Saturday, February 15, 2014

PINATAY NI LUCAS AT PABLO ANG KAUTUSAN

Sa pamagat pa nga lamang ng artikulong ito ay tila naman yata isang hayagang pag-atake kay Lucas ang sabihing, “pinatay niya sa kaniyang sulat ang kautusan ng Dios.” Gayon man, iyan ay isang katotohanan na sa pagkakataong ito ay tatanglawan namin ng kaukulang liwanag. 

Iyan ay kung paano natiyak namin na umaayon sa pamagat ng akdang ito ang tila direktang paratang na iyan, na hindi maaaring itanggi, ni pasinungalingan man ng kahit na sino.

Bago nga tayo ay magsimulang pumalaot sa kontrobersiyal na usaping ito ay kilalanin nga muna natin ng bahagya ang tao na sentro ng usapin na sa inyo ay lalapatan namin ng kaukulang paglilinaw. Ayon sa sali’t saling sabi ng mga tao, itong si Lucas ay isa sa masugid na tagasunod nitong si Saulo (Pablo) ng Tarsus sa pagpapalaganap nitong evangelio ng di pagtutuli

Kilala siya bilang isang manggagamot (physician), at iyan ay minsan ng binanggit ni Pablo sa kaniyang sulat sa mga taga Colosas. Sa kalaunan ay nasumpungan niya ang kaniyang sarili na nagsusulat ng liham kay Teofelo, na isa sa kapatid nila sa pananampalatayang Gentil. 

Na sinasabi,


LUCAS 1 :
1  Yamang marami ang nagpilit mag-ayos ng isang kasaysayan noong mga bagay na naganap sa gitna natin,
2  Alinsunod sa ipinatalos sa atin nilang BUHAT SA PASIMULA ay mga SAKSING NANGAKAKAKITA AT MGA MINISTRO NG SALITA,
3  Ay MINAGALING KO NAMAN, pagkasiyasat na lubos ng pangyayari ng lahat ng mga bagay mula nang una, NA ISULAT SA IYONG SUNODSUNOD, kagalanggalang na Teofilo;

Tinutukoy niyan ang kasaysayan ng mga bagay na naganap sa gitna ng mga apostol, na nangakapiling ni Jesucristo sa kasagsagan ng ministeriyong may kinalaman sa evangelio ng kaharian. Iyan ay minagaling ni Lucas na isulat at pagkatapos ay iniulat ng buo kay Teofilo

Ayon sa kaniya ay mga panimulang saksi at mga ministro ng salita ang nagsalaysay sa kaniya ng hindi kakaunting kaganapan sa panahong ginugol sa kalupaan ng Cristong si Jesus. Dahil diyan ay hindi mahirap isipin na pinalalabas niyang mga orihinal na alagad, o ang labingdalawang (12) apostol ang tinutukoy niyang panimulang saksi at mga ministro ng salita.

Si Mateo at Juan ang ilan sa mga sumulat alinsunod sa kanilang nasaksihan habang kasakasama pa nila ang Cristo na lumawig ng halos tatlong (3) taon. Iyan nga ang evangelio ni Mateo at ni Juan na kabilang sa apat (4) na evangelio, na kalakip sa tinatawag na Bagong Tipan ng Bibliyang Romano.

Kung aktuwal na pangyayari din lang sa mahikling panahong iyon ang pag-uusapan ay makatitiyak nga tayo, na ang patotoo ni Mateo at Juan ang nagbibigay ng higit na timbang. Palibhasa ang dalawang (2) iyan ay hindi maitatanggi, na mga saksing totoo sa bawa’t pangyayari sa nakalipas na buhay ng Cristong si Jesus. Ano pa’t kung ang mga salaysay nitong si Lucas ay hindi tutugma sa pinatototohanang pangyayari ng dalawa nating saksing totoo ay maituturing ngang iyan ay kuwentong kutsero lamang. Sapagka’t hinggil sa pagiging awtoridad sa patotoo ay madiing winika ng sariling bibig ni Jesus ang mga sumusunod,

JUAN 15 :
27  At KAYO NAMAN AY MAGPAPATOTOO, sapagka’t KAYO’Y NANGAKASAMA KO BUHAT PA NANG UNA.


