Huwebes, Abril 16, 2015

SALAGIMSIM NG MGA HUWAD NA TALAYTAYAN (Medium)

PAALALA:
Hindi namin layuning gibain ang paninindigan ng marami, ni ilagay man sa kahiyahiyang kalagayan ang aming kapuwa. Bagkus ay upang maglahad lamang ng mga bagay na sinasang-ayunang lubos ng mga katuwirang sumasa Dios. Hindi namin hinangad na husgahan ang sinoman, palibhasa'y ang mga salita ng Dios na isinatinig ng mga tunay na banal ang siyang humuhusga sa mga karumaldumal ng marami. Nawa'y maunawaan ng lahat na kami'y alingawngaw lamang ng mga katotohanang isinigaw at isinatitik nilang mga totoong banal na nabuhay sa malayo at malapit na kapanahunan.

Higit sa isang daang (100) taon na ang nakakalipas. Sa tinagaltagal nga ng pag-iral nitong kapatiran ng mga espiritista sa buong kapuluan, ay totoong walang anomang nabuong kaparaanan, sa pagkilala ng tunay at huwad na kasangkapan (talaytayan) ng espiritu. Palibhasa’y naging husto ang paniniwala ng mga kasapi natin, na ang nagaganap sa kanilang harapan ay isang makatotohanang interbensiyon ng espiritu. Iyan ay dahil sa simula pa lamang ay ikinakamada na nitong sistema ng kapatirang espiritista, o kaugaliang espiritista ang laman ng kanilang isipan, na ang nasasaksihan nila umanong paraan ng pagsanib ng espiritu ay katotohanan. 

Gaya ng isang doktrinang pangrelihiyon na itinatali ang kaisipan at damdamin ng sinoman sa matibay na hidwang paniniwala. Sa gayo’y naisasara ang isipan at damdamin, upang huwag ng bigyang puwang pa ang katuwiran ng ibang kaalaman. Sapagka’t ang nai-ukit sa kanilang isipan ng partikular na doktrinang pangrelihiyon, gaano man iyon kapilipit, para sa kanila ay iyon na nga ang katotohanan.

Nagsisimula mismo ang pagsusuri sa kinikilalang kasangkapan. Iyan ay upang malaman, kung siya baga’y totoong binababaan ng espiritu, at sa pamamgitan ba niya bilang isang talaytayan ay naisasatinig ang sagradong aral. Ano pa’t sa kawalan ng sistemang pagkilala sa kanila ay lumaganap na parang malaking sunog ng apoy ang pamamayagpag ng mga huwad na medium ng kapatiran sa buong kapuluan at sa ibayong dagat. Kaugalian na itinuring nila (medium) na gawaing sinasang-ayunan ng Dios. Ang mali mula sa paulit-ulit na pagsasabuhay, kung lumaon ay nagiging isang kaugalian na sa buong akala ng marami ay gawaing sinasang-ayunan ng katotohanan na suma sa Dios.

Kung iyong tititigan sila ay tila ba tunay na may nakalukob na espiritung banal sa kanilang kalooban at kabuoan, yun pala naman ay wala, at sa pagkukunwari na gaya ng isang may nakaluklok na espiritu ay napapaniwala nila ang kaawa-awa nating mga kapatid, na sila sa partikular na sandaling iyon ng gawain ay may panauhing banal na espiritu sa kabuoan ng kanilang katawan.