Sa
kayarian ng anomang bagay ay hindi maaaring mawalan ng pinagmulang disenyo, at
kung paano ito nabuo ay masiglang sumailalim sa proseso ng bahabahagdan at
sunod-sunod na pamamaraan. Kaya naman ang mga yaon sa anomang uri ng kabuoan ay
maaaring gayahin alinsunod sa maingat at banayad na pagsasalansan ng mga
kagamitan at pagsasakatuparan ng mga pamamaraan na may kinalaman dito. Sa gayong
kasiglang proseso ay nalilikha ang replica ng iba’t ibang bagay.
Ang
tanawing ito ay tinatawag na padron (pattern), na kung saa’y makikita ang lahat
ng detalye, kagamitan, at pamamaraan kung paano gagawin ang partikular na
bagay. Batay sa iba’t ibang hugis ng katawan ay iginuguhit ng sastre (mananahi) sa isang papel ang
disenyo ng anomang kasuotan. Sa pamamagitan nito’y maaaring ulit-ulitin ang
paggawa niyaon na hindi magbabago ang sukat at kayarian. Kahit na sinong Sastre
sa kapuluan ang gumamit ng nabanggit na padron ay hindi magbabago at mananatili ang disenyo ng kasuotan. Kung papaanong paulit-ulit na nakagagawa ng
maraming bagay sa kani-kaniyang magkakatulad na sukat at debuho ay nang dahil
sa eksistensiya ng padron.






