Monday, October 10, 2011

AMA NAMIN (Ang Orasyon ni Jesus)



JUAN 20 :
17  Sinabi sa kaniya ni Jesus, Huwag mo akong hipuin; sapagka’t HINDI PA AKO NAKAKA AKYAT SA AMA, nguni’t pumaroon ka sa aking mga KAPATID, at sabihin mo sa kanila, Aakyat ako sa AKING AMA, at INYONG AMA, at AKING DIOS at INYONG DIOS.

Sa patibayang aral na nalalahad sa itaas ay hindi maitatanggi ninoman, na mula sa bibig ni Jesus ay lumabas ang mga salita,  na ang kaniyang kinikilalang Ama ay siya rin nating Ama. Gayon din ang sinasamaba niyang Dios ay siya rin nating Dios. Kung gayo’y napakaliwanag na Ama nating lahat ang kaisaisang Dios na nasa langit.

Dahil dito, ang Espiritu ng Dios na namahay at naghari sa kabuoan ni Jesus sa natatangi niyang kapanahunan ay tinuruan tayong manalangin sa Ama nating nasa langit, na sinasabi,



MATEO 6 :
Magsidalangin nga kayo ng ganito: AMA NAMIN na nasa langit ka, SAMBAHIN NAWA ANG PANGALAN MO.

10  DUMATING NAWA ANG KAHARIAN MO, GAWIN NAWA ANG IYONG KALOOBAN, kung paano sa langit, gayon din naman sa lupa.

11  IBIGAY MO SA AMIN NGAYON ANG AMING KAKANIN SA ARAW-ARAW.

12  At IPATAWAD MO SA AMIN ANG AMING MGA UTANG, gaya naman namin na nagpatawad sa mga may utang sa amin.

13  At huwag mo kaming ihatid sa tukso, kundi ILIGTAS MO KAMI SA MASAMA. Sapagka’t iyo ang kaharian, at ang kapangyarihan, at ang kaluwalhatian, magpakailan man. Siya nawa.


Na sinabing sila’y magsidalangin at sambahin ang Ama nating nasa langit. Nang sa gayo’y maganap nila ang kaniyang kalooban, na kung lilinawin ay yaong kaniyang mga kautusan, palatuntunan, at kahatulan. Kasunod nito’y ang paghingi ng pang araw-araw na makakain, at kapatawaran sa mga nangagawa nilang kasalanan. At sa pagtatapos ng panalangin ay nagsihingi sila ng kaligtasan sa masama.

Narito, at ito na mismong si Jesus ang nagwika, na ang lahat ay sa Ama lamang na nasa langit mag-aalay ng kani-kanilang panalangin. Sa madaling salita’y walang sinoman na kailangang mamagitan sa pakikipag-ugnay sa Ama. Palibhasa, ang pinaka-wastong panalangin sa Kaniya na nararapat sambitin ng sinoman sa kaniyang mga anak ay malaon ng suma atin sa pamamagitan ng bibig ni Jesus (Mateo 6:9-13).

Nakakalungkot nga lamang na ang payak na panalanging ito patungkol sa Ama ay tila hindi napag-unawa ng marami. Sapagka’t ang isinabuhay nilang katuruan pangkabanalan ay ayon sa iba’t ibang haka at likhang doktrinang pangrelihiyon (evangelio ng di pagtutuli) ng mga hindi nakakaunawa ng salita. Dahil dito ay hindi kakaunting kaluluwa ang napahamak at patuloy na nabubulid ang marami pa sa kaawa-awang kalagayang yaon hanggang sa ating panahon.

Kaya naman sa mga araw na ito’y minarapat naming sariwain ang ala-ala ng marami hinggil sa katuwiran na inilahad ng panalanging nabanggit. Alinsunod nga sa mga hindi maitatangging katiwatiwalang katunayang biblikal ay lalapatan namin ng kaukulang tanglaw ang tungkol sa lubos na kahalagahan ng bagay na ito ng Dios.

Ang dakilang panalangin (Ama Namin) ngang ito patungkol sa Ama ay mariing sinalita ng bibig ni Jesus, na sinasabi,

MATEO 6 :
Magsidalangin nga kayo ng ganito: AMA NAMIN na nasa langit ka,

Sa simula nga nito’y binigyan ng diin, na ang panalangin lamang na ito ang kaisaisang dasal sa Ama na nararapat bumukal sa bibig ng sinoman. Sapagka’t ang kasaysayan ay walang nabanggit na ano pa man hinggil sa ibang panalangin na nararapat sambitin ng sinoman sa kalupaan.