JUAN 17 :
Sapagka’t ANG MGA SALITANG SA AKIN AY IBINIGAY MO AY IBINIGAY KO SA KANILA; at kanilang tinanggap, at nangakilala nilang tunay na nagbuhat ako sa iyo, at nagsipaniwalang ikaw ang nagsugo sa akin.

JUAN 17 :
26  At ipinakilala ko sa kanila ang iyong pangalan, at ipakikilala ko; upang ang pagibig na sa akin ay iniibig mo ay mapasa kanila, at ako’y sa kanila.

MATEO 13 :
17  Sapagka’t katotohanang sinasabi ko sa inyo, na hinangad na makita ng maraming propeta at ng mga taong matuwid ang inyong nakikita, at hindi nila nakita; at narinig ang inyong naririnig, at hindi nila narinig.

Gaya nga niyan ay walang alinlangan na pagdating sa patotoo ng mga salita ay maituturing na mga katiwatiwala ang mga pangyayaring mababasa sa aklat ng mga tunay na apostol, dahil sa sila ay totoong nangakasama ng Cristong si Jesus. Naibigay na lahat sa kanila ang kaalaman na ukol sa kanilang mga masusugid na alagad ng Dios. At sa pagpapatibay ay nakita nila ang mga pangyayari, at narinig nila ang tinig na hindi nasumpungan ng mga ibang propeta at ng mga taong matutuwid.

Bilang halimbawa nitong kadalisayan ng mga salita na iniluwal mismo ng sariling bibig ni Jesus, na siya namang pinatototohanan ni Mateo sa kaniyang aklat. Gaya ng nasusulat ay sinabi,

MATEO 11 :
12  At mula sa mga araw ni Juan Bautista hanggang ngayon, ang kaharian ng langit ay nagbabata ng karahasan, at kinukuha nang sapilitan ng mga taong mararahas.
13  Sapagka’t ang lahat ng mga propeta at ang kautusan hanggang kay Juan ay NAGSIPANGHULA.

Ipinaliliwanag ng talata 12, na mula sa kapanahunan nitong si Juan Bautista hanggang sa panahon ng mga tunay na apostol ay dumaranas ang katuruang Cristo (evangelio ng kaharian) ng malabis na pagpilipit at sapilitang inaangkin ng mga masasamang tao. Ito’y upang ilahok sa umiiral nilang likhang taong doktrinang pangrelihiyon. Ang lahat ng mga propeta hanggang kay Juan ay nagsipanghula sa pagpapatibay ng kautusan. Iyan ang konteksto ng Mateo 11:12-13, na ang ipinahihiwatig ay hindi nabago, ni nawalan man ng bisa ang kautusan, Kaagapay ng mga propeta ay masiglang umiral sa nakaraan, masigasig na umiiral sa kasalukuyan, at makapangyarihang iiral sa lahat ng mga darating na kapanahunan.

Ano’t nang ang Mateo 11:12-13 ay kopyahin ni Lucas at isulat sa kaniyang aklat ay gaya na nga nito ang mababasa, na sinasabi,

 LUCAS 16 :
16  ANG KAUTUSAN AT ANG MGA PROPETA AY NANATILI HANGGANG KAY JUAN: mula noo'y ANG EVANGELIO NG KAHARIAN NG DIOS AY IPINANGANGARAL, at ang bawa't tao ay pumapasok doon na nagpipilit.

