Biyernes, Enero 25, 2013

ROBIN HOOD SYNDROME


Paunang salita
Hindi namin layunin na gibain ang paninindigan ng marami, ni ilagay man sa kahiyahiyang kalagayan ang aming kapuwa. Bagkus ay maglahad lamang ng mga bagay na sinasang-ayunang lubos ng mga katiwatiwalang katunayang biblikal. Hindi namin kailan man hinangad na husgahan ang sinoman, palibhasa'y ang mga salita ng Dios na isinatinig ng mga banal ang siyang humuhusga sa mga karumaldumal ng marami. Nawa'y maunawaan ng lahat na kami'y alingawngaw lamang ng mga katotohanang isinigaw at isinatitik nilang mga totoong banal na nabuhay sa malayo at malapit na kapanahunan.

Sa alamat ng mga Ingles ng Inglatiera ay may ipinakilalang magaling at mapagkawang-gawang lalake, na umano'y nagkakanlong at naninirahan sa Sherwood Forest ng Nottinghamshire. Ang taong iyon ayon sa kuwento ay tanyag sa pagiging isang mamamana at eskrimador. Nitong unang bahagi ng ika-19 na siglo ay kinilala siya bilang isang “tulisan na dumadambong sa mayayaman at ipinamamahagi sa mahihirap ang mga kinulimbat niyang yaman.” Ito’y sa tulong ng pinamumunuan niyang pangkat ng mga bandido, na sikat sa tawag na Merry Men. Ang pulutong na iyon ay inilalarawan na taglay sa kanilang katawan ang Lincoln green na kasuotan.

Siya ay walang iba, kundi si Robin Hood (Robyn Hode sa mga lumang manuskrito),  na malabis ang pakikidalamhati sa kaawa-awang kalagayan ng mga kapos palad niyang kababayan. Sukat upang siya’y itulak ng damdaming iyon sa isang gawain na kailan ma’y hindi sinang-ayunan ng matuwid. Palibhasa, mula sa sampu (10) ay paglabag iyon sa pangwalong (8) kautusan ng Dios na may kahigpitan Niyang ipinatutupad sa lahat ng tao sa kalupaan.

Huwebes, Enero 10, 2013

ANG NAGLILINIS NG KASALANAN



Si Juan ay nangaral ng mga katuwiran ng Dios sa ilang. Ang marami sa nangakarinig ng salita ay napagkilala ang mga nagawa nilang paghihimagsik sa kalooban ng kaisaisang Dios. Sapat upang sila’y taos pusong magsipagsisi ng kanilang mga kasalanan. Dahil dito ay iginawad ni Juan sa kanila ang simbulo ng pagsisising iyon, na dili iba kundi ang saglit na paglulubog ng kanilang buong katawan at ulo sa tubig ng ilog Jordan.

Tubig ang elemento na naglilinis sa dungis ng mga nilalang sa mumunting bahaging ito ng demensiyong materiya. Ano pa’t ang masigla at may galak sa pusong pagtalima sa natatanging kalooban ng Dios (kautusan) ang siyang naglilinis ng mga kasalanan. Ang tubig pagdating sa kasalanan ay isang simbulo lamang at katotohanan na hindi ito ang lumilinis sa dungis ninoman, kundi ang pakikipag-isa sa mga salita (kautusan) ng kaisaisa nating Ama na nasa langit.

Tinawag ni Juan na bautismo sa pagsisisi ng kasalanan ang gawaing nabanggit sa kapanahunan niyang iyon. Bagaman ang buong katawan at ulo ang inilubog sa tubig ay hindi nito nilinis ang kasalanan, bagkus ay ang labas ng katawan lamang. Gayon man, ito’y nagpakita ng isang napakatibay na tanda, na ang kasalanan sa pamamagitan ng pagsisisi ay nahugasan at nalinis ng mga salita ng Dios na tumimo sa puso at tumatak sa kaisipan ninoman. Bakit? Sapagka’t pinatatawad ng ating Ama ang sinoman na taos sa puso ang pagsisisi sa kaniyang kasalanan.