Huwebes, Setyembre 29, 2016

NR 005 SAN PABLO: PASIMUNO NG DAGDAG/BAWAS?

Courtesy of Google Images
PAALALA:
Layunin namin na maglahad lamang ng mga aral pangkabanalan na masaganang dumaloy mula sa bibig ng panginoong Jesucristo at ng mga tulad niyang banal ng Dios. Kailan ma’y hindi namin hinangad na atakihin, sirain, ni gibain man ang pinaninindiganang doktrinang pangrelihiyon ng sinoman. Gayon din naman na nais naming liwanagin na wala kaming anomang laban o paghihimagsik sa mga panulat nitong si Saulo (Pablo) ng Tarsus.  

Kung siya man ang hayagang sentro ng usapin sa artikulong ito ay tanda lamang iyon, na ang itinuturo niyang aral (evangelio ng di-pagtutuli) ay may lantarang pagsalungat at pagpapawalang kabuluhan sa katuwiran ng Dios (katuruang Cristo) na ipinangaral ni Jesus at ng iba pang tunay na banal. 

Sa mga balumbon ng Tanakh, na tanyag sa katawagang Lumang Tipan ng Bibliya (OT). Isang napakahigpit na kautusan ng kaisa-isang Dios, na ang sinoman ay huwag masumpungan na nagdadagdag at nagbabawas ng Kaniyang mga salita, na isinatinig ng mga kinikilala Niyang tunay na banal.

Ang sinoman ngang masumpungan sa gayong di makatotohanan at kasuklamsuklam na mga gawa ay tinatawag ng Dios na “SINUNGALING.” Sila’y nagkakatipon na lahat sa dako ng mga nangaghihimagsik at nagpapawalang kabuluhan sa natatanging katuwiran ng Ama nating nasa langit. Sila kung gayon ay maipasisiya na nabibilang sa mga labis Niyang kinapopootan at pinatutungkulan ng Kaniyang mga matutuwid na kahatulan at masasaklap na kaparusahan.

Courtesy of Google Images
Sa artikulong ito bilang 005 ay muli naming ilalahad sa maliwanag ang isa pa sa hindi kakaunting dagdag/bawas na ginawa ni Pablo sa mga nilalaman nitong Tanakh ng Dios (OT). Hindi upang siya’y atakihin, ni ilagay man siya sa kahiyahiyang kalagayan. Kundi upang ibunyag sa maliwanag ang mga lalang niya ng kaniyang kadayaan, kasinungalingan, at pagpapawalang kabuluhan sa salita ng Dios na isinatinig ng mga tunay na banal.

Sabado, Setyembre 3, 2016

BUHAY NA WALANG HANGGAN

Ang lahat ay walang alinlangang naghahangad ng magandang pamumuhay hindi lamang sa kalupaang ito, kundi higit sa lahat ay sa tinatawag nating kabilang buhay, na kung saan ay kasusumpungan ng kawalang katapusan ang pag-iral.

Ang mithiing iyan, kadalasan ang kinahihinatnan ay hindi tulad ng inaasam na kabuhayang walang hanggan. Sapagka’t marami ang nagkakamali ng daang tinatahak na sa kanila'y naglulunsad sa kabiguan, at nagiging mapait na sanhi sa kapahamakan ng kanikanilang kaluluwa.

Sa usaping iyan, ang karaniwang kinukunan ng balidong batayan ay ang mga matatandang kasulatan, na siyang pinaniniwalang nagbibigay ng kaukulang kaparaanan, kung paano makakamit ng sinoman ang inaasam-asam niyang buhay, na hindi nakakakilala ng anomang katapusan, ni ng hangganan man.

Kaugnay niyan ay malugod sa puso na ipinahayag ng Cristo ang lihim na kumakanlong sa buhay na walang hanggan na maaaring matamo ng kaluluwa ninoman. Dangan nga lamang ay higit pang pinaniwalaan ng marami ang kathang turo ng tao, kay sa mga leksiyon (evangelio ng kaharian) na mismo ay sinalita at ipinangaral ng sariling bibig ng Cristo. Bagay na ngayo’y lalapatan ng may kahustuhang paglilinaw at ng kaukulang paglalahad nitong mga sagradong aral ng Katuruang Cristo.