Sa talata 16 ay sinasabi na ang kautusan at ang mga propeta ay umiral lamang hanggang sa kapanahunan ni Juan Bautista. Na ang ibig sabihin ay napaso na, o nawalan na ng bisa ang kautussan sa natatangi nitong layunin. Ito’y dahil sa nahalinhan, o napalitan na nitong Evangelio ng kaharian  na sinimulang ipangaral ng mga apostol pagkamatay ni Juan. Kung lilinawin ay napawi na ang unang utos (10 utos), at hinalinhan na ng bago. Sa gayo’y wala na nga itong anomang kabuluhan pa pagdating sa ikaliligtas ng kaluluwa ninoman sa kalupaan.

Kung sisiyasating mabuti ang nilalamang salin nitong Lucas 16:16 ay hindi mahirap makita na ang talata 13 ng Mateo ay ibinaba, at ang talata 12 ang inilagay sa una. Gaya ng mababasa sa ibaba.

MATEO 11 :
13  Sapagka’t ang lahat ng mga propeta at ang kautusan hanggang kay Juan ay NAGSIPANGHULA.

12  At mula sa mga araw ni Juan Bautista hanggang ngayon, ang kaharian ng langit ay nagbabata ng karahasan, at kinukuha nang sapilitan ng mga taong mararahas.

Sa ganyang hanay ay makikita ng napakaliwanag ang ginawang pagbalasa ni Lucas sa dalawang talata gaya ng mababasa sa ibaba.

LUCAS 16 :
16  ANG KAUTUSAN AT ANG MGA PROPETA AY NANATILI HANGGANG KAY JUAN:

mula noo'y ANG EVANGELIO NG KAHARIAN NG DIOS AY IPINANGANGARAL, at ang bawa't tao ay pumapasok doon na nagpipilit.

Napakaliwang ng ilustrasyon na ipinakita namin sa inyo, na higit sa sapat upang maunawaan ng mabuti ang nangyaring pagdadagdag at pagbabawas ng mga salita ng Dios na ipinangaral mismo ng sariling bibig ni Jesucristo. Iyan ay sa pamamagitan ng kasuklamsuklam na kapangahasan ng taong si Lucas.
Nalalaman ng lapiang Gentil na hindi magiging matibay ang pinaiiral nilang paganong doktrinang pangrelihiyon. Ito’y hanggang hindi nila naipapakita na ang kautusan ay inutil na sa natatangi nitong kagamitan at layunin.

Kaya’t mula sa daya ng kasinungalingan ay pinangahasan ni Lucas na baguhin ayon sa karumaldumal na kaugaliang paganismo ang nilalaman ng Mat 11:13 at 12. Sapagka’t ang talata ding iyan ang napakatibay na patotoo, na ang kautusan at ang mga salitang nangagsilabas mula sa bibig ng mga sinaunang tunay na propeta ay hindi kailan man kumupas o nawalan man ng bisa.

Matapos na ang bibliyang Romano ay mailimbag, ang kadayaang iyan ni Lucas ay hindi nalingid mula sa matatalas na paningin at masusing pagsasaliksik ng mga iskolar ng bibliya. Gayon ma'y hindi ikinabahala iyan ng pamunuan nitong simbahang Romano. Sapagka't pinakalat nila sa iba't ibang sulat at sali't saling sabi, na ang evangelio ni Lucas ang unang nasulat, at kasunod lamang nito ang evangelio ni Mateo. Ibig sabihin lamang nito ay pinalalabas ngang orihinal na kasulatan ang kay Lucas at ang kay Mateo ay nirebisang kopya (revised copy) lamang nito.

Kung sisiyasating mabuti ang nabanggit na dalawang (2) evangelio at paghahanayin, o pagkukumparahin sa isa't isa. Hind mahirap makita na ang evangelio ni Lucas ay nakakiling sa kaugalian ng mga Gentil. Iyan ay ang pagpapawalang kabuluhan sa mga kautusan ng Dios (sampung [10] utos). Samantalang ang evangelio ni Mateo ay hayagang nagtatanggol, tumatangkilik, at nagtataguyod nitong mga kautusan na nilalaman nitong kasulatan ng mga propeta ng Dios.