Dito ay makikitang ang sinoma’y tumatanggap, at ang pinatutungkulan ng kaniyang dasal ay ang sarili niyang Ama na nasa langit. Ama, na ang nilalapatan ay ang kaniyang kaisahan, na kalagayang masiglang umiiral sa kaniyang kaluwalhatian. Ano pa’t kung may isang Ama na nasa langit ay nararapat tanggapin ng lahat na tayong mga tao sa daigdig na ito’y kaniyang mga anak. Sapagka’t sa simula ng panalangin ay ipinakilala na ang Dios na pinatutukulan nito ay ang sariling Ama ng sinoman sa kalupaang ito.


SAMBAHIN NAWA ANG PANGALAN MO.

Ipinauunawa rin ng salita, na ang pangalan lamang ng Amang ito ang karapatdapat sa lahat ng uri ng pagsamba. Sapagka’t kaniyang sinabi,

ISA 45 :
22  Kayo’y magsitingin sa akin at kayo’y mangaligtas, lahat na taga wakas ng lupa: sapagka’t AKO’Y DIOS, at WALANG IBA LIBAN SA AKIN.

Gayon nga ring sinalita ng bibig ng kaniyang mga banal, na sinasabi,

Deut 32
12 Ang Panginoon na magisa ang pumapatnubay sa kaniya, At walang ibang dios na kasama siya.

MAL 2 :
10  Wala baga tayong lahat na ISANG AMA? Hindi baga ISANG DIOS ang lumalang sa atin? ...

Katunayan lamang na walang pangalan sa kalawakan ng Dimensiyon ng Materiya at sa dimensiyon ng Espiritu na karapatdapat sa anomang uri ng pagsamba, maliban sa pangalan ng ating Ama. Wala rin namang pangalan na sukat ikaligtas ng sinoman sa silong ng langit, maliban sa pangalan ng ating Ama.


10  DUMATING NAWA ANG KAHARIAN MO,

Ang kaharian ng Dios ay katotohanan na nasa langit na kaniyang natatanging kaluwalhatian. Ang ibig bagang sabihin ay literal na bababa sa lupa ang nabanggit na kaharian? Hindi nga ang gayon, kundi ang payak na ibig sabihin nito ay gaya nga lamang ng nasusulat, na sinasabi,

Jesus casts demon out of dumb man
MATEO 12 :
28  Nguni’t kung sa pamamagitan ng ESPIRITU NG DIOS ay nagpapalabas ako ng mga demonio, ay DUMATING NGA SA INYO ANG KAHARIAN NG DIOS.

Narito, at napakaliwanag na ang presensiya ng Espiritu ng Dios ang siyang kumakatawan sa kaharian ng Dios. Sa madaling salita, kung sa isang tao ay namamahay at naghahari ang Espiritu ng Dios gaya ng mga naging tunay na banal, ang anomang pook na kaniyang paroonan ay katotohanan ngang dinatnan ng kaharian ng Dios.

Sa kabuoan ng Espiritu ng Dios ay umiiral ang katotohanan, ilaw, pag-ibig, kapangyarihan, paglikha, karunungan, at buhay na walang hanggan. Kaya ang sinomang makinig sa mga salita na nangagsilabas mula sa bibig ng mga tunay na banal ay walang alinlangang binabaan na nitong kaharian ng Dios.

Sa makatuwid ay iisa na sila sa katotohanan, iisa na sila sa ilaw, iisa na sila sa pagibig, iisa na sila sa lakas, iisa na sila sa paggawa, iisa na sila sa karunungan, at iisa na sila sa buhay na walang hanggan. Sa makatuwid kung gayo'y iisa ang Ama at ang anak sa larangan ng tunay na kabanalan.

Ang sinoman ngang makipag-isa sa gayong mga bagay ay tunay na ngang bahagi ng kaharian ng Dios. Sa gayo’y maipasisiyang nakabalik na ang partikular na bahaging yaon sa kabuoan na siya niyang kaisaisang pinagmulan.


GAWIN NAWA ANG IYONG KALOOBAN, kung paano sa langit, gayon din naman sa lupa.

Mga kautusan, palatuntunan, at kahatulan sa makatuwid ang natatanging kalooban ng Ama nating nasa langit. Bukod sa mga ito’y wala na ngang anomang maaaring idagdag na masasabing kalooban niya. Sapagka’t nasa tatlong (3) yaon na ang lahat na nilalaman ng kaniyang kalooban patungkol sa lahat ng kaniyang mga anak sa kalupaan.

Kung paano nga nagaganap ang perpektong kaayusan at dakilang balanse sa kalangitan; sa pamamagitan ng pagtalima sa kaniyang mga kautusan, palatuntunan, at kahatulan ay magiging gayon nga rin na iiral ang ganap na kaayusan at dakilang balance sa kalupaan. Ang tanawing ito kung gayon ang natatanging daan, upang kung paano nagaganap ang kalooban ng Ama sa langit ay gayon din namang maganap sa kalupaan.


