Biyernes, Hunyo 17, 2016

KAWAN NG DIOS

Mula sa madamong salansan ng mga burol sa kaparangan, gayon din sa kapatagan ng pastulan ay karaniwan ng masusumpungan ang pulutong ng iba’t ibang uri ng domestikado at maiilap na hayop. Kadalasan ang mga tupa, kambing, baka at iba pa ay ginagabayan ng tagapag-alaga, na kung tawagin ay pastol. Kawan ang tawag niya sa kabuoang bilang ng kaniyang mga alagang hayop at sila’y kaniyang binabantayan at inaaruga araw at gabi.

Ang pastol ay ginugugol ang buo niyang panahon sa pag-aalaga at pagtataguyod ng kaniyang kawan. Nakikita ng matatalas niyang mga mata ang anomang akma, o banta ng kapahamakan sa tinatangkilik niyang kawan. Kaagad ay naitataboy niya ang mga umaali-aligid na mga maninila at mula sa pagkatakot ay madali niyang nailalagay sa kapanatagan ng kalooban ang buo niyang kawan. Nalalaman nila na mula sa pag-aaruga ng kanilang pastol, saan man at kailan man ay hindi sila maaagaw ng sinoman at ng anoman sa kaniyang mga kamay.

Lubos ang pagkakakilala ng kawan sa kaniyang pastol at sa gayo’y masigla at may galak na sila’y tumatalima sa bahagyang kumpas ng kaniyang mga kamay at nauunawaan nila ang piling salita at ilang sipol ng kaniyang bibig.  Sa madaling salita ay tumatayong ulo ang pastol, na siyang pinagmumulan ng anomang galaw ng kaniyang katawan (kawan).