Kung may nananatiling kasulatan na pinagbabatayan ng tanging katotohanan ang lapiang Judio. Gayon din naman ang minatuwid ng lapiang Gentil. Kaya’t sa pangungulo ni Pablo ay lumikha sila ng sarili nilang kasulatan na tumutukoy di umano sa evangelio ni Jesucristo na si Lucas at Marcos ang nagsigawa. Gayon din na siya’y lumikha rin ng kasulatan na naglalaman ng katuruang nakalapat at nakakapit sa tradisyon o kaugalian ng mga Gentil. Halimbawa nga sa mga iyon ay ang malaking pagsalungat ng Luc 16:16 sa nilalamang katuwiran nitong Mat 11:12-13.

Hindi nila kailan man inakala na ang mga ginawa nilang kasulatan sa paglipas ng panahon ay mailalakip sa mga orihinal na kasulatan ng lapiang Judio. Kaya’t ginawa nila ang lahat ng uri ng pandaraya na tumutukoy sa dagdag-bawas ng mga salita at marami pang iba.

Nang sila nga ay mga patay na ay dumating ang panahon na ang Imperiyong Roma (Roman Empire)  na tumangkilik sa idolohiyang pangrelihiyon ni Pablo, ay napagkamaliang pagsamahin ang orihinal na kasulatan ng lapiang Judio at likhang kasulatan ng lapiang Gentil. Yao’y tinawag nilang Unang Tipan ng Biblia na ipinagmamalaki bilang banal na kasulatan ng mga kasapi sa likhang relihiyon ni Pablo, na kung liliwanagin ay yaong Cristianismo.

Sa gayo’y hindi maaaring itanggi ninoman ang kamaliang nilikha ng lapiang Gentil, sapagka’t maliwanag na nasasaad sa orihinal na kasulatan ang katotohanan na nagpawalang kabuluhan sa sulat ni Lucas at Marcos. Gayon din na nasumpungan ang mga katuruang sinulat ni Pablo ay hindi umaayon sa katuwiran na siyang kalooban ng nagiisang Dios na tunay. Palibhasa nga’y ayon lamang sa idolohiya ng tao na tumutukoy sa karumaldumal na lahi ng mga Gentil.

Kaya nga nang mapilipit ni Lucas ang katotohanan na masusumpungan sa Mat 11:13 at 12 ay buong pagmamalaki na nilang iniaral sa sanglibutan ang mga sumusunod na salita ng kasinungalingan.

LUCAS  16 :
16  Ang kautusan at ang mga propeta ay nanatili hanggang kay Juan: mula noo’y ang evangelio ng kaharian ng Dios ay ipinangangaral, at  ang bawa’t tao ay pumapasok doon na nagpipilit.

GAWA 13:
39  At sa pamamagitan niya ang bawa’t NANANAMPALATAYA ay  inaaring ganap sa lahat  ng mga bagay,  na sa mga ito’y hindi kayo aariing ganap sa pamamagitan ng KAUTUSAN NI MOSES.

ROMA 3:
28  Kaya nga MAIPASISIYA NATIN na ang tao ay inaaring-ganap sa PANANANAMPALATAYA na HIWALAY SA MGA GAWA NG KAUTUSAN.

HEB 7:
18 Sapagka’t NAPAPAWI ANG UNANG UTOS dahil sa kaniyang KAHINAAN at KAWALAN NG KAPAKINABANGAN.
19 Sapagka’t ang KAUTUSAN AY WALANG ANOMANG PINASASAKDAL,

ROMA 7:
6   Datapuwa’t ngayon tayo’y nangaligtas sa kautusan, yamang tayo’y na- ngamatay doon sa nakatatali sa atin, ano pa’t NAGSISIPAGLINGKOD NA TAYO SA PANIBAGONG ESPIRITU, at hindi sa karatihan ng sulat.