11 IBIGAY MO SA AMIN NGAYON ANG AMING KAKANIN SA ARAW-ARAW.

Kung kailangan ng kaluluwa ang pagsunod sa mga kautusan, palatuntunan, at kahatulan bilang pagkaing ikabubuhay niya. Kailangan din naman ng katawang pisikal na ito’y tustusan ng husto nitong mga masusustansiyang makakain. Kaya sa panalangin ay mahalagang-mahalaga na hingin ang gayong bagay sa Dios.




12  At IPATAWAD MO SA AMIN ANG AMING MGA UTANG, gaya naman namin na nagpatawad sa mga may utang sa amin.

Sinasabing ipatawad ng Ama sa sinomang dumadalangin ang mga nagawa niyang kasalanan. Ano pa’t ang isang matuwid na tao sa paningin ng Dios ay mabilis na nakapagpapatawad sa kaniyang kapuwa, kaya naman kapag siya’y dumalangin ay sa gayon ding paraan niya nakakamit ang kapatawaran.

Maliwanag kung gayon na ang pagpapatawad sa lahat ng kasalanan ng mga tao ay ang Ama lamang pala ang may ganap na kapamahalaan. Palibhasa’y iisa lamang siya sa natatangi niyang kalagayan, at bukod sa kaniya ay katotohanan na wala ng iba pa.



13  At huwag mo kaming ihatid sa tukso, kundi ILIGTAS MO KAMI SA MASAMA.

Ang sinoman nga’y sa Ama lamang nating nasa langit nararapat na hingin ang kaniyang kaligtasan sa masama. Ito’y katunayan na Siya lamang ang kaisaisang maaaring magligtas ng sinoman, sapagka’t ang mga salitang ito’y hindi lumabas mula sa bibig ng sinomang tao, kundi mga salita ng Dios na sinalita ng sariling bibig ni Jesus. Hindi na sana iniutos sa sangkatauhan ng sariling bibig ng Cristo ang paghingi ng kaligtasan sa Ama, kung siya na mismo ang tagapagligtas ng sanglibutan. Disin sana'y iniutos na lamang sana niya na ang sangkatauhan ay sa kaniya manalangin, maghingi ng kaligtasan, at kapatawaran ng kasalanan.



Kung gayong ang panalangin sa Ama ay matuwid na ibinigay sa lahat ng tao sa pamamagitan ng bibig ni Jesus; katotohanan ngang maituturing ang mga salitang nilalaman ng nabanggit na panalangin. Sapat upang mapag-unawa ng lahat ang mga sumusunod na katuwirang pangkabanalan.

Ano pa’t sa natatangi Niyang kalagayan bilang kaisaisa sa Kaniyang kaluwalhatian ay nararapat na isa-isip, at isapuso, at isagawa ng sinoman ang nagtutumibay na katuwirang mababasa sa ibaba.  

1.    Sa Amang nasa langit lamang iuukol ang anomang panalangin. Sapagka’t walang ibang Dios na maaaring tumugon sa panalangin ng sinoman mula sa kalupaan. Bukod nga sa kaniya na Ama nating nasa langit ay wala ng iba pa.

2.    Sinasamba ng anak ang pangalan ng sarili niyang Ama na nasa langit, nang dahil sa ito’y gawa ng isang anak na lubos ang pag-ibig sa kaniyang Ama.

3.      Sa isang anak na kinakikitaan ng masugid na pagtalima sa kalooban ng sarili niyang Ama; sa lupa pa nga lamang ay nararanasan na niya ang kabanal-banalang kalagayang gaya ng sa langit. Katunayang ito’y ibinaba sa kaniya, upang sa lupa pa lamang ay maranasan na niya ang buhay na naghihintay sa kaniya sa kaluwalhatian ng langit.

4.  Sinoman nga sa kalupaang ito’y hindi kailan man nakalas sa bigkis ng mga kautusan, palatuntunan, at kahatulan ng Dios. Kaya ang lahat, sa ayaw at sa ibig man nila’y kailangang tumupad sa mga yaon. Sapagka’t yaon ang utos na ang lahat ay gumanap sa kautusan, at sa palatuntunan, at sa kahatulan.

5.     Sa panalangin sa Ama nating nasa langit ay nararapat na hingin ang mga bagay na magpapanatili nitong buhay ng katawang pisikal. Yaon ang matuwid, at matapos na ikaw ay humingi ay isunod na nga ang masiglang paggawa.

