanila ay lumikha. Dahilan upang ang tao ay maluwalhating makasunod sa kautusan ng pagpaparami (Gen 1:28) na gaya ng buhangin sa dalampasigan. Ang mga hayop ayon sa padron ng dalawang kasariang nabanggit ay patuloy din namang dumami alinsunod sa kani-kanilang itinakdang layunin sa kalupaan.

Lunes, Setyembre 2, 2013

ANG MGA HUKOM

Noon pa mang una, sa kapanahunan pa lamang ng mga matatandang sibilisasyon ng mga tao ay hindi kailan man nawala sa bawa't panahon ang mga hukom. Layunin nito na pairalin ang patas na kahatulan, sa ikapagtatamo ng katarungan na sinasang-ayunan ng katotohanang maka-Dios. 

Sila sa madaling salita ang mga kinatawan ng katuwiran, na siyang emisaryo ng katarungan sa sangkatauhan. Diyan napapagkilala ang pagkakapantaypantay ng lahat sa paningin ng Ama nating nasa langit. Sapagka't ang lahat ay may pagkakataong makamit ang hustisya alinsunod sa batas ng Dios.