ROMA 3:
20 Sapagka’t sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan ay WALANG LAMAN na aariing-ganap sa paningin niya;  sapagka’t sa pamamagitan ng KAUTUSAN AY ANG PAGKILALA NG KASALANAN.

COL 2 :
14  NA PINAWI ANG USAPANG NASUSULAT SA MGA PALATUNTUNAN LABAN SA ATIN, NA HINDI NAAYON SA ATIN: AT ITO’Y KANIYANG INALIS, na ipinako sa krus.

HEB  8 :
7  Sapagka’t KUNG ANG UNANG TIPANG YAON AY NAGING WALANG KAKULANGAN, AY HINDI NA SANA INIHANAP NG PANGANGALILANGAN ANG IKALAWA.

HEB  10 :
9  Saka sinabi niya, Narito, ako’y pumarito upang gawin ang iyong kalooban. INAALIS NIYA ANG UNA, UPANG MAITATAG ANG IKALAWA.

Mula sa pagpilipit ng katotohanan sa Mat 11:13 at 12 ay lumabas na ang kautusan at ang mga propeta ay hanggang kay Juan Bautista  na nga lamang. Na kung liliwanagin ay nagsilipas na ang kautusan at mga propeta, at ang natira na lamang ay yaong pananampalataya kay Jesucristo na walang gawa ng kautusan. Sapagka’t ang kautusan ayon sa daya ng kasinungalingan ng lapiang Gentil ay pinalabas nilang wala ng anomang kabuluhan sa ikaliligtas ng kaluluwa.

Kahit na sinong mangangaral na nabibilang sa iglesia ni Pablo ang inyong tanungin, kung saan mababasa sa biblia, na ang kautusan ay tunay ngang wala ng anomang bisa sa kapakinabangan ng kaluluwa. Tinitiyak namin sa inyo na ang alas nilang maaaring ilabas at ipababasa mismo sa inyo ng may boong pagmamalaki ay yaong mga salitang nasasaad sa Luc 16:16 na mula lamang sa daya ng kasinungalingan ni Lucas

Sa makatuwid ay naunang sumulat si Lucas at Marcos kay sa kay Pablo. Sapagka’t napakaliwanag na ang sulat ng dalawa lamang ang tangi niyang pinagbatayan nang sulatan niya ang mga taga Roma, Corinto,  Galacia, Efeso, Filipos, Colosas, at Tesalonica. Gayon din ang sulat niya kay Timoteo, Tito, at Filemon. Na sa pamamagitan ng idolohiyang Gentil na isiningit ng dalawa sa kanilang mga aklat, ay nahikayat at napaniwala ni Pablo ang marami na ang kaniyang sinabi  sa mga sulat niya ay umaayon umano sa mga salitang nangagsilabas mula sa bibig ni Jesucristo.

Ito baga’y isang mabigat na paratang sa panig ng lapiang Gentil? O isang pagbubunyag lamang ng katotohanan na malaon na nilang tinakpan ng patongpatong na kasinungalingan? Saan sila ngayon kukuha ng patibayang aral hinggil sa usaping ito, ngayong ang Luc16:16  na kanilang alas ay nabilad na ang tunay na kaanyuan? Papaano pa nila ngayon titindigan ng may pagpapatibay na ang tinatawag nilang lumang tipan sa biblia na kakikitaan ng kautusan ng Dios ay niluma na ng panahon at naparam na. Paano pa nila ngayon madadaya ang mga taong nakabatid ng katotohanang tumutukoy sa usaping ito?

Ngayong muli ay lumabas ang katotohanan, na ang kautusan pala kailan ma’y hindi lumipas, at gayon din naman ang mga salitang namutawi sa bibig ng mga sinaunang propeta ay mga katotohanan ding hindi lilipas. Sa makatuwid ay maaari na marahil ninyong balikang tingin ang mga sumusunod na talata na mula sa sinasabi ninyong pinag-iwanan ng panahon na lumang tipan.

AWIT 89:
34  Ang tipan ko’y hindi ko sisirain. Ni akin mang babaguhin ang bagay na lumabas sa aking mga labi.