6.  Nararapat tanggapin ng lahat na ang sarili nating Ama ang siyang kaisaisang may kapamahalaan sa pagpapatawad ng kasalanan, at bukod sa kaniya ay wala ng iba. 

7.    Mahalaga ring mapag-unawa ng lahat na siya na ating Ama, sa kaisahan niya’y nagliligtas ng kaniyang mga anak sa masama. Kaugnay nito ay maituturing na isang napakalaking kamangmangan at kahangalan na umasa ng kaligtasan sa iba.

Ang Ama ngang ito’y may mga anak sa kalupaan, at sila na mga anak ay ganap na tumutukoy sa sangkatauhan, at ito ang katotohanan na nararapat tindigan ng lahat. Ang wasto at hustong panalangin sa ating Ama sa makatuwid, ay ang dasal na, "AMA NAMIN." Wala ngang panalangin na hihigit pa dito, kaya ang sinomang tinatanggap ang pagiging anak niya ay walang ibang pag-uukulan ng dasal na ito, kundi ang sarili niyang Ama, na siyang kaisaisang Dios na nasa langit. 

Kamangmangan na ngang maituturing pa, kung ang sinoma'y mag-aalay ng dasal kay Jesus, sa Espiritu Santo, o sa kanino pa man. Sapagka't saliksikin mo man ang buong kasulatan, bukod sa Ama ay walang sinomang binanggit si Jesus na iba pang pagtutuunan ng dasal. Ang panalangin sa makatuwid ay ukol lamang sa kaisaisang Dios na nasa langit, at hindi kay Jesus, hindi rin kay Maria, at lalo ng hindi sa mga Santo ng mga paganong Romano


Gaya ng isang tuldok, ang katatapos na pitong (7) katuwirang pangkabanalan ay ganap na sinasang-ayun ng katotohanan, at bilang pagtatapos sa panalanging ito'y winika ng bibig ni Jesus, 

Sapagka’t iyo ang kaharian, at ang kapangyarihan, at ang kaluwalhatian, magpakailan man. Siya nawa.

Gayon ngang napakaliwanag, na ang Ama nating nasa langit ang nag-iisang nagmamay-ari ng kaharian, at siya lamang ang kaisaisang makapangyarihan, na taglay ang magpasawalang hanggang kaluwalhatian sa Kaniyang kabuoan. Bukod nga sa kaisaisang Dios (Ama) ng langit ay wala ng iba pa na maaaring makapagligtas sa kaluluwa ng sinoman, Sa gayo'y isang katotohanan na matuwid tindigan ng sinoman, na ang kaisaisang Dios (Ama) lamang na nasa langit ang kaisaisang PERSONAL niyang,

1. Dios na nasa langit.

2. Dios na sasambahin.
3. Dios na dalanginan.
4. Dios na tagapagkaloob ng kaharian.
5. Dios na tagapagkaloob ng biyaya.
6. Dios tagapagkaloob ng biyaya.
7. Dios na tagapagligtas.

Sapagka't ang kaisaisang Dios na iyan ay Siyang nagmamay-ari ng kahariang nasa langit, ang kaisaisang nagtataglay ng kapangyarihan, at kaluwalhatian magpakailan man. 

Hangang sa muli, paalam.




6 comments:

  1. right! god is good. :)

    ReplyDelete
  2. Ang galing ng paliwanag, convincing.
    Nr 1 talaga ang ama namin at belive ako na ito lang ang dapat dasalin natin. hindi tayo magdadasal sa iba pa, kasi iisa lang ang dios, kaya sa isa lang tayo magdadasal.

    ReplyDelete
  3. Sa iisang Dios ay kailangan dasalin sa kaniya ang turong dasal ni Jesus. Mali talaga na dasalan si Jesus, at si Maria, at ang mga santo ng katoliko. Kasi hindi naman sila dios. Kasi hindi naman itinuro ni jesus na pati siya at yung iba ay dasalan din.

    ReplyDelete
  4. Lubos kaming nagpapasalamat sa ilan na nagbibigay ng comment sa content ng aming blog, kahi man sila'y hindi nagpapakilala. Gayon ma'y hindi namin tinutugon, o ipinapublish ang ANONYMOUS comments. Kung ang mga ito'y mga negatibong pahayag na walang kaakibat na katiwatiwalang katunayang biblikal. Makabubuting bago maglahad ng comment ay unawain munang mabuti ang content ng blog.

    ReplyDelete
  5. Very much agee ako sa paliwanag ng sulat mo nato Yohvshva. Si Jesus na ang nagsabi, kaya dapat sundin para hindi tayo matawag na anticristo.

    ReplyDelete
  6. Amen, Amen and Amen !!!!

    ReplyDelete