AWIT 105 :
7  Siya ang Panginoon nating Dios; Ang kaniyang mga kahatulan ay nangasa boong lupa.
Kaniyang inalaala ang kaniyang tipan magpakailan man, Ang salita na kaniyang iniutos sa libong sali’t saling lahi.
  
AWIT 111:
7    Ang mga gawa ng kaniyang mga kamay ay KATOTOHANAN  at KAHATULAN. Lahat niyang mga tuntunin ay tunay.

8  NANGATATATAG MAGPAKAILAN KAILAN MAN. Mga yari sa KATOTOHANAN  at KATUWIRAN.

Ang Espiritu ng Dios na naghari sa kalooban ni Jesucristo ay nagpahayag ng kaniyang salita, na hanggang sa henerasyong iyon ay tinitindigan niya ang sinalita niya noong una mula sa bibig ng mga tunay na naging banal. Kaya’t ayon sa sumusunod na talata ay napakaliwanag na hanggang sa kasalukuyang panahon at sa mga darating pa’y mananatili ang kaniyang salita. Na kung liliwanagin ay hindi lilipas at iiral na magpasawalang hanggan.

MATEO 24 :
35  Ang langit at ang lupa ay lilipas, datapuwa’t ang aking mga salita ay hindi lilipas.

Kaya’t maituturing na isang napakalaking kahangalan na sabihing binago ng Dios ang kaniyang kautusan, nang dahil sa paglipas ng maraming panahon ay natuklasan niya na ito pala ay mayroong kakulangan. Kung ganito ang uri ng Dios na kinikilala ng lapiang Gentil ay tahasan naming sasabihin sa inyo na hindi namin maaaring kilalanin at pagkalooban ng anomang tiwala ang uri ng Dios na iyan.
Sapagka’t ang kinikilala naming tunay at nagiisang Dios ay yaong mayroong isang tunay na salita at hindi pabagobago at pamalimali. Nalalaman niya ang kaniyang nakaraan, ang kasalukuyan at yaong mga bagay na darating.  Kaya’t ano ang maaaring maging lihim sa kaniya sa mga susunod na panahon, gayong siya rin mismo ang kalakip ng anomang darating. Ano’t naging kulangkulang at pamalimali ang Dios na mababasa sa sumusunod na talata sa kasulatan ng lapiang Gentil.

HEB  8 :
7  SAPAGKA’T KUNG ANG UNANG TIPANG YAON AY NAGING WALANG KAKULANGAN, AY HINDI NA SANA INIHANAP NG PANGANGALILANGAN ANG IKALAWA.

Sadyang ang lapiang Gentil ay hindi kailan man magkakasiya sa alin mang biyaya na nakakamit mula sa tunay na Dios. Sapagka’t napakaliwanag na sa tao ay ibinigay ang kahustuhan ng kautusan, upang maging tanging sandigan ng kaniyang kaligtasan. Subali’t ito’y walang naging anomang kasapatan sa paningin ng mga Gentil. Kaya’t nasumpungan nilang ito’y kulang, upang ihanap nila mula sa kanilang kamangmangan ng ikalawa na aayon sa karumaldumal nilang kaugalian. Sa makatuwid baga’y yaong pananampalataya na walang gawa ng kautusan, na kanilang ipinalit sa una bilang pangalawa? Sa gayo’y sino ang nasunod, ang kalooban baga ng Dios o ang kalooban nila na naguumapaw sa kahangalan?

Kung kahangalan o kaululan din lang ang paguusapan ay tindigan nyo na sa inyong mga sarili ang nasasaad sa Luc 16:16. Datapuwa’t kung kayo’y may pagpapahalaga pa sa kapakanan ng inyong kaluluwa, ay hindi magiging mahirap sa inyo na tanggapin ng buong puso ang nasasaad sa Mat 11:13 at 12, na isa lamang sa nilalaman na mga katotohanan ng orihinal na kasulatan (Tanakh) na siya nating teksto. Sa gayo’y magsisipanumbalik kayo sa tunay at tamang daan, na sadyang itinalaga ng Dios sa lahat na lakaran at taluntunin tungo sa ganap na kapahingahan ng kanino mang kaluluwa.

Ano pa’t maging itong si Jesus na walang kinalaman sa usaping iyan ay ginawa nitong si Pablo na mapanghimagsik sa kautusan, na sinasabi,

HEB  10 :
9  Saka SINABI NIYA, Narito, ako’y pumarito upang gawin ang iyong kalooban. INAALIS NIYA ANG  UNA, UPANG MAITATAG ANG IKALAWA.

Katotohanang sa lapiang Gentil na hindi kailan man kumilala sa kautusan ng Dios ay sumilang ang isang lalake na ang ngalan ay Pablo. Siya ay naparito upang gawin ang kalooban ng kaniyang panginoong diyablo. Mula sa daya ng kasinungalingan ay inalis niya sa kaisipan ng halos hindi mabilang na nilalang ang kautusang nangatatatag magpakailan kailan man. Upang maitatag ang pangalawang kautusan na ikabubulid sa kamatayan ng lahat ng kaluluwa na dito ay maglalagak ng ganap na tiwala.

Huwag kailan man ninyong isipin na ang tinutukoy ng talata sa itaas ay si Jesucristo. Sapagka’t wala siyang binagong anoman sa kalooban ng Espiritu ng Dios na naghari sa kaniyang kabuoan. Hinggil dito ay matatanggihan baga ninyo bilang katotohanan ang mga sumusunod na salita?

MATEO  5 :
17  HUWAG NINYONG ISIPING AKO’Y NAPARITO UPANG SIRAIN ANG KAUTUSAN O ANG MGA PROPETA: ako’y naparito hindi upang sirain, kundi upang GANAPIN.

18  Sapagka’t katotohanang sinasabi ko sa inyo, HANGGANG SA MANGAWALA ANG LANGIT AT ANG LUPA, ANG ISANG TULDOK O ISANG KUDLIT, SA ANOMANG PARAAN AY HINDI MAWAWALA SA KAUTUSAN, hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay.

JUAN  12 :
50  At nalalaman ko na ANG KANIYANG UTOS AY BUHAY NA WALANG HANGGAN; at  ang mga bagay nga na sinasalita ko, ay ayon sa sinabi sa akin ng Ama, gayon ko sinasalita.

Gayon din namang maitatanggi rin ba maging ng mga tagapagtanggol sa kasulatan ng lapiang Gentil ang mga pahayag ni Pablo na mababasa sa mga susunod na talata?

ROMA 7:
6 Datapuwa’t ngayon tayo’y nangaligtas sa kautusan, yamang tayo’y nangamatay doon sa nakatatali sa atin; ano pa’t NAGSISIPAGLINGKOD na tayo sa PANIBAGONG ESPIRITU, at hindi sa karatihan ng sulat.

GAWA 27:
23 Sapagka’t nang gabing ito ay tumayo sa tabi ko ang angel ng Dios na may-ari sa akin, at siya ko namang PINAGLILINGKURAN.

2 COR 12:
7 At nang ako’y huwag magpalalong labis dahil sa kadakilaan ng mga pahayag, ay binigyan ako ng isang tinik sa laman, NG ISANG SUGO NI SATANAS, UPANG AKO’Y TAMPALIN, NANG AKO’Y HUWAG MAGPALALO NG LABIS.

1 TIM 1:
20 Na sa mga ito’y si Himeneo at si Alejandro; na sila’y AKING IBINIGAY KAY SATANAS, UPANG SILA’Y MATURUANG  HUWAG MAMUSONG.

Ang mga tagapagturo ng Dios sa matuwid ay ang kaniyang mga BANAL na pinaghaharian ng kaniyang Cordero, o yaong tinatawag na Espiritu Santo.  Na ang bawa’t tao ay tinuturuan ng katuwiran ng Dios, sa gayo’y natututo sila na huwag mamusong.

Datapuwa’t ang tagapagturo ni PABLO sa  gawaing ito ay hindi mga banal ng Dios kundi si SATANAS.  Ngayon ay inyong panakaunawain kung sino ang tinutukoy niyang panibagong Espritu na kaniyang pinaglilingkuran.  At kung siya’y lumaya na nga sa pagkakatali sa kautusan ng kaisaisang Dios, ay kaninong Espiritu sa ngayon siya ay natatali? 

Maaari ninyong sabihin na kay JESUCRISTO. Iyan ay hindi nangyari saan man at kailan man. Sapagka’t ang na kay Cristo ay yaon ding Espiritu ng Ama na kailan man ay hindi binago ang mga salitang nangagsilabas sa kaniyang bibig.  Kung hindi sa Ama at hindi rin sa Anak natatali si PABLO, ay maliwanag na ang panibagong Espiritu niyang pinaglilingkuran ay napakalinaw na si SATANAS.

Nang dahil sa paghaharing ito ni Satanas sa kabuoang pagkatao ni Pablo ay nagawa niyang ilihis ang katuwiran ng Dios, sa pamamagitan ng panghihikayat sa mga kadugo niyang Gentil na ang PANANAMPALATAYA lamang ang tanging pagasa nila tungo sa ikaliligtas ng kaluluwa at hindi sa pamamagitan nitong aniya'y gawa ng mga inutil na kautusan ng kaisaisang Dios. Datapuwa’t mismong sa bibig ni Jesucristo ay lumabas ang mga salitang ganap na pinasisinungalingan ang mga mapanlinlang niyang aral ng kasinungalingan at pandaraya.

Hinggil dito ay narito ang wika ng Dios na lumabas mula sa bibig ni Apostol Juan.

 1 JUAN 3:
4  Ang sinomang gumagawa ng kasalanan ay sumasalangsang din naman sa kautusan; at ang KASALANAN AY ANG PAGSALANGSANG SA KAUTUSAN.

Sa Luc 16:16 ay hindi lamang sinalangsang ang kautusan, kundi ito ay lantaran na niwalan ng anomang kabuluhan. Kaya’t ano kaya ang kaparusahang naghihintay sa kaluluwa ng mga tao na nagsipaniwala sa talatang iyan at nanindigan na lipas na nga ang nabanggit na kautusan, at nawalan na rin ng bisa ang mga salitang nangaisulat ng mga sinaunang propeta? Dahil diyan ay tiyak ang kinahinatnang kalunoslunos na kalagayan ng kaluluwa ni Lucas at Pablo, dahil sa mapangahas nilang pagpilipit sa katuwiran ng mga salita ng Dios na mababasa sa Mat11:12-13.

Pinaniniwalaan ng mga dalubhasa sa kasulatan, na ang nilalaman ng Lucas 16:16 ang pinaka simple sa lahat ng kadayaan na ginawa ng mga Gentil sa pangungulo nitong si Lucas. Gayon ma’y lumikha ng ga-higanteng epekto sa sangkatauhan. Sapagka’t nagawa nitong palabasin sa pananaw at pang-unawa ng marami, na ang kautusan ng Dios ay inutil, walang kabuluhan at walang kakayanan na maghatid ng sinomang kaluluwa sa buhay na walang hanggan. Sa gayo’y napagtagumpayan nila na paganapin ang lubhang malaking bilang ng mga tao sa, “Pananampalataya kay Jesucristo bilang Dios Anak, na hiwalay sa mga gawa ng pinaniniwalaan nilang inutil na mga kautusan ng Dios.” 

Patuloy nawang dumaloy sa kabuoan natin ang masaganang biyaya na mula sa kaharian ng Ama nating nasa langit.

Hanggang sa muli, paalam.



No comments:

Post